Uterus

From Wikihealth
(Redirected from Matris)
Jump to: navigation, search
Scheme female reproductive system-en.svg.png

Ang uterus o matris ay isang organong hugis peras na nasa bandang puson, sa pagitan ng pantog at rectum. Kasama nito ang ang puwerta, mga obaryo, at lagusan ng itlog na bumubuo sa sistemang reproduktibo ng mga kababaihan. Ito ay tinatawag ring sinapupunan o bahay-bata

Contents

Anyo

Ang matris ay korteng kono. Sa magkabilang itaas na bahagi nito, nakabukas ang fallopian tube para makatanggap ng mga itlog. Ang pinaka-ibabang bahagi naman ay bumubuka papuntang puwerta.

Nahahati sa dalawang bahagi ang matris. Ang mas malapad na pang-itaas na bahagi ay ang katawan ng matris (corpus uteri) at ang makitid na ibabang bahagi ay ang cervix o sipit-sipitan. Sa pagitan ng dalawang bahaging ito ay ang tinatawag na isthmus at ang pinaka-itaas naman, sa pagitan ng fallopian tubes, ay ang fundus.

  1. Gawa ang katawan ng matris sa dalawang patong ng tisyu, ang endometrium na nasa looban ng matris, at ang myometrium na siya naming nakabalot dito.
    • Sa kababaihang nasa edad ng pagbubuntis, ang endometrium ay sumasailalim sa mga pagbabago buwan-buwan. Lumalaki at kumakapal ito sa impluwensiya ng estrogen mula sa obaryo bilang paghahanda sa pagtanggap ng punlay at posibleng pagbubuntis. Nagaganap ang buwanang regla kung hindi magamit ang tisyu, at natutunaw at lumalabas ito sa puwerta.
    • Ang myometrium naman ay tisyung kalamnan na nauunat at lumalaki kapag nagbubuntis. Ito ang humihilab para mailabas ang sanggol.
  2. Hugis kono din ang sipit-sipitan at ito ang nag-uugnay sa katawan ng matris at sa puwerta.

Histura

Nagbabago ang hitsura, laki, at sitwasyon ng matris sa iba’t ibang yugto ng buhay ng babae at sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan.

  1. Habang nabubuo pa lamang ang sanggol, nasa loob ang matris ng abdominal cavity at mas malaki ang cervix kaysa katawan. Bumababa rin ito sa tamang lugar at nagiging tamang laki.
  2. Sa pagdadalaga, ang matris ay hugis tatsulok na at may bigat na 14 hanggang 17 na gramo. Bumaba na ito sa balakang.
  3. Sa pagsapit ng tamang edad, ang posisyon ng matris ay nagbabago ayon sa kondisyon ng pantog at rectum. Kapag walang laman ang pantog, nakaposisyon palabas ang matris, halos nakatupi sa sarili at nakapatong sa pantog. Habang napupuno ang pantog, unti-unting tumatayo ang matris hanggang maka-posisyon paloob papuntang likod.
  4. Kapag buwanang regla, namamaga ang matris, mas nagiging vascular, at namimintog ang ibabaw. Ang panlabas na bukana ay mas bilugan, namamaga ang labia at ang lining membrane ng katawan ay mas makapal, malambot at may mas madilim na kulay.
  5. Sa pagbubuntis, lumalaki ng husto ang matris at pagdating ng pang-walong buwan, umaabot sa rehiyong epigastric. Dala ito ng paglaki ng mga kalamnan at pagbuo ng panibagong fibers.
  6. Halos bumabalik sa dating laki ang matris matapos manganak ngunit ang looban ay mas malaki kaysa ng dati, mas balubaluktot ang mga daluyan ng dugo at mas tukoy ang mga kalamnan. Mas markado ang panlabas na butas at may mga bakas ng mga bitak.
  7. Sa pagtanda, lumiliit ang matris, nagiging mas makapal, mapusyaw ang kulay, at mas nakikita ang pagkakahiwalay ng katawan nito at ng sipit-sipitan.

Istruktura

Gawa sa tatlong sapin ang matris: ang panlabas o serous, panggitna o maskuladong bahagi at ang panloob o mucous.

  1. Ang matubig at manipis na bahagi (tunica serosa) ay mula sa peritoneum at binabalot ang itaas ng matris mula fundus hanggang sa pagkakahati ng katawan at cervix.
  2. Ang maskuladong bahagi (tunica muscularis) naman ang pangunahing bumubuo sa kalamnan ng matris. Sa birheng estado, ito ay makapal, pirmi, halos kulay abo, at may katigasang tulad ng cartilage. Makapal ito sa gitna ng katawan at fundus at manipis sa labasan papuntang mga lagusan ng matris. Mayaman ito sa mga muscular fibers at nahahaluan ng mga tisyung areolar, mga daluyan ng dugo, kulani, at nerbyo. May tatlo itong patong: ang panlabas, panggitna, at panloob. Sa pagbubuntis, mas nagiging bakas ang maskuladong tisyu at lumalaki ng husto ang mga fiber.
  3. Ang mucous membrane (tunica mucosa) sa loob ng matris ay makinis at halos nakadikit sa pang-ilalim na tisyu, mula sa palabas papuntang lagusan ng itlog hanggang sa palabas ng matris papuntang puwerta.
    • Sa katawan ng matris, ang lamad na ito ay makinis, malambot, at may mapusyaw na pulang kulay. Sa pagbubuntis, nagmumukhang kulu-kulubot ang lamad dahil sa mga glandulang maliliit sa loob ng mga kulaning tumatakbo sa kabuuan ng bahaging ito na lumalaki at humahaba.
    • Sa sipit-sipitan, naiiba ang hitsura ng mucous membrane. Nagiging paalon-alon ito at may mga glandulang naglalabas ng malinaw, malapot, at alkalinang mucus. Mayroon ding ilang maliliit na mga cysts na malamang ay mga glandular follicle na nagsarado ngunit namimintog sa ‘di-makalabas na likido.

Papel sa reproduksyon

  • Sa paglabas ng itlog mula sa obaryo, dumadaan ito sa fallopian tube papunta sa uterine cavity.
  • Kung napunlaan ang hinog na itlog, itinatanim nito ang sarili sa dingding ng matris at doon lumalaki sa kahabaan ng pagbubuntis.
  • Lumalaki ang matris at nagiiba ang istruktura ayon sa pangangailangan ng lumalaking sanggol.
  • Pangunahing tungkulin ng matris ang pangangalaga at kalusugan ng sanggol at maayos na pagsulong ng pagbubuntis.
  • Matapos ang panganganak, halos bumabalik sa dating kondisyon ang matris bagama’t may bahid na ng nakaraang pagbubuntis.

Karaniwang sakit

Sintomas

  • Pagdurugo matapos makipagtalik.
  • Mabigat na pagdurugo tuwing may regla o sa pagitan ng buwanang regla.
  • Hindi maipaliwanag na pananakit ng pelvis.
  • Para sa mga kundisyong dala ng panganganak tulad ng uterine rupture at atony, karaniwan ang kawalan ng paghilab, at pagkakaroon ng mabigat at di-mapigilang pagdurugo at sakit.

Pangangalaga sa matris

Importante sa kalusugan ng matris ang magandang sirkulasyon ng dugo, maayos na paggana ng mga nerbyo, kulani at tamang balanse ng mga nutrient at mineral.

Bago magbuntis

  • Mag-ehersisyo tulad ng Kegel, yoga, o paglalakad para sa magandang daloy ng dugo at oxygen at pagpirmi ng mga kalamnan.
  • Kumain ng mga masustansiyang pagkain tulad ng mga isda, mani, gulay at prutas na mataas sa omega-3, mabuting kolesterol, at mga bitamina at mineral.
  • Panatilihin ang tamang timbang.
  • Alamin ang tungkol sa iba’t ibang sakit at mga sintomas upang maagang matukoy ang posibleng mga karamdaman.
  • Alamin ang kasaysayang medikal ng pamilya.
  • Regular na sumailalim sa mga karaniwang pagsusuri para sa kalusugan ng kababaihan tulad ng Pap smear.
  • Magpabakuna laban sa mga karaniwang sakit ng mga kababaihan.
  • Mag-ingat at maging protektado sa pakikipagtalik.
  • Maging alerto sa mga kakaibang nararamdaman o lumalabas sa puwerta at kumonsulta agad sa doktor.

Matapos manganak

  • Mamasahiin ang tiyan para matulungang bumalik sa dating pirmi, posisyon at laki ang matris.
  • Umihi para hindi maging sagabal ang punong pantog.
  • Makakaramdam ng mga contractions (afterpains) na dala ng pagliit ng matris. Maaaring maging masakit at tumagal ng ilang oras hanggang ilang araw. Karaniwang mas matagal at mas masakit habang mas maraming beses na nagbuntis ang isang babae. Uminom ng medikasyon, ipagpatuloy ang pagmamasahe ng tiyan at puson at maaaring maglagay ng malamig na yelo sa ibabaw ng tiyan.
  • Magsuot ng binder at unti-unting bumalik sa pag-ehersisyo para matulungang lumiit at pumirmi ang matris.
  • Maaaring makatulong ang paghigang nakabaluktot o bahagyang nakataas ang mga binti.
  • Kung sobra o may kakaibang sakit, pagdurugo o kakaibang nararamdaman, agad na magsabi sa nars, doktor o pumunta agad ng ospital.
  • Regular na bumisita sa doktor para masuri ang kalagayan at kondisyon ng matris.

Sanggunian