Azithromycin

From Wikihealth
Jump to: navigation, search

Ang azithromycin ay isang uri ng macrolide na antibiotic. Ginagamit ang gamot na ito para sa mga impeksyon sa tainga, sore throat, pneumonia, typhoid fever. Nakakatulong din ito para makaiwas sa impeksyon ang mga sanggol na may mahihinang sistemang imuno at para makaiwas sa endocarditis dala ng bacteria. Isa din ito sa gamot para sa mga venereal disease tulad ng urethritis na hindi dulot ng Gonococci, chlamydia at cervicitis, impeksyon sa tiyan at baga.

Contents

Likas na katangian

Natuklasan ang azithromycin noong 1980 nina Gabrijela Kobrehel, Gorjana Radobolja-Lazarevski, Zrinka Tamburašev, sa pamumuno ni Dr. Slobodan Đokić sa pharmaceutical company na Pliva na nakabase sa Croatia. Noong 1986, nakuha ng Pfizer ang karapatang ibenta ang azithromycin sa kanlurang Europa at sa Estados Unidos. Kilala ito bilang Sumamed® sa Gitna at Silangang Europa noong 1988 samantalang nakilala naman ito sa ngalang Zithromax® noong 1991. Makaraan ng ilang taon ay inaprubahan na din ng Food and Drug Administration ng Estados Unidos ang azithromycin na pampatak sa mata subalit wala pa ito sa Pilipinas sa kasalukuyan.

Ang azithromycin ay may IUPAC name na (2R,3S,4R,5R,8R,10R,11R,12S,13S,14R)-2-ethyl-3,4,10-trihydroxy-3,5,6,8,10,12,14-heptamethyl-15-oxo- 11-{[3,4,6-trideoxy-3-(dimethylamino)-β-D-xylo-]oxy}-1-oxa-6-azacyclopentadec-13-yl 2,6-dideoxy-3-C-methyl-3-O-methyl-α-L-ribo-hexopyranoside at chemical formula na C38H72N2O12. Kilala din ito bilang 9-deoxy-9a-aza-9a-methyl-9a-homoerythromycin A at may mahabang half-life na 68 oras. Lumalabas ito sa atay at sa bato. Mabilis itong nasisipsip ng katawan ung saan 2.1 hanggang 3.2 oras bago maabot nito ang pinakamataas na antas ng gamot sa dugo. Mas madaming gamot ang naiiwan sa mga kalamnan kumpara sa dugo.

Mula sa chemical formula ng erythromycin ang azithromycin. Ngunit di kagaya ng pinagmulang gamot, ang azithromycin ay ay hindi nagdudulot ng paninikmura. Magkapareho naman ang bisa ng azithromycin at erythromycin subalit mas nakakalamang ang una sa mga gram negative na mikrobyo. Ang epekto ng azithromycin ay kapareho din ng ibang mga katulad nitong macrolide. Nagagawa nitong pigilan ang paggawa ng mga protina na kinakailangan ng mikrobyo para lumaki, magparami at kumalat. Dahil dito, ang nalalabing bacteria ay natural nang napapatay ng sistemang imuno ng pasyente.

Mga pinaggagamitan at dosis

Madaming pinagagamitan ang azithromycin na impeksyon dulot ng mikrobyo. Ilan sa mga ito ang impeksyon na nakakaapekto sa tainga, balat, sistemang respiratoryo, at sistemang reproduktibo. Ilan sa mga sakit na kaya nitong sugpuin ay ang pneumonia, bronchitis, sinusitis, tonsillitis, otitis media, chlamydia, at typhoid. Minsan ginagamit ang azithromycin bilang gamot para sa impeksyon ng Heliobacter pylori, Lyme disease pati na sa mga pasyente na sasailalim sa operasyon ng ngipin para di maipeksyon ang puso.

Gamitin ang azithromycin ayon sa tagubilin ng doktor. Hindi dapat dagdagan o bawasan ang dosis nito nang walang payo ng doktor. Para magamit ang suspension na nasa pakete na pang-isang inuman lamang, buksan ang pakete at ibuhos ang gamot sa dalawang onsa ng tubig. Haluin ng mabuti at inumin ng buo. Haluan ng kaunting tubig ang pinagtimplahan at inumin para nakasisigurong nakuha ang lahat ng gamot. Kapag natimpla na, huwag nang itabi ang gamot. Kailangan inumin ito agad at ang natirang gamot sa loob ng 12 oras ay dapat itapon na. Kung ito ay suspension na pangmatagalang gamit, kailangan alugin muna ito ago kumuha ng gamot mula sa botelya nito. Gumamit ng medicine cup para sa eksaktong dosis.

Ang azithromycin, anuman ang dosage form, ay iniinom isang beses sa loob ng isa hanggang limang araw. Ang rekomendadong dosis para dito ay nakasalalay sa kundisyon na gagamutin nito. Kadalasan 500 milligrams ng azithromycin kada araw sa loob ng tatlong araw o di kaya naman ay paunang dosis ng 500 milligrams ng azithromycin sa unang araw matapos ay 250 milligrams ng azithromycin sa ikalawa hanggang ikalimang araw. Para sa mga nakakabatang pasyente, maaring magbigay ng 10 milligrams ng azithromycin kada kilong bigat sa loob ng isang araw na tatagal ng tatlong araw o di kaya naman ay paunang dosis ng 10 milligrams ng azithromycin kada kilong bigat sa unang araw at 5 milligrams ng azithromycin kada kilong bigat sa ikalawa hanggang ikalimang araw.

  • Para sa venereal disease dala ng Neisseria gonorrheae o Chlamydia trachomatis. Maaring uminom ng 1000 milligrams ng azithromycin sa isang inuman lang.
  • Para makaiwas ang mga pasyenteng may HIV sa impeksyon ng Mycobacterium avium complex. Kailangan ang maintenance dose ng 200 milligrams ng azithromycin isang beses kada linggo. Kapag kalat na ang impeksyon, maaring uminom ng 600 milligrams ng azithromycin kada araw.
  • Para sa pneumonia. Maaring mag-iniksyon ng 500 milligrams ng azithromycin sa suwero na kailangan maubos bago mag-dalawang araw at susundan ng pag-inom ng 500 milligrams ng azithromycin.
  • Para sa pelvic inflammatory disease. Maaring magbigay ng 500 milligrams ng azithromycin sa suwero na kailangan maubos sa loob ng isa hanggang dalawang araw matapos ay susundan ng ininom na 250 milligrams ng azithromycin.

Kailangang inumin ang azithromycin sa tinakadang haba ng gamutan na nakasaad sa reseta ng doktor kahit na bumuti na ang pakiramdam. Ilayo ang azithromycin sa init at labis na alinsangan. Itapon din ang mga likidong gamot na hindi nainom matapos ng 10 araw.

Mga inaasahang di-kanaisnais na epekto

Bagaman maaring magdulot ng diarrhea ang pag-inom ng antibiotic tulad ng azithromycin, kailangan bantayan kung ang dumi ng pasyente ay nagiging matubig o duguan. Maari kasi itong tanda ng bagong impeksyon. Umiwas din sa ultraviolet light dahil mas sensitibo ang balat ng mga pasyenteng nagagamot ng azithromycin sa dagandang. Makakabuti ang pagpahid sa balat ng sunscreen na may SPF 15.

Maliban dito, ilan pa sa mga side effect ng pag-inom ng azithromycin ang maaring makaapekto ng isa sa bawat 100 kataong iinom nito:

  • Nausea o pagsusuka
  • Pananakit ng sikmura o kasukasuan
  • Pagkahilo o madaling pagkapagod
  • Insomnia o pagkamaantukin
  • Pananakit ng ulo
  • Pangangati o pamamaga ng puki
  • Pantal sa balat

Halos isa sa 1000 katao naman ang maaring makaranas ng

Kailangan naman itigil ang pag-inom ng azithromycin kung ang pasyente ay nakakaranas ng anaphylaxis o

  • Angina
  • Paliban-liban na tibok ng puso

Mga dapat iwasan

Makakasama ang pag-inom ng azithromycin kung ang pasyente ay may sakit sa atay o nagkaroon na dati ng jaundice pati na ang mga nakaranas ng allergy sa mga gamit tulad ng clarithromycin, troleandromycin at erythromycin. Kailangan din malaman ng doktor kung ang pasyente ay may myasthenia gravis, cystic fibrosis, impeksyon dulot ng HIVsakit sa bato o diperensya sa pagtibok ng puso.

Maapektuhan ang bisa ng azithromycin kung ang pasyente ay iinom ng antacid na naglalaman ng aluminum at magnesium ng dalawang oras bago o matapos uminom ng azithromycin. Dagdag pa dito ay maaring maapektuhan ng iba pang mga gamot ang bisa ng azithromycin sa katawan. Halimbawa ng mga ito ay:

Ang mga tableta o kapsula ng azithromycin ay di dapat ibigay sa mga pasyenteng mababa pa sa 45 kilo ang bigat o sa mga nakakabatang pasyenteng edad anim na buwang gulang pababa. Hindi dapat ito inumin ng mga nagdadalantao lalo na ng mga nagpapasuso ng sanggol dahil dumadaan ang antibiotic na ito sa gatas ng ina.

Pagtutustos

Ang azithromycin ay kadalasan inirereseta bilang tabletang iniinom ng tatlo hanggang anim na araw. Mabibili din ito bilang suspension na iniinom o pulbong lulusawin na pang-iniksyon. Sa ibang bansa, maari din itong mabili bilang pampatak sa mata na naglalaman ng 1% ng azithromycin. Tanging ang Zithromax® ng Pfizer ang may kumpletong dosage form ng azithromycin sa merkado at ito rin ang originator brand dito sa Pilipinas.

Bagaman may kapsula, mas maraming mga tabletang may nakakulapol na film na maaring maglaman ng 250 o 500 milligrams ng azithromycin. Karaniwang hindi mabibili ng tingi ang azithromycin dahil ang 500 milligrams nito ay nasa banig na tatluhan samantalang ang 250 milligrams naman ay nasa animan. Naglalaro ang halaga ng bawat 500 milligrams na tableta ng azithromycin mula Php 115.00 hanggang Php 143.86. Ang mga tabletang may 250 milligrams na azithromycin ay maaring magkahalaga ng Php 66.09 hanggang Php 103.08 bawat piraso. May mga granula naman ng azithromycin na maaring ihalo sa tubig at inumin. Naglalaman ito ng 20 milligrams ng azithromycin sa bawat milliliter ng gamot. Nagkakahalaga naman ito ng Php 444.60 sa isang inuman ng 100 milliliters ng gamot.

Para sa mga hindi makakainom ng tableta o kapsula ay may mabibili naman suspension, Ang mga pulbo ng azithromycin ay lulusawin sa tubig para magbigay ng 200 milligrams ng azithromycin kada 5 milliliters ng gamot. Maaring mula 15 hanggang 22.5 milliliters ang tinimplang suspension na maaring magkahalaga ng Php 26.94 hanggang Php 27.08 kada milliliter. Kung hindi talaga kakayanin ng pasyenteng uminom ng gamot, mayroon naman mga pulbo ng azithromycin na maaring lusawin sa intravenous fluid para maiiniksyon sa pasyente. Nagkakahalaga ito ng Php 942.88 bawat vial.

Mga pangunahing isyu

Mula pa noong 1997 ay pinag-aaralan na ng mga mananaliksik sa St George's Hospital sa Inglatera ang kakayahan ng azithromycin sa pagpapababa ng mga CRP sa dugo ng mga pasyenteng inatake sa puso. Ang pagbibigay ng azithromycin sa mga may sakit sa puso ay batay sa nadiskubre ng mga microbiologist na Chlamydia pneumoniae sa dugo ng mga pasyenteng may diperensya sa puso. Ayon sa mga eksperto, nagagawa ng bacteria na ito na sumama sa macrophage ng dugo mula sa sistemang respiratoryo. Kapag nagawa ng macrophage na sabsabin ang mga umiirita sa mga daluyan ng dugo tulad ng cholesterol o taba, nagkakaroon ng impeksyon ang ugat at dadami ang macrophage na magdudulot ng pagbara nito sa kalaunan kapag namatay na ang huli.

Sinang-ayunan naman ito ng resulta ng pag-aaral ng mga siyentipiko sa National Heart Lung and Blood Institute limang taon makalipas. Ayon sa kanila, may kaugnayan ang dami ng C-reactive protein at dami ng calcium sa ugat na nagdadala ng dugo sa puso. Mula pa noong 1971 ay sinimulan na nila Dr Thomas Wang ang Framingham study kung saan sinukat ng mga mananaliksik sa Estados Unidos ang dami ng CRP at calcium. Sa nakalap nilang datos, lumabas na kapag mataas ang CRP ay tumataas din ang calcium pati na ang insidente ng pagkakaroon muli ng atake sa puso.

Sa isang hiwalay na pag-aaral sa Mayday Hospital sa Inglatera, kinumpara nina Dr Michael Mendall ang epekto ng azithromycin at amoxicillin sa mga pasyenteng may myocardial infarction at angina. Nakabase ang pag-aaral na ito sa relasyon ng antibiotic sa pagsugpo ng Heliobacter pylori at Chlamydia pneumoniae, ang mga mikrobyo na maaring magdulot ng sakit sa puso. Sa mahigit 300 na pasyente, bumaba ng 36% ang tsansa nilang ma-ospital muli o mamatay dahil sa sakit sa puso. Namangha ang mga eksperto sa kakayahan ng mga antibiotic na ito sa mga kundisyon na hindi naman nakakahawa. Babala naman ni Belinda Linden ng British Heart Foundation, kailangan pa din ng ibayong pag-aaral sa paggamit ng antibiotic tulad ng azithromycin sa mga kundisyon sa puso na hindi naman dulot ng mga mikrobyo.

Dito sa Pilipinas, tanging ang presyo ng bawat piraso ng azithromycin ang nakakapigil sa mga Pilipino sa pagamit ng antibiotic na ito. Tanging ito ang gamot na pinatawan ng maximum retail price na Php 108.50 hanggang Php 468.00 sa bisa ng Executive Order 821 ni Pangulong Arroyo noong 2009. Pinatupad mula noong Agosto 15 ang sapilitang pagbaba ng mga gamot na kasama sa executive order na ito tulad ng doxorubicin, cytarabine, amlodipine at atorvastatin. Tugon diumano ito ng gobyerno sa suliranin ng mga mamamayan na makabili ng mahahalagang gamot na abot-kaya. Ayon sa pag-aaral ng grupo ni Lars Neins sa Erasmus University sa Netherlands, halos 10 milyong katao sa mga mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas ang nagiging maralita dahil sa pagbili ng mga gamot tulad ng salbutamol, glibenclamide, atenolol, at amoxicillin. Bagaman may Universally Accessible Cheaper and Quality Medicines Act o mas kilala bilang Cheaper Medicines Act, senior citizen discount at hindi pag-saklaw sa mga senior citizen sa pagbababyad ng value added tax (VAT) sa kanilang mga resetang gamot, milyong Pilipino pa din ang hindi makakabili ng gamot na kailangan nila.

Ang kamahalan ng azithromycin ay tinugunan naman ng United Laboratories, Inc. sa pamamagitan ng Zenith®. Bawat tableta nito ay may 500 milligrams ng azithromycin na maaring hatiin sa gitna para maging 250 milligrams. Nasa Php 121.42 din ang bawat isa nito. Ayon kay Jose Maria Ochave, ang bise presidente ng kumpanya sa mga legal na aspeto, direktang kukumpetensyahin ng brand na ito ang Zithromax® ng Pfizer. Ang Azyth® ng Sandoz ay may generic na pormulasyon din ng azithromycin na mabibili din sa mas mababang presyo kumpara sa Zithromax®.

Sanggunian