Anemya

From Wikihealth
Jump to: navigation, search

Kulang sa dugo ang taong may anemya. Nangyayari ito kapag ang dugo ay nauubos o mabilis na napipinsala at hindi kaagad ito napapalitan ng kanyang katawan. Ang pagkaubos ng dugo dahil sa malaking sugat, pagdugo ng ulser o disenterya ay maaaring maging sanhi ng anemya. Gayundin ang buwanang regla ng mga babae, kung hindi nila kinakain ang mga pagkaing kailangan ng kanilang katawan.


Mga palatandaan ng anemya:

  • maputla o manipis na balat
  • maputla ang loob ng talukap ng mata
  • maputlang gilagid
  • maputing kuko
  • panghihina at pagkapagod
  • Kung malubha ang anemya, maaaring namamanas ang mukha at paa, mabilis ang tibok ng puso at maaaring nahihirapang huminga ang maysakit.
  • Ang mga bata at babaing gustong kumain ng dumi ay kadalasang may anemya.


Ang pagkaing kulang sa karne, berde at madahong gulay, at iba pang pagkaing sagana sa iron ay maaaring maging sanhi ng anemya o magpalala rito.

Maaaring magkaroon ng anemya ang mga bata dahil sa kakulangan ng mga pagkaing sagana sa iron. Maaari ring maging sanhi ito ng pagpapasuso sa bata ng gatas ng ina o pagpapasuso ng bata sa bote pagkaraan ng 6 na buwan nang hindi binibigyan ng ibang pagkain. Ang mga pangkaraniwang sanhi ng grabeng anemya sa mga bata ay impeksiyon dahil sa hookworm, paulit-ulit na pagtatae at disenterya.

Ang malarya, na sumisira ng selula ng dugo, ay maaari ring maging sanhi ng anemya.


Paggamot at pag-iingat sa anemya:

  • Kumain ng mga pagkaing sagana sa iron. Ang karne, manok, isda at itlog ay sagana sa iron. Lalong maraming iron ang atay. Ang mga berde at madahong gulay, beans, gisantes, sitaw at bataw ay mayroon ding kaunting iron.
  • Kung may kahirapang magkaroon ng pagkaing sagana sa iron, o kung malala ang taong may sakit na anemya, kailangang uminom ng iron (pildoras na ferrous sulfate). Mahalaga ito lalo na sa mga babaing buntis na may anemya. Sa lahat halos ng kaso ng anemya, ang tabletas an ferrous sulfate ay higit na mahusay kaysa katas ng atay o bitamina B12. Bilang pangkalahatang tuntunin, ang iron ay kailangang inumin, at huwag ituturok (iniksiyon), sapagkat mapanganib ang pagtuturok ng gamot na may iron.
  • Kung ang sanhi ng anemya ay disenterya (pagtatae na may dugo, hookworm, malarya, o iba pang sakit, kailangan din itong gamutin.
  • Kung malala o hindi gumagaling ang anemya, humingi ng tulong sa manggagamot. Higit itong mahalaga sa mga buntis.

Maraming babae ang anemiko. Madalas mangyari ito dahil hindi sila kumakain ng sapat na pagkaing sagana sa iron upang mapalitan ang dugong nauubos sa panahon ng pagreregla o panganganak. Ang mga babaing anemiko ay mas nanganganib na makunan at duguin nang husto sa panganganak. Dahil dito, napakahalaga para sa mga babae na kumain ng beans, berde at madahong gulay, at maraming karne, manok, at itlog hangga't maaari, sa panahon ng pagbubuntis. Ang pagpaplano ng pamilya―pagkakaroon ng pagitang 2 o 3 taon na pagbubuntis―ay makatutulong sa babae para manumbalik ang kanyang lakas at magkaroon ng bagong dugo.


Sanggunian

  • David Werner. Kung Walang Doktor sa Inyong Lugar. Philippine Charity Sweepstakes Office, 1979. (Hinango noong 23 Abril 2010).