Sistemang pang-alis ng mga dumi

From Wikihealth
Jump to: navigation, search

Ang sistemang pang-alis ng mga dumi ay isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng katawan. Ito ang naglilinis ng katawan sa pamamagitan ng pagtanggal ng dumi sa iba’t ibang anyo tulad ng ihi, pawis, tae at iba pa. Ang pagdudumi ay isang proseso ng katawan na nag-aalis ng carbon dioxide, tubig, asin, urea at uric acid.

Contents

Mga pangunahing bahagi at tungkulin

  1. Baga - Bagama’t isang bahagi ng sistemang respiratoryo, ang baga ay kasali din sa sistemang pang-alis ng dumi sapagkat ang mga ito ay responsable sa paglalabas ng carbon dioxide sa katawan tuwing humihinga ang tao.
  2. Atay - Lumilikha ng urea at uric acid na mga dumi tuwing kumukonsumo ang katawan ng protina.
  3. Balat - Ang pawis na nililikha ng balat ay punong puno ng mga dumi gaya ng sobrang tubig, asin, urea at uric acid.
  4. Sistemang pang-ihi - Hindi tulad ng ibang mga bahagi ng sistemang pang-alis ng mga dumi, ang sistemang pang-ihi ay isang sistema at hindi organo. Ang pangunahing organo ng sistemang pang-ihi ay ang bato. Ang sistemang pang-ihi ay responsable sa paggawa ng ihi, na resulta ng pag-sala ng bato sa dugo upang makuha ang mga sobrang tubig, asin, urea at uric acid.

Mga karamdaman

  1. Mga sakit sa bato - Ang mga sakit sa bato gaya ng kidney stone at kidney failure ay isa sa mga karaniwan, ngunit mapanganib, na karamdaman na maiuugnay sa sistemang pang-alis ng dumi. Ang mga kidney stone ay mga kristal na namuo sa bato at sa daluyan ng ihi. Ang mga ito ay madalas na gawa sa calcium, ngunit ang iba naman ay binubuo ng uric acid. Hanggang ngayon hindi pa rin matukoy ang tunay na sanhi ng pagkakaroon ng kidney stones. Ang kidney failure naman ay ang hindi paggana ng mga bato. Kapag hindi gumagana ang mga bato, walang nagaganap na pagsasala ng dugo sa loob ng katawan.
  2. Piyo (Gout) - Isang karamdaman kung saan sobrang taas ang lebel ng uric acid sa katawan. Sa dami ng uric acid, hindi na kinakaya ng bato na salain ito sa dugo. Ang piyo ay nagdudulot ng matinding pananakit sa mga kasukasuan at sa bato.
  3. Impeksyon sa daluyan ng ihi o urinary tract infection (UTI) - Ang impeksyon sa daluyan ng ihi, gaya ng Pyelonephritis, ay sanhi ng mikrobyong E. coli sa daluyan ng ihi at sa pantog. Mas madalas na magkaroon ng UTI ang mga babae kumpara sa mga lalake.
  4. Tibi (Constipation) - Ang pagtitibi ay ang hindi pagkakaroon ng katawan ng kakayahan upang mailabas ang tae sa regular na pamamaraan.
  5. Pagtatae - Kabaligtaran naman ng pagtitibi, ang pagtatae ay ang madalas na paglabas ng tae na madalas ay basa. Ang pagtatae ay maaaring magdulot ng panunuyo ng katawan lalo na sa mga matatanda at mga sanggol.

Pangangalaga

Kapag may karamdaman ang isa sa mga bahagi ng sistemang pang-alis ng dumi, maaaring malason ang katawan. Upang maiwasan pa ang iba’t ibang karamdaman at pagkasira ng sistemang pang-alis ng dumi, ang mga sumusunod ay mainam na gawin:

  • Magkaroon ng regular na oras ng pagbabawas at pag-ihi. Huwag pipigilan ang pag-ihi o pag-dumi sapagkat ito ay maaaring magdulot ng pagtitibi at mga sakit sa bato.
  • Uminom ng maraming tubig araw-araw. Pinapalabnaw ng tubig ang matinding konsentrasyon ng mga asin sa loob ng katawan upang madali itong masala at ilabas.
  • Maligo araw-araw. Ang regular na paliligo ay nagtatanggal ng mga patay na cells ng balat at ng mga dumi sa balat na humaharang sa mga butas na daluyan ng pawis.
  • Kumain ng maraming gulay at prutas. Ang mga ito ay masustansya at mainam na nagbibigay ng fiber na tumutulong na umiwas sa pagtitibi.
  • Iwasang kumain ng madaming pagkaing maaalat at matataba. Ang sobrang alat at taba sa pagkain ay maaaring magdulot ng problema sa bato.
  • Umiwas sa pagbababad sa sinag ng araw. Mainam na magpahid ng sun block lotion upang maiwasan ang dagandang.
  • Maglaan ng oras para sa regular na ehersisyo. Hindi lang ito mainam sa pagpapaganda ng katawan - tumutulong din ang ehersisyo sa mahusay na pagganap ng mga baga at balat sa kanilang mga tungkulin.

Sanggunian