Sleep apnea

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Sleep apnea.jpg
Ang sleep apnea ay isang kondisyon sa pagtulog na maaaring maging malubha dahil sa ang paghinga ay paulit-ulit na tumitigil. Ang karaniwang sintomas ng sleep apnea ay ang malakas na paghilik. Ang udlot sa paghinga ay karaniwang nagtatagal ng sampung segundo o higit pa. Kadalasan ay nagigising ang taong may sleep apnea dahil sa kahirapan sa paghinga.

Contents

Uri

  1. Obstructive sleep apnea (OSA). Ito ang pinakakaraniwang uri ng sleep apnea. Ito ay nararanasan kapag ang mga kalamnan sa likod ng lalamunan ay masyadong nagrerelaks hanggang sa ito ay nagtatakip na ng daanan ng hangin.
  2. Central sleep apnea (CSA). Ang uring ito ay dulot ng iregularidad sa utak na may kaugnayan sa pagbibigay nito ng senyales sa paghinga.
  3. Complex apnea. Ito ay ang kombinasyon ng obstructive sleep apnea at central sleep apnea.

Anuman ang uri ng apnea, mahalagang makipag-ugnayan sa doktor para maiwasan ang komplikasyon ng sleep apnea tulad ng sakit sa puso.

Sintomas

Ang mga karaniwang sintomas ng obstructive at central sleep apnea ay ang mga sumusunod:

  • Labis na pagkaantok tuwing tag-araw (hypersomnia) na maaaring makadulot ng biglaang pagtulog habang nagtatrabaho
  • Labis na lakas sa paghilik
  • Kapansin-pansin na paghinto sa paghinga habang natutulog
  • Biglaang paggising sa gabi dahil sa kahirapan huminga
  • Sore throat sa paggising
  • Tuyong bibig sa paggising
  • Sakit ng ulo sa paggising
  • Kahirapan sa pagtulog (insomnia)

Sanhi

  • Obstructive sleep apnea - Kapag ang mga kalamnan sa likod ng lalamunan ay narerelaks, nagsasara ang daanan ng hangin. Dahil dito, panandaliang tumitigil ang paghinga at bumaba ang lebel ng oxygen sa dugo. Maaaring magising ang may OSA dahil sa kahirapan huminga. Ang insidenteng ito ay maaari ring umulit ng lima hanggang tatlumpung beses sa isang oras. Kadalasan ay walang kamalayan ang mga OSA na nagising sila sa gabi dahil sa kahirapan huminga.
  • Central sleep apnea - Nangyayari ang central sleep apnea kapag hindi nabigyan ng senyales ng utak ang mga masel na tumutulong sa paghinga. Biglang nagigising ang tao dahil sa kahirapan sa paghinga. Ang karaniwang sanhi ng central sleep apnea ay sakit sa puso at stroke.

Panganib

  • Obstructive sleep apnea
    • Labis na katabaan. Ang mga taba na nakapaligid sa daanan ng hangin ay maaaring makabara o makaharang sa tamang paghinga.
    • Sirkumperensiya ng leeg. Ang kapal ng leeg ay may kaugnayan sa sleep apnea. Ang kapal ng liig ay pwedeng makaliit sa daanan ng hangin. Ito rin ay maaaring indikasyon ng labis na katabaan. Hindi dapat hihigit sa 17 pulgada ang sirkumperensiya ng liig para mas mababa ang panganib ng sleep apnea.
    • Hypertension. Mas karaniwan ang sleep apnea sa mga may altapresyon.
    • Maliit na daanan ng hangin. Ito ay maaaring mamana.
    • Pagiging lalaki. Mas karaniwan ang sleep apnea sa mga lalaki. Tumataas ang panganib ng mga babae sa pagdating ng menopause.
    • Edad. Mas karaniwan sa mga higit 65 taong gulang,
    • Paggamit ng alak o sedatives. Ang mga ito ay nakakarelaks ng mga masel sa likod ng lalamunan.
    • Paninigarilyo.' Ang paninigarilyo ay nakakadulot ng fluid retention sa daanan ng hangin. Ito rin ay maaaring makadulot ng pamumula at pamamaga sa lalamunan.
  • Central sleep apnea
    • Sakit sa puso. Ang mga pasyenteng may atrial fibrillation o congestive heart failure ay may mataas na panganib na magkaroon ng central sleep apnea.
    • Stroke o tumor sa utak. Ang mga kondisyon na ito ay maaaring makahamak sa pagbigay ng utak ng senyales ng tamang paghinga.

Komplikasyon

Hindi pwedeng ipawalang-bahala ang mga sleep apnea. Ito ay pwedeng makadulot ng:

  1. Problema sa puso. Sa bawat pagtigil ng paghinga sa may sleep apnea, nababawasan din ang pagdala ng oxygen sa dugo. Ang kawalan ng oxygen ay pwedeng makapagtaas ng presyon. Maaari ring makadulot ito ng stroke. Kung ang pasyente ay may nauna nang sakit sa puso, ang paulit-ulit na nararanasan ang sleep apnea, ito ay pwedeng makadulot ng cardiac arrest at biglaang pagkamatay.
  2. Labis na pagkapagod sa tag-araw. Dahil paulit-ulit ang paggising sa gabi, hindi normal ang pagtulog ng pasyente. Ito ay nakikita sa pagiging labis na pagod ng pasyente tuwing araw. Pwede rin syang maging mainitin ang ulo at iritable.
  3. Komplikasyon sa medikasyon at operasyon. Sa mga operasyon na nangangailangan ng general anaesthesia, kailangang bigyang pansin ang mga may obstructive sleep apnea.

Ang ilan pang komplikasyon na sleep apnea ay ang kahirapan sa pag-alala, sakit ng ulo, depression at gastroesophageal reflux disease.

Pagsusuri

May ilang pagsusuri na maaaring isagawa ng doktor sa ospital. Ito ay ang mga sumusunod:

  • Nocturnal polysomnography. Sa pagsusuring ito, ang pasyente ay nakakabit sa isang makina na nagbabantay sa kanyang puso, leeg, baga, utak at iba pa.
  • Portable monitoring devices. Maaaring magrekomenda ang doktor ng mga pagsusuring kayang isagawa ng pasyente sa kanyang bahay. Ang mga pagsusuring ito ay sumusukat sa kanyang blood oxygen level, heart rate at pattern ng paghinga. Kung may sleep apnea ang pasyente, makikita sa resulta na ang lebel ng oxygen ay bumababa sa bawat apnea. Maaari pa ring irekomenda ng doktor ang nocturnal polysomnography dahil hindi nadidisukubre ng portable monitoring devices ang lahat ng kaso ng apnea.

Kung nakitang may obstructive sleep apnea ang pasyente, maaaring isangguni ang pasyente sa otolaryngologist, isang doktor ng tainga, ilong at lalamunan. Para sa mga may central sleep apnea, maaaring isangguni ang pasyente sa cardiologist o neurolgist.

Lunas

  • Obstructive sleep apnea
    • Continuous positive airway pressure (CPAP). Ang CPAP ay isang makina na tuluy-tuloy na nagbibigay ng hangin sa pasyente sa pamamagitan ng kanyang pagsuot ng oxygen mask habang natutulog.
    • Adjustable airway pressure devices. Tulad ng CPAP, ito ay nagbibigay ng tuluy-tuloy na air pressure sa pasyente habang siya ay natutulog. Ang pagkakaiba ay ang automatikong inaayos ng makinang ito ang air pressure kapag sumisinghot ang pasyente at bumubuga ng hangin.
    • Pagsuot ng mga oral appliances. Ang oral appliance ay ginagamit para napapanatiling bukas ang lalamunan habang natutulog ang may sleep apnea. Dahil dito, mababawasan ang kanyang paghilik at sleep apnea.
    • Uvulopalatopharyngoplasty (UPPP). Kapag labis ang tisyu sa ilong o lalamunan, pwede nitong matakpan ang daanan ng hangin at makadulot ng sleep apnea. Ang UPPP ay isang operasyon kung saan tinatanggal ng doktor ang tisyu sa likod ng bibig at sa ibabaw ng lalamunan. Tinatanggal din ng doktor ang tonsils at adenoids ng pasyente. Isinasagawa ang operasyon na ito sa ospital.
    • Tracheostomy. Kapag malubha ang kaso ng sleep apnea, ito ang operasyong isasagawa ng doktor. Nilalagyan ng maninistis ang liig ng pasyente ng isang bukasan, kung saan ipinapasok niya ang tubong gawa sa metal o plastic. Dito hihinga ang pasyente. Tuwing araw, nakatakip ang tubong ito. Sa gabi, tinatanggal ng pasyente ang takip para pumasok ang hangin sa baga.
  • Central sleep apnea
    • Paggamot sa mga sakit na sanhi ng apnea. Kapag problema sa puso ang sanhi ng apnea, ang paggamot ng sakit na iyon ay maaaring makatanggal ng sleep apnea.
    • Continuous positive airway pressure (CPAP) at adjustable airway devices. Tulad ng obstructive sleep apnea, maaaring makatulong ang makinang ito sa pagtanggal ng malakas na paghilik at pagpigil ng sleep apnea.

Pag-aalaga sa sarili

Bukod sa operasyon at paggamit ng mga makina, maaaring mabawasan at tuluyang matanggal ang sleep apnea sa pamamagitan ng pag-iwas sa paninigarilyo at pag-inom ng alak, at pagpapanatili ng tamang timbang.

Sanggunian