Ampicillin

From Wikihealth
Jump to: navigation, search

Ang ampicillin ay isa sa mga uri ng beta-lactam antibiotics na maaring sumugpo sa ilang gram-negative at gram-positive na mga mikrobyo. Ang antibiotic na ito ay hindi makakagamot ng impeksyon dulot ng viruses tulad ng sipon o trangkaso.

Contents

Likas na katangian

Ang ampicillin ay matagal nang ginagamit para sa mga impeksyon sanhi ng bacteria mula pa noong 1961. Isa ito sa mga malalakas na antibiotic noong panahong iyon dahil kadalasan, ang mga gamot na hango sa penicillin ay nakakapigil lamang ng mga impeksyon dulot ng gram-positive bacteria. Bagamat bihira itong gamitin ngayon dahil sa bacterial resistance, ang kanyang bisa ay halos kapareho ng amoxicillin na hinango din dito. Epektibo ito laban sa Streptococcus, L. monocytogenes, M. catarrhalis, mga uri ng Neisseria, E. coli, P. mirabilis, Salmonella, Shigella, at H. influenzae.

Ang tanging pagkakaiba ng ampicillin sa penicillin ay ang amino group na siyang nagbibigay dito ng kakayahang ma-penetrate ang mga cell walls ng mga gram-negative bacteria. Pinipigilan nito ang pagdami ng bacteria sa pamamagitan ng pagpigil ng transpeptidase, isang uri ng enzyme na kailangan ng mga bacteria para makagawa ng matitibay na cell wall. Sa pamamagitan nito, hindi na tumutuloy sa ikatlo at huling yugto ng binary fission ang paggawa ng cell walls na magdudulot ng cell lysis.

Mga pinaggagamitan at dosis

Ang ampicillin ay maaring inumin o iiniksyon kung kinakailangan. Mainam kung iinumin ang kapsula ng ampicillin nang walang laman ang tiyan. Maaring 1 oras bago o 2 oras matapos kumain. Ang mga nilusaw na pulbo ng ampiciliin ay maaring gamitin sa loob ng 1 linggo o hanggang 2 linggo kung itatabi sa refrigerator. Kailangan alugin ito ng mabuti bago gamitin.

Mga nakatatanda

  • Para sa impeksyon ng biliary tract, endocarditis, otitis media, peritonitis, bronchitis, gastroenteritis, at dulot ng streptococci bago o matapos manganak - Uminom ng 250 hanggang 500 milligrams na kapsula kada 6 na oras.
  • Typhoid fever at paratyphoid fever - Maaring uminom ng 1 hanggang 2 gramo kada 6 na oras sa loob ng 2 linggo para sa mga nahawaan at sa loob ng 1 hanggang 3 buwan naman para sa mga carriers ng impeksyong ito.
  • Uncomplicated gonorrhea - May isang dosis lang ng 2 gramong ampicillin kasabay ng 1 gramong probenecid. Inirerekomendang ulitin ito sa sumunod na araw para sa mga babaeng pasyente.
  • Intrapartum prophylaxis laban sa impeksyon dulot ng group B Streptococcus - Iiniksyunan ng paunang 2 gramong ampicillin, at susundan ng 1 gramo kada 4 na oras hanggang sa makapanganak.
  • Kung gagamiting supplement na antibiotic.
    • Kapag ang iniksyon ay intrapleural o intraperitoneal, ang 500 milligrams ng ampicillin ay lulusawin sa 5 hanggang 10 milliliter ng tubig sa loob ng vial nito.
    • Kung ito naman ay magiging intra-articular na iniksyon, ang 500 milligrams ng ampicillin ay lulusawin sa 5 milliliters ng tubig o sa 0.5% ng procaine HCl solution.
  • Meningitis - Maaring magbigay ng paunang intravenous na iniksyon ng 150 hanggang 200 milligrams kada kilong bigat sa isang araw. Ito ay hahatiin sa mga dosis kada 3 o 4 na oras.
  • Septicemia - Mula 150 hanggang 200 milligrams ng ampicillin kada kilong bigat sa isang araw ang puwedeng ibigay. Maaring magbigay muna ng intravenous injection sa loob ng 3 araw, matapos ay maipagpapatuloy na ng intramuscular injection kada 3 o 4 na oras. Ipagpapatuloy ang intramuscular injection sa loob ng 48 hanggang 72 oras matapos makalap ng ebidensya na wala na ang bacteria sa dugo. Kung ang impeksyon ay dulot ng group A beta-hemolytic na streptococcus, kailangan itong umabot ng hanggang 10 araw para hindi matuloy sa rheumatic fever o glomerulonephritis.
  • Para sa mga impeksyon ng bacteria na nasusugpo ng ampicillin - Maaring magbigay ng 250 hanggang 500 milligrams kada 6 na oras sa pamamagitan ng mabagal (sa loob ng 3 hanggang 5 minuto) na intravenous o intramuscular injection. Maaari rin itong idaan ito sa suwero.

Mga nakababata

  • Para sa impeksyon ng biliary tract, endocarditis, otitis media, peritonitis, bronchitis, gastroenteritis, at dulot ng streptococcus bago o matapos maipanganak. Uminom ng katumbas ng 50 hanggang 100 milligram kada kilong bigat sa isang araw. Maaring hatiin ang dosis na ibibigay kada 6 na oras sa loob ng isang araw. Hindi ito dapat lumabis ng 2 hanggang 4 gramo kada araw.
  • Kung gagamiting supplement na antibiotic at iiniksyon na intra-articular, intrapleural o intraperitoneal, kakalahatiin ang rekomendadong dosis ng para sa nakatatanda.
  • Meningitis - Kadalasan binibigay ang 150 milligrams ng ampicillin kada kilong bigat sa pamamagitan ng intravenous injection sa una matapos ay susundan ng intramuscula injection. Hindi dapat ito lumabis ng 3 gramo kada araw.
    • Para sa mga bagong silang na sanggol na mas bata pa sa 2 linggo, 50 milligrams kada kilong bigat kada 12 oras.
    • Para sa mga sanggol na mas matanda pa sa 2 linggo, maaring magbigay ng 50 milligrams ng ampicillin kada kilong bigat kada 8 oras.
  • Para sa mga impeksyon ng bacteria na masusugpo ng ampicillin - Ang 100 hanggang 400 milligrams kada kilong bigat ng ampicillin ay maaring hatiin at ibigay kada 6 na oras sa pamamagitan ng mabagal na intravenous o intramuscular injection. Maari rin itong padaanin sa suwero. Ito ay hindi dapat lumabis ng 12 gramo kada araw.

Side effects

Maaring makaranas ng ganitong kondisyon habang nagsasanay pa ang katawan sa ampicillin:

Ang mga ito ay bihira lamang mangyari at mawawala din kapag natapos na ang gamutan ng ampicillin.

Subalit kung ang mga kundisyon na ito ay nararamdaman, kailangang ipaalam agad ito sa doktor:

  • Maitim na ihi
  • Madalas na pagduwal o pagsusuka
  • Pananakit ng tiyan o sikmura
  • Paninilaw ng mata o balat
  • Madaling nagkakapasa o nagdurugo
  • Sore throat o lagnat na hindi gumagaling

Ang mahabang gamutan gamit ang ampicillin ay maari ding magdulot ng pamamaga ng bituka o colitis. Ito ay dulot ngClostridium difficile. Bawal inuman ito ng antidiarrhea na gamot dahil baka lalo pa itong lumala. Maari itong magkaroon ng sintomas gaya ng:

  • Diarrhea na hindi nawawala
  • Pananakit ng tiyan o sikmura
  • Dugo o mucus sa dumi

Maliban dito, maari ding magkaroon ng yeast infection sa bibig o sa vagina. Makikita dito ang mga puting patches na nagkalat sa mga bahaging ito.

Mga dapat iwasan

Bawal ibigay ang ampicillin sa mga taong may allergy dito o yung mayroong infectious mononucleosis.

Ang mga pasyenteng may sakit sa bato, lymphatic leukemia, impeksyon dulot ng HIV o CMV, nagdadalantao, o nagpapasuso ay maaring bigyan ng ampicillin kung mas malaki ang benepisyo na madudulot nito.

Interactions

Ang parenteral na ampicillin ay kailangangang i-reconstitute ayon sa paraan na nakasaad sa pabalat nito. May mga incompatibility din na kailangang iwasan lalo na pag nagbibigay ng ampicillin kasabay ng ibang gamot dahil maari itong magbuo at bumara sa daluyan ng gamot.

Maliban dito, bawal ding pagsabayin ang ampicillin sa mga gamot na iti dahil sa matitinding epekto nito sa katawan.

Maliban sa mga gamot, maari ring magbigay ng false positive sa mga diagnostic tests na may cupric sulfate.

Availability

Ang ampicillin ay mabibili lamang sa mga botika kung mayroong reseta. Ito ay kadalasan nasa kapsula na may lamang 250 o 500 milligrams o sa mga vials na maaring may 100, 125, 250 o 500 milligrams at 1 gramo ng ampicillin. May mga drops, syrups at suspensions din para sa mga bata. Ang mga drops ay maaring maglaman ng 125 milligram na ampicillin kada 1.25 milliliters. Ang mga syrups at suspensions naman ay mayroong 125 o 250 milligrams ng ampicillin kada kutsarita. Sikat na mga 'brand ay Ampicin ®, Penbritin ®, at Pentrexyl ®.

Lokal na isyu

Ang ampicillin ay isa sa mga gamot na madalas ireseta sa mga ospital ng gobyerno. Isa ito sa mga semi-synthetic antibiotic na isinailalim ng Food and Drug Administration sa matinding regulasyon lalo na sa pag-i-import nito mula sa ibang bansa. Mahigpit din ang Commission on Audit sa pag-monitor ng presyo nito sa mga bidding sa mga pampublikong ospital.

Sa isang survey na isinagawa ng Management Sciences for Health - Health Sector Reform Technical Assistance Project tungkol sa iminumungkahing reporma para sa drug management system, ang iniiniksyon na ampicillin ay isa sa mga gamot na madalas ireseta sa mga ospital ng Negros Oriental. Bagamat may 89% na tamang paggamit nito, may mga pagkakataong ginamitan ito ng hindi wasto at may mga pagkakataon naman na ibinigay ito na mali ang dosis. Isa sa mga rekomendasyon ng grupo ang pagkakaroon ng standard protocol ng tamang dosis at clinical management pagdating sa paggamit ng antibiotics na ito. Napakahalaga ng mga rekomendasyong ito dahil napabalita noong 2006 ang pagkamatay ng isang bata sa isang pampublikong ospital dahil sa di wastong paggamit ng ampicillin ng nars.

May pag-aaral naman na ginawa ang Philippine Society for Microbiology ang Infectious Diseases tungkol sa mabisang antibiotic para sa uncomplicated gonorrhea. Kinumpara ng mga mananaliksik na duktor ang bisa ng ininiksyon na ampicillin sa ininiksyon na co-trimoxazole. Lumabas na bagamat mas epektibo ang dosis na 1 ampule ng co-trimoxazole kada 12 oras sa loob ng 4 na araw kumpara sa 500 milligrams ng ampicillin kada 12 oras sa loob ng 4 na araw. Panukala nilang mas bababa ang bacterial resistance kung ang mga antibiotics na may kumbinasyon gaya ng co-trimoxazole ang gagamitin para sa mga ganitong uri ng impeksyon.

References