Alugbati

From Wikihealth
Jump to: navigation, search

Ang Alugbati ay isang uri ng makatas at makinis na vine. Ito ang lokal ngunit masustansyang kahalili ng spinach.

Contents

Pagkakakilanlan

Kilala ang Alugbati sa scientific name na Basella rubra. Tinatawag itong Grana o Libato ng mga Tagalog. Dundul ito sa mga taga-Sulu at Ilaibakir sa mga Ilokano. Ito ang Malabar Nightshade o Spinach Vine sa Ingles at Lo K'uei sa salitang Tsino.

Kaanyuan

Ang mga sanga nito ay kulay lila o luntian. Ang mga daahon naman ay hugis-puso at malaman. Umaabot ang mga ito ng dalawa hanggang limang pulgada ang haba. Ang mga bulaklak ay kulay rosas at umaabot ng apat na milimetro ang haba. Ang mga mabibilog at malaman na bunga nito ay walang mga tangkay at nagkukulay lila pag nahinog.

Upang paramihin, ipinakakalat at itinatanim ang mga buto nito. Mainam na itanim ang mga ito mula Abril hanggang Agosto kung saan tama lamang ang init at ulan. Kapag namunga na, buong taon na itong mapapakinabangan. Sa ibang mga bansa, tanging ang mga talbos lamang ang kinakain.

Nilalamang sangkap

Ang Alugbati ay isang masustansyang halaman na napagalamang mayroon bitamina A, B, C, at D. Ang mga dahon ay mayroong mga saponin at bitamina A at B. Ang mga prutas ng alugbati ay mayroong iron at may madulas na katas.

Katangian ng mga bahagi

Ang mga baging, prutas at dahon ng Alugbati ay mapapakinabangan bilang pampa-ihi at pampa-dumi. Ang katas nito ay magagamit din bilang demulcent, emollient at rubefacient.

Pakinabang sa halaman

Dahil sa taglay na sustansya ng alugbati, ipinampapalit ito sa Spinach at ihinahalo sa mga salad o pagkaing may sabaw. Kinakain ang mga dahon at mga talbos ng Alugbati dahil mainam itong pinanggagalingan ng calcium, iron at bitamina A, B at C na may fiber pa na nakakatulong sa regular na pagdumi.

Matagal nang ginagamit ng mga katutubo ang Alugbati. Ilan sa mga ito ang mga sumusunod:

  • Bilang laxative. Ang nilagang dahon ng Alugbati ay nakakatulong sa madaling pagdumi.
  • Para sa pamamaga. Ipinantatapal ang bahagyang pinainit na dahon ng alugbati para mapigilan ang pamamaga.
  • Para sa tighiyawat. Ang katas na mula sa Alugbati ay ipinampapahid sa tighiyawat para hindi ito mamula at mamaga.
  • Para sa mga pigsa. Ang mga pinitpit na dahon ng Alugbati ay nilalagay sa mga pigsa para madaling lumabas ang nana ng mga ito.
  • Para sa catarrh. Ang katas ng mga dahon ng Alugbati na hinalo sa kaunting asukal ay mainam na lunas sa pamamaga ng mucus membranes.
  • Para sa mga paso sa balat. Ang katas ng dahon ng Alugbati na hinalo sa kaunting mantikilya ay nakatutulong sa pag-alis ng hapdi at pamamaga ng mga paso.
  • Para sa sakit ng ulo. Ang katas na mula sa bubot na tangkay at talbos ng Alugbati ay maaaring inumin para sa mga taong madalas sumusumpong ang sakit ng ulo.
  • Sa Ayurveda, ang Alugbati ay ginagamot sa mga sakit sa balat, pagkabaog at ulcer sa sikmura. Bukod dito, ang mga ugat ng Alugbati ay mayroong likas na pampapula kaya bukod sa pankulay ng pagkain, nagagamit din ang katas ng prutas bilang pampapula ng pisngi at labi.

Mga lokal na pag-aaral

May ibang pag-aaral na isinagawa ang mga mananaliksik na Hapon, Indiano at Pilipino tungkol sa iba pang pakinabang ng Alugbati. Ilan sa mga ito ang mga sumusunod:

  • Mabisang antifungal. Mayroong nalinang na peptides mula sa Alugbati na mabisa laban sa mga amag na pumiperwisyo sa mga halaman.
  • Mahusay na antimicrobial. Sa isang pag-aaral sa katas ng Alugbati, napagalaman na mabisa ito laban sa Escherichia coli at sa iba pang mga bacteria maliban sa Pseudomonas aeruginosa. Patuloy pang inaalam kung anong tiyak na sangkap mula sa alugbati ang nagbibigay ng ganitong katangian.
  • Posibleng nakakapagpababa ng blood sugar. Nang bigyan ang mga dagang may diabetes ng dahon ng Alugbati, bumaba at nakontrol ang antas ng blood sugar sa sirkulasyon ng mga ito.
  • Alternatibong microbial stain. Ang anthocyanin na mula sa Alugbati ay halos kapareho ng iba pang mga dye tulad ng crystal violet at safranin.

Pagtutustos

Pinaniniwalaan na ang Alugbati ay malaon nang nasa daigdig bago pa man ito inalagaan at pinarami. Maaaring makabili ng mga dahon nito sa palengke. Ang mga uri ng Alugbati na kulay berde at lila ang mabili kumpara sa mga tumutubong ligaw.

Bukod sa Pilipinas, mayroon ding tanim na Alugbati ang mga bansang may tropikal na klima sa Asya at Aprika.

Sanggunian

  • Alugbati.. Stuartxchange. (Hinango noong 02 Abril 2012.).
  • Alugbati. Philippine Medicinal Plants. (Hinango noong 03 Abril 2012)
  • Vasalacheera. Ayurvedic Medicinal Plants. (Hinango noong 04 Abril 2012)
  • Basella rubra. Cresent bloom. (Hinango noong 05 Abril 2012).
  • Basella alba. Top tropicals. (Hinango noong 06 Abril 22012)


Pagkilala

Wikihealth cit.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiHealth sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.