Ihi

From Wikihealth
Jump to: navigation, search

Ang ihi ay likidong dumi . Ito ay malinaw at may kulay na dilaw. Ang ihi ay karaniwang pinaghalong asin, urea at uric acid. Karaniwang ito ay may 960 parteng tubig at 40 parteng solid matter. Ang isang tao ay umiihi ng hanggang 40 – 60 onsa (ounces) sa loob ng 24 oras.

May mga pagkakataong ang ihi ay may kasamang asukal lalo na sa mga may diabetes, may albumin (isang klase ng protina) mula sa may sakit sa bato, o may bile pigments mula sa mga may jaundice.

Iba’t ibang klase ng ihi

  • Malinaw ang kulay – Marahil sanhi ng pag-inom ng maraming tubig. Sa pag-inom ng maraming tubig, makaka-ilang beses din ang pag-ihi.
  • Kulay brown – Kung ang ihi ay may pagka-brownish o kulay iced tea, ito ay maaaring sanhi ng dehydration kung saan ang bato ay nagdo-doble kayod sa paggawa ng ihi na mas concentrated. Kung hindi naman umiinom ng gamot na nakakapagdudulot ng pagtingkad ng kulay ng ihi nito, mahalagang pakiramdaman ng mabuti ang sarili. Samantala, ang madalas na pagkahilo ay maaaring senyales ng dehydration kaya makakatulong ang pagtukoy nito sa pamamagitann ng pagtingin sa kulay ng ihi. Maaari rin namang matingkad ang kulay ng ihi dahil sa pagkakaroon ng dugo. Kung ang ihi naman ay hindi magkaroon ng malinaw ng kulay sa kabila ng pag-inom ng maraming tubig, nakabubuting sumangguni sa doktor upang malaman kung may impeksiyon o may iba pang kondisyon na kailangang suriin.
  • Malabong kulay ng ihi – Kung ang ihi ay may malabong kulay at may kasamang mapanghing amoy, maaaring sanhi ito ng urinary tract infection o problema sa pantog.
  • Kulay asul o berde – Ito ay maaaring mula sa mga pagkaing may artipisyal na kulay o mula sa gamot na iniinom.
  • Amoy matamis – Maaaring sanhi ng pagkakaroon ng asukal sa ihi na senyales ng pagkakaroon ng diabetes. Gayunpaman, nagkakaroon ng mga pagbabago ang filtration system ng bato sa pagbubuntis na maaaring maging dahilan ng pagkakaroon ng asukal sa ihi.
  • Kakaibang amoy – Maaaring sanhi ng pagkaing kinain o ng mga gamot na iniinom. Ngunit kapag ang kakaibang amoy ay hindi nawawala, kailangang magpakunsulta sa doktor upang masuri ang ihi.
  • Matingkad na kulay dilaw – Maaaring sanhi ng mga food supplements gaya ng bitamina B at carotene. Maari ring ito ay mula sa mga laxatives na iniinom sintomas ng problema sa pancreas.
  • May dugo – Sa mga malulusog na kababaihan, ito ay maaaring senyales ng urinary tract infection ngunit maaari ring sintomas ng bladder cancer sa babae at sa lalaki. Microscopic trauma o pinsala mula sa pagali sa isang endurance event, kidney stones, at ang pag-inom ng gamot na pampalapot ng dugo ay ilan din sa mga maaaring sanhi ng pagkakaroon ng dugo sa ihi.
  • Madalas na pag-ihi – Maaaring sanhi ng pag-inom ng maraming likido, pagkain ng mga pagkaing maraming tubig katulad ng mga prutas, o pag-inom ng diuretic. Ang kondisyong ito ay madalas naman mapansin sa mga may edad. Sa mga lalaki naman, ang paglaki ng prostate ay nagdudulot ng pakiramdam na umihi ng madalas.
  • Pag-ihi ng di sinasadya – Ang urinary incontinence ay karaniwang nangyayari sa mga babae pati na sa mga hindi pa nakakapanganak. Ito ay epekto ng kondisyon kung saan ang mga kalamnan ng pelvic floor ay hindi kaya ang pressure ng mga aktibidad tulad ng pagtakbo, gymnastics, pag-ubo, o paghatsing. Ito ay maaaring lumala kapag ang isang babae ay nakapanganak na. Ito din ay maaaring sanhi ng bladder malfunction .
  • Masakit na pakiramdam sa pag-ihi – Maaaring sintomas ng impeksiyon.

Urinalysis

Ang urinalysis ay isang uri ng pagsusuri sa ihi upang malaman kung ang bato, pantog, at ibang pang parte ng urinary tract ay may impeksiyon. Sa bato nabubuo ang ihi dahil ito ang naghihiwalay ng mga dumi mula sa dugo at iniiwan ang mga importanteng sangkap na kailangan ng katawan gaya ng protina at glucose.

Ang mga sumusunod ang nalalaman kapag nag-urinalysis:

  • Bilang at klase ng red blood cell at white blood cell
  • Pagkakaroon ng dumi sa ihi
  • Pagkakaroon ng iba pang bagay kagaya ng glucose na dapat ay hindi natatagpuan sa ihi
  • Ang pH level kung saan nalalaman kung ano ang lebel ng pagiging acidic o basic ng ihi
  • Lebel ng konsentrasyon ng ihi

Kapag magpapa-urinalysis ang isang tao, ang kanyang ihi ay kokolektahin sa isang malinis sa lalagyan. Maglalagay ng isang stick na may mga chemical patches sa lalagyang may ihi. Mag-iiba ng kulay ang mga patches na senyales ng pagkakaroon ng white blood cells o kaya’y glucose.

Isa pang paraan upang suriin ang ihi ay ang paggamit ng doktor o laboratory technologist ng microscope upang masuring mabuti ang ihi. Kapag nakitang mayroon white blood cells at bacteria ang ihi, ito ay nagpapahiwatig na mayroong impeksiyon sa bato o pantog. Ipadadala ng doktor ang ihi sa laboratoryo upang gawan ng urine culture upang malaman ang uri ng bacteria na sanhi ng impeksiyon.

Kadalasang may kahirapan ang pagkuha ng ihi mula sa mga bata. Ang paraang clean-catch ay ginagamit upang makakuha ng ihi sa midstream: pag-ihi ng konti, tapos ay pahihintuin upang muling paihiin na siya namang kukunin para sa pagsusuri. Para sa mga batang hindi pa kayang gumawa ng clean-catch method, ang doktor ay maglalagay ng isang cathether sa urinary tract opening papunta sa pantog upang makakuha ng ihi.

Sanggunian