Progesterone

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Progesterone.jpg
Ang progesterone ay isang steroid sex hormone na natural na ginagawa ng katawan ng mga babaeng nireregla at mga buntis. Ito ay ang pangunahing progestational agent, ang responsable para sa pagpapatibay ng pagbubuntis. Kilala rin ito sa tawag na corpus luteum hormone, luteohormone, at progestational hormone.

Contents

Produksyon

Nasa 20 hanggang 25 mg ng progesterone ang nagagawa sa mga obaryo kada araw sa bawat buwanang siklo ng kababaihan. Nilalabas ito ng katawan sa pangalawang dalawang linggo ng buwanang siklo. Samantala, may 300 hanggang 400 mg ng progesterone kada araw ang nagagawa habang nagbubuntis na hanggang sampung beses ang itinataas ng produksyon ng kumpara sa hindi buntis. Pinakamataas ang dami nito sa mga huling araw ng buwanang siklo, matapos ang obulasyon.

Nagmumula ang progesterone sa corpus luteum, sa adrenal cortex, at sa placenta o inunan.

  1. Sa buwanang siklo
    • Ang paghinog at pagpapakawala ng ovum o itlog ay hudyat para sa simula ng produksyon ng progesterone.
    • Sa obulasyon, bumababa ang produksyon ng estrogen at bumubuo ang mga obaryo at mga egg follicle na wala nang laman ng isang espesyal na istrukturang endocrine na tinatawag na corpus luteum. Tanging tungkulin nito ang paggawa ng progesterone.
    • Kasama ang estrogen, ang progesterone ay dinadala ng dugo sa matris bilang paghahanda sa bahay-bata para sa posibleng pagpupunla.
    • Pinagagawa nito ang endometrium ng mga espesyal na protina para sa posibleng implantation ng napunlaang itlog.
    • Habang hindi pa nangyayari ang pagpupunla ng itlog, pinipigilan ng progesterone ang katawan na magpahinog at magpakawala ng iba pang itlog sa mga huling araw ng buwanang siklo.
    • Kapag hindi napunlaan ang itlog, nawawala ang corpus luteum at tumitigil ang produksyon ng progesterone hanggang sa susunod na siklo.
    • Mga tatlong araw bago dumating ang regla, nagsisimulang matunaw ang corpus luteum at endometrium na lalabas bilang buwanang regla.
  2. Sa panahon ng pagbubuntis
    • Kapag bumaon na ang napunlaang itlog, maglalabas ng human chorionic gonadotropin (HCG) ang embryo na tuluyang bubuhay sa corpus luteum para tuloy ang produksyon ng estrogen at progesterone para mapangalagaan ang pagbubuntis.
    • Nagsisimula ang produksyon ng progesterone mula sa placenta sa bandang dulo ng unang trimester hanggang ipanganak ang sanggol.

Tungkulin

Pangunahing tungkulin

  • Nagpapataas ng temperatura ng katawan o basal body temperature.
  • Hinahanda ang matris sa pagtanggap at pagpapalaki ng napunlaang itlog.
  • Pinagpapatibay ang endometrium para sa pagbubuntis.
  • Responsible para sa paglaki at pangangalaga ng endometrium.
  • Pinoprotektahan ang nabubuong embryo at pinagpapabuti ang pagbuo ng inunan.
  • Pinipigilan ang paghilab ng sinapupunan habang hindi pa panahon ng panganganak upang hindi malaglag ang sanggol.
  • Tumutulong sa pagbabago ng mucosa ng mga lagusan ng itlog para makakuha ng mas maraming nutrisyon ang napunlaang itlog habang papunta sa matris.

Sekundaryong tungkulin

  • Pinipigilan ang produksyon ng luteinizing hormones, follicle stimulating hormones, estrus, at ovulation para walang ibang itlog na mahinog ng wala sa oras.
  • Hinahanda ang mga mammary glands para sa pagpapasuso.
  • Pinipigilan ang paggawa ng prolactin para sa pagsuso hanggang manganak.
  • Pinakakapal ang mga kalamnan sa bahay-bata bilang paghahanda sa panganganak.
  • May kinalaman sa balanse ng likido at electrolytes sa katawan sa pagharang nito sa epekto ng aldosterone.

Epekto sa katawan

Sobra

  • Panghihina at posibleng sedation.
  • Nakakapagpatuyo ng ari ng babae sa pamamagitan ng paglaban sa pagpapadulas na epekto ng mga estrogen.
  • Nakakapagpakaunti o nakakapagpahinto ng regal sa pagpigil ng pagkapal ng tisyu sa matris.

Kakulangan

  • Kahirapan sa pag-regla sa mga hindi buntis.
  • Spontaneous abortion sa mga nagbubuntis.
  • Paghilab at panganganak.

Iba pang gamit ng progesterone

  • Maaaring ibigay bilang gamot na iniinom, iniineksyon, o inilalagay sa loob ng ari.
  • Bilang pang-gamot sa ilang sakit sa balat.
  • Birth control pill
  • Bilang gamot, pinabababa ang seizure activity ng mga may epilepsy.
  • Bilang gamot sa mga may uterine irritability para labanan ang panganganak na wala sa kabuwanan o pre-term labor.
  • Bilang progestational agent sa paggamot ng dysfunctional uterine bleeding.
  • Bilang lunas sa mga abnormalidad ng buwanang siklo.
  • Paggamot sa mga babaeng may polycystic ovarian syndrome (PCOS) laban sa panganib ng endometrial cancer.
  • Bilang hormone replacement therapy o HRT na lunas sa menopause.
  • Para pigilan ang endometrial hyperplasia sa mga babaeng menopausal na hindi natanggalan ng bahay-bata at umiinom ng estrogen.
  • Bilang panuri para sa endogenous estrogen production.
  • Bilang kasama sa lunas sa pagkabaog kung saan may kinalaman ang partial o kumpletong ovarian failure.

Panganib ng di-tamang sukat ng progesterone

  • Kanser sa suso
  • Sakit sa puso
  • Stroke
  • Di-mapigilang pagdagdag ng timbang
  • Pagkahapo at panghihina
  • Depresyon
  • Pagka-iritable
  • Sakit ng ulo
  • Insomnia
  • Pamamaga
  • Low thyroid function
  • Kawalan ng gana sa pakikipagtalik
  • Pananakit ng tiyan
  • Epektong catabolic
  • Problema sa electrolytes

Kontraindikasyon

  • Sakit sa gallbladder
  • Pamumuo ng dugo o thrombophlebitis
  • Pagkasira ng atay
  • Hindi maipaliwanag na pagdurugo ng matris
  • Pagbubuntis
  • Kasaysayan ng stroke
  • Sobrang kaselanan sa gamot na ito

Sanggunian