Bayag

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Human Scrotum with testes.jpg

Ang mga bayag o testis (testes kung dalawa)ay dalawang glandulang pang-kasarian ng mga lalaki. Nasa likod ang mga ito ng titi at nasa sa loob ng isang sako ng balat na tinatawag na eskroto. Kilala din ito bilang testicles, didymus, orchis at mga panlalaking gonad.

Contents

Tungkulin

Ang mga bayag ang gumagawa at nagiimbak ng semilya para sa pagpupunlay at ang pangunahing pinanggagalingan ng mga panlalaking hormone gaya ng testosterone. Ang mga hormone na ito ay may impluwensiya sa pagbuo ng mga organong pang-reproduksyon at paglitaw ng mga sekundaryong katangiang panlalaki.

Anyo

Testes1.png
Ang mga bayag ay isang pares ng hugis itlog na mga organo sa loob ng bayag na nakakabit sa spermatic cord.

Pagbuo

Habang pinagbubuntis ang lalaking sanggol, ang mga bayag ay nasa abdominal cavity sa likod ng peritoneum, katabi ang mga bato.

Sa pang-pitong buwan ng fetus, nagsisimulang bumaba sa eskroto ang testes kasama ang mga daluyan ng dugo, nerbyo at mga duct na mga nakapaloob sa spermatic cords. Ang daanan ng testes at ng kurdon na ito ay tinatawag na ingual canal. Karaniwang mangyari na minsan, hindi pa nakakababa ng husto o bumabalik-balik pa sa abdominal canal ang bayag pero naitatama naman ito ng mga tatlong buwan.

Kung ang bayag ay natanggal sa pagkakastrato o bilateral orchiectomy bago magbinata, maituturing na baog ang lalaki at hindi na mabubuo ang mga sekundaryong katangian ng pagkalalaki. Kung matanggal naman ang bayag matapos magbinata, nababaog ang lalaki at lahat ng sekundaryong katangian ng pagkalalaki ay unti-unting mababawasan kung hindi makatanggap ng ineksyon ng mga hormone na panlalaki.

Bahagi

  1. Eskroto (Scrotum) — Ito ay isang maluwag na sako ng balat kung saan nakapaloob ang mga testes. Ito ay nakasabit sa likod ng titi at nagsisilbing proteksyon at sistema ng pagkontrol ng temperature ng testes. Kailangan sa normal na pagbuo ng isperma na mas malamig ng kaunti ang temperatura ng bayag kaysa buong katawan. Ang mga kalamnan sa dingding ng bayag ay nagko-contract at relax ayon sa pangangailangan na lumapit sa katawan para sa init at proteksyon o bumaba mula sa katawan para lumamig.
  2. Testes — Kasing laki ng mga oliba sa loob ng eskroto at nakakabit sa spermatic cord.
  3. Epididymis — Ang mahabang tubong nakapulupot at nakabalumbon sa likod ng bawat testicle ay may karaniwang haba na 20 talampakan. Ito ay imbakan at daanan ng mga ispermang nabubuo sa testes. Tungkulin din nito ang magpahinog sa mga isperma dahil ang mga galing sa testes ay murang-mura at hindi pa makakapagpunlay.
  4. Vas deferens — Isa pang mahaba at maskuladong tubo na nakakabit mula sa epididymis papuntang likod ng pantog sa pelvic cavity. Ito ang daanan ng hinog na isperma papuntang urethra para sa ejaculation.

Istruktura

Testes2.png
Ang bawat bayag ay pabilog, makinis, at natatakpan ng tunica vaginalis. Ito ay may kalambutan at mala-esponghang istruktura kaya’t nakaka-tanggap ng hindi kalakasang puwersa ng walang masyadong pinsala kung aksidenteng matamaan. Ito ay karaniwang may haba na apat na sentimetro, lapad na dalawa’t kalahating sentimetro at karaniwang bigat na 12 gramo.

Sa loob ng eskroto, may ilang sapin pa na nakabalot sa mga bayag:

  1. Panlabas na spermatic fascia
  2. Cremasteric layer
  3. Panloob na spermatic fascia
  4. Tunica vaginalis

Ang loob ng bawat testis ay nahahati sa 250 na hugis konong kompartimento o lobules na may isa hanggang tatlong maliliit na nakapulupot na seminiferous tubules. Ito ay may karaniwang haba na 75 milimetro at dito nabubuo ang mga spermatozoa. Sa murang edad, ang mga tubules ay may mapusyaw na kulay ngunit habang tumatanda, nagkakaroon ng dilaw na taba. Ang mga tubules ay nagsasama-sama para mabuo ang rete testis na nakakunekta sa efferent ducts papunta sa ulo ng epididymis.

Maraming nerbyo at daluyan ng dugo sa loob ng bayag na sumusustento sa mga tungkulin ng testes. Ang mga nerbyong gumagana dito ay galing sa autonomic nervous system (ANS) at ang ng dugo naman ay galing sa dalawang panloob na arteryong spermatic mula sa aorta.

Ang testes ay binubuo ng mga germ cells na nabubuo bilang spermatozoa, mga sumusuportang selyulang Sertoli sa pagi-pagitan ng mga seminiferous tubules, at sa pagitan ng mga tubules (interstitium) ay ang mga gumagawa ng testosterone na selyulang Leydig.

Kinalaman sa katawan

Ang mga selyula ng isperma na nabubuo sa testes ay tuloy-tuloy na nahihinog habang gumagalaw mula sa panlabas na gilid ng mga seminefirous tubule papuntang gitnang lumen. Ang pinaka-primitibong anyo, ang spermatogonia, ay nagiging spermatocytes muna tapos spermatids. Nahihinog ang spermatids bilang spermatozoa na handang makapagpunlay sa epididymis. Sa pagsapit ng pagnanasang sekswal, napupuwersa ang mga ito pataas ng vas deferens papuntang seminal vesicles at ejaculatory ducts kung saan ito naihahalo sa semen at inilalabas sa pakikipagtalik.

Ang testosterone na nagagawa ng mga selyulang Leydig ay responsable para sa mga sekundaryong katangiang panlalaki tulad ng: pagbuo ng mga kalamnan, angking lakas, distribusyon ng taba sa katawan, bone mass, gana sa pakikipagtalik, buhok sa mukha at katawan, mababang boses at kalaparan ng mga balikat.

Hormone

Testes3.png
Ang umiikot sa sirkulasyon na mga androgen mula sa testes ay napapamahalaan ng relasyon nito sa mga glandulang hypothalamus at pituitary.

Ang normal na spermatogenesis ay nangangailangan ng leutinizing hormone (LH) o sa kalalakihan ay tinatawag na mga interstitial cell stimulating hormone (ICSH), at ng follicle stimulating hormone (FSH).

Naglalabas ang hypothalamus ng gonadotropin-releasing hormone (GnRH) na nagsasabi sa glandulang pitwitaryo na maglabas ng LH at FSH. Mula sa LH ang stimulasyon sa mga selyulang Leydig na maglabas ng testosterone na nagiging dihydrotestosterone para sa normal na pagbuo ng sperma. Ang FSH naman ang direktang nakaka-impluwensya sa seminiferous tubules na magpahinog ng mga sperma. Kapag mas mataas na sa normal na sukat ang mga testosterone, napupukaw ang androgen na maglabas ng inhibin sa dugo mula sa selyulang Sertoli para mapigilan ang paglabas ng FSH at LH para manatili ito sa normal na sukat.

Dalawa ang pangunahing tungkulin ng testosterone:

  1. Bilang feedback inhibitor ng paglabas ng GnRH mula sa hypothalamus at LH mula sa glandulang pitwitaryo.
  2. Nagdidirekta ng pagbuo sa embryo ng mga Wolffian ducts sa pagbuo ng mga seminiferous tubules.

May ilan din itong sekundaryong tungkulin:

  1. Nagsisilbing prohormone para sa isang importanteng metabolite ng dihydrotestosterone, na gumagawa ng halos lahat ng tungkuling androgenic sa katawan tulad ng pagpapahinog ng isperma (spermatogenesis), virilization ng genitalia ng embryo, at sekswal na paghinog sa pagbibinata.
  2. Maaaring maging estradiol para sa mga tisyu, lalo na sa mga tisyung adipose. Interconvertible din ito sa androstenedione, na sa tisyung adipose ay maaaring maging estrone.

Hindi tulad ng ng mga obaryo na nawawalan ng abilidad maglabas ng hormone ang bayag. Maaari itong normal na makagawa ng testosterone at isperma kahit nasa mga edad 80 pataas ang malusog na lalaki. Ngunit kung may sakit o kapansanan, maaaring maaga pa lamang ay kumonti na ang produksyon ng mga hormone. Maaaring magsimula ang mga maliliit na pagbabago sa takbo ng mga bayag mula mga edad 45-50 at mas maging kapansin-pansin sa mga edad na 70 pataas.

Mga karaniwang kondisyon at karamdaman

Ang mga abnormal na kalagayan at sakit ng bayag na hindi agad naiwawasto o nagagamot ay maaaring humantong sa malulubhang komplikasyon tulad ng abnormalidad sa hormone, problema sa pagtatalik at pagkabaog.

Cryptorchidism

Cryptorchidism ang medikal na katawagan sa pagkawala ng bayag mula sa eskroto. Ito ay karaniwang abnormalidad ng bayag. Maaring ang bayag ay:

  • Hindi nabuo ng maayos sa oras ng pagbubuntis;
  • Ektopiko o nasa labas ng normal na daanan pababa papuntang eskroto;
  • Nahaharangan ang pagbaba at napunta tuloy sa inguinal pouch;
  • Nakakababa na ng maayos sa eskroto ngunit nakakabalik din sa inguinal canal; o,
  • Bumaba lamang sa gitna ng panloob at panlabas na inguinal rings.

Karamdaman

  • Trauma sa bayag – Pinsala sanhi ng pagkakatama mula sa mga palaro o aksidente. Maaaring makaramdam ng matinding sakit, pagpapasa o pamamaga.
  • Pagkapunit ng bayag (rupture) – Nangyayari kapag matindi ang pagkakatama o naipit sa matigas na pelvis ang bayag at nagdudulot ng pagdurugo sa loob ng scrotum. Maaaring kailanganin ang pagtitistis para malunasan at mailigtas ang testis.
  • Testicular torsion – Kapag ang spermatic cord ay napipilipit, ang daloy ng dugo dito ay napipigilan. Karaniwang kailangan ng pagtitistis para maibalik ang daloy ng dugo at hindi maging permanente ang pagkakapinsala na sanhi ng pangangailangang matanggal ang bayag.
  • Kanser – Maaaring mangyari sa bata at matanda, sa isang o parehong bayag. Nangyayari ito kapag may mga abnormal na selyulang tumubo at kumalat sa testis. Ito ay hindi karaniwang uri ng kanser, maaaring magamot at malunasan. Pagtitistis ang karaniwang paggamot, kasama ang radiation.
  • Epididymitis – Pamamaga dahil sa impeksyon dulot ng sexually transmitted disease (STD) na Chlamydia. Maaaring makaramdam ng kirot at pamamaga sa bayag at sa malalalang kaso, maaaring kumalat sa kabilang testis at maging sanhi ng lagnat at nana. Karaniwang paginom ng antibyotiko at pampahupa ng pamamaga, pagpapahinga, paglagay ng yelo at pagsuot ng suporta ang paggamot dito.
  • Hypogonadism – Nangyayari kapag hindi sapat ang produksyon ng testosterone. Maaari itong makaapekto sa nabubuong sanggol, sa nagbibinata o kahit sa mga kalalakihang nasa sapat na gulang.

Pangangalaga

Ang bayag ay sensitibo sa pinsala at pagbabago ng temperatura. May kaselanan ito sa istruktura at tungkulin dahil hindi napoprotektahan ng mga buto o kalamnan ng katawan ang bayag.

Ang mga sumusunod ay ilang mga gabay sa pangangalaga ng bayag para sa patuloy na kalusugan.

  • Pangalagaan ang kalusugan at kalinisan sa katawan.
  • Iwasan ang masyadong masisikip na pang-ilalim na damit, salawal o pantalon.
  • Laging magsuot ng pang-ilalim na gawa sa telang cotton at nagbibigay suporta sa bayag.
  • Magpalit kung basa o napawisan ang pang-ilalim na suot.
  • Magsuot ng angkop na proteksyon at suporta tulad ng athletic cups kapag may gagawing mabigat na trabaho at lalahok sa mga palaro.
  • Gumamit ng condom sa pakikipagtalik.
  • Alamin kung paano gawin ang testicular self-examination.
  • Sumailalim sa taunang pagsusuri para sa pangkalahatang kalusugan at sa mga organong panlalaki.
  • Kumonsulta sa doktor agad kapag may nararamdamang kakaiba sa katawan o pakiramdam.

Sanggunian