Tigdas

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Graphics 107B.jpg

Ang ganitong malubhang impeksiyon dahil sa virus ay higit na mapanganib sa mga batang kulang sa nutrisyon o may tuberkulosis. Sampung araw matapos mapalapit sa isang may tigdas, nagsisimula itong magpakita ng mga palatandaan ng sipon, lagnat, uhog, mahapdi at namumulang mata, at ubo.

Palubha nang palubha ang kalagayan ng bata. Ang bibig ay maaaring humapdi at malamang na magtae ang bata.

Pagkaraan ng 2 o 3 araw, lumalabas sa gilid ng bibig ang ilang maliliit na puting marka na parang mga butil ng asin. Pagkaraan ng 12 araw, nagsisimula nang lumabas ang maliliit na butlig—una'y sa likod ng tenga at sa leeg, pagkatapos ay sa mukha at katawan, at sa huli sa mga braso at binti. Pag lumitaw na ang mga butlig, magsisimula nang bumuti ang kalagayan ng bata. Ang mga butlig ay tumatagal ng mga 5 araw.


Paggamot:

  • Ang bata ay dapat maghinga nang mabuti, uminom ng maraming likido at bigyan ng masustansiyang pagkain. Kung ang sanggol ay hindi makasuso sa ina, ilagay sa kutsarita ang gatas at ipainom.
  • Kung may lagnat at nababalisa, painumin ng acetaminophen o aspirina.
  • Kapag sumakit ang tenga, bigyan ng antibayotiko.
  • Kapag may napunang mga palatandaan ng pulmonya, meninghitis, o matinding kirot sa tenga o tiyan, humingi ng tulong sa doktor.


Pag-iingat sa tigdas:

Ang mga batang may tigdas ay dapat ilayo sa ibang bata. Higit na pangalagaan ang mga batang kulang sa nutrisyon o mga batang nagkaroon na ng tuberkulosis at iba pang pabalik-balik na sakit. Ang mga batang mula sa ibang pamilya ay hindi dapat pumunta sa bahay na may nakatirang may tigdas. Kung hindi man nahawa ang mga bata sa isang pamilya na may isang kaso ng tigdas, hindi sila dapat pumasok sa eskuwela o pumunta sa tindahan sa loob ng 10 araw.


Paalala: Upang maiwasang mamatay ang mga bata dahil sa tigdas, tiyaking may sapat na nutrisyon ang bata. Pabakunahan ang inyong mga anak laban sa tigdas pagsapit ng ika-8 hanggang 14 na buwan.


Sanggunian

  • David Werner. Kung Walang Doktor sa Inyong Lugar. Philippine Charity Sweepstakes Office, 1979. (Hinango noong 8 Mayo 2010).