Atake sa puso
From Wikihealth
Ang atake sa puso o myocardial infarction ay nangyayari kapag ang pagdaloy ng dugo patungo sa isang bahagi ng puso ay tumitigil. Kung sapat ang oras ng pagtigil ng daloy ng dugo (karaniwang sa loob ng 20 hanggang 40 minuto), nagsisimulang mamatay ang kalamnan sa parteng iyon ng puso.Patuloy ang permanenteng pagkamatay ng kalamnan sa puso at nagsisimulang magpeklat anim hanggang walong oras matapos ang atake. Maituturing na “kumpleto na” ang atake sa puso sa loob ng panahon na ito. Ito ay isang emergency at nangangailangan ng agarang atensyong medikal. Tumawag agad ng doktor at isugod agad sa ospital ang inaatake sa puso.
Contents |
Ibang katawagan
- Myocardial infarction (MI) – Hango sa pinagsamang mga salitang myo (kalamnan) at cardial (puso). Kamatayan naman ang ibig sabihin ng infarction (kamatayan) dahil sa kakulangan ng oxygen.
- Acute myocardial infarction (AMI)
- ST-elevation myocardial infarction
- Non-ST-elevation myocardial infarction
- Acute coronary syndrome
- Coronary thrombosis
- Coronary occlusion
Sanhi
Hindi laging naglalaman ang kadahilanan ng mga atake sa puso. Ngunit ang mga karaniwang kilalang sanhi ay:
- Atherosclerosis o atherosclerotic heart disease - sanhi ng coronary heart disease (CHD) o coronary artery disease (CAD).
- Dahil sa plaque na namumuo sa dingding ng coronary arteries o pamumuo ng dugo na bumabara sa mga arterya ng puso.
- Nagkakaharang ang daloy ng dugo na nagdadala ng oxygen sa mga selula ng puso.
Ibang di-karaniwang sanhi na walang kinalaman sa atherosclerosis:
- Anomalous coronary artery – pag naipit ng puso ang sariling daluyan ng dugo.
- Coronary artery vasospasm o Pinzmetal angina - Malubha at biglaang paninikip ng artery na walang kinalaman sa atherosclerosis.
- Kakulangan ng oxygen.
- Matinding anemia dahil sa labis na pagdurugo o kakulangan ng red blood cells mula sa mga kadahilanang tulad ng pagpalya ng paghinga, pagkakalason mula sa carbon monoxide o cyanide.
Salik ng panganib
May mga salik na maaaring mapangasiwaan tulad ng:
- Sakit
- Stress
- Paggamit ng ilang gamot tulad ng cocaine.
- Malubhang pagkabalisa, pagdaramdam, o pisikal na sakit.
- Matinding panlalamig.
- Paninigarilyo
- Altapresyon
- Mataas na kolesterol sa dugo.
- Labis na katabaan.
- Hindi malusog na diyeta, tulad ng mataas sa saturated fat, trans fat, kolesterol at sodium.
- Kakulangan ng pag-ehersisyo o regular na pisikal na aktibidad.
- Mataas na asukal sa dugo dahil sa insulin resistance o diabetes.
- Mataas na sukat ng adrenaline sa dugo na lumalabas sa adrenal glands tuwing umaga.
Ang mga di-maiwasang salik naman ay ang mga sumusunod:
- Edad
- Kasarian -Pagiging lalaki.
- Minanang disposisyon ayon sa kasaysayang medikal ng pamilya.
- Personal na kasaysayang medikal, lalo na kung may indikasyon ng cardiac ischema o iba pang problemang medikal.
- Nakaraang pagtitistis o atake sa puso.
- Pre-eclampsia para sa mga babae.
- Menopause para sa mga babae.
Sintomas
Hindi pare-pareho ang lalabas na sintomas sa bawat inaatake sa puso. May biglaan ang atake at mayroon din naman paunti-unti at bahagya lamang ang nararamdaman. Maaari ring walang sintomas na ipinamamalas. Silent heart attack ang tawag dito kung kaya’t hindi dapat ipagpaliban ang mga nararamdaman.
Ibang karaniwang sintomas ay ang mga sumusunod:
- Pananakit ng dibdib - Maaaring maging katamtaman o labis ang pananakit. Mararamdaman ang pananakit ng dibdib bilang:
- Maaaring maramdaman sa isang bahagi lamang ng katawan.
- Maaaring maramdamang lumilipat ang pananakit mula sa dibdib patungo sa iba pang bahagi ng katawan tulad ng mga braso, balikat, leeg, ngipin, panga, tiyan, o likod.
- Karaniwang tumatagal ng sobra sa 20 minuto ang pananakit.
- Maaaring hindi mawala sa pagpapahinga o medikasyon.
- Maaaring magpabalik-balik ang mga sintomas.
Iba pang maaaring sintomas:
- Ang mukha ay parang kulay abo o nawawalan ng kulay.
- Pagkabalisa
- Labis na masama ang pangkalahatang pakiramdam.
- Pag-ubo
- Kawalang-malay
- Pagkakahilo
- Pagduduwal o pagsusuka.
- Pakiramdam na masyadong mabilis o iregular ang tibok ng puso (arrhythmia).
- Dyspnea o kakapusan ng hininga.
- Pagpapawis
- Panlalamig
- Problema sa pagtulog.
Para sa mga matatanda, may diabetes, at kababaihan na mas mataas ang panganib ng silent heart attack:
- Maaaring kaunti o walang pananakit ng dibdib na mararamdaman.
- Kung may pananakit man, maaaring maramdaman bilang lumilibot na pananakit sa leeg, panga, balikat o likod.
- Maaaring magpakita ng di-karaniwang sintomas tulad lamang ng kakapusan ng hininga, pagkakahapo at panghihina.
Kailan maaaring mangyari
- Bagama’t walang pinipiling oras ang atake sa puso, mas maraming insidente ang nangyayari mula alas-kwatro ng madaling-araw hanggang alas-10 ng umaga.
- Kapag natutulog.
- Kapag may biglaan o mabigat na pisikal na gawain.
- Kapag sobrang aktibo sa labas at malamig ang panahon.
- Matapos ang biglaan at matinding emosyonal o pisikal na stress.
Mga pagsusuri
Sa paunang pagtatanong ng mga doktor o mediko, importante ang malinaw na pagsagot sa mga sumusunod:
- Sariling kasaysayang medikal at ng pamilya
- Mga allergy at gamot na iniinom
- Kailan nagsimula ang sintomas
- Ano ang ginagawa at kung kailangan tumigil
- Kung tumigil ba ang sintomas sa pagpapahinga at bumalik nang may gawin uli
- Kung nanatili ba sa dibdib ang pananakit o lumigid o lumipat patungo sa ibang bahagi ng katawan
- Kung kinapos ba ng hininga
- Kung naduduwal o nagsuka
- Kung labis ba na nagpawis
Sa pisikal na pagsusuri:
- Pakikinggan ang dibdib gamit ang stethoscope upang malaman kung may mga abnormal na tunog tulad ng crackles sa baga o heart murmur.
- Titignan kung mabilis ang pulso at kung normal ang presyon ng dugo.
Batay sa matutuklasan sa paunang pagsusuri, susunod ang mga diagnostic test tulad ng:
- Pagsusuri ng dugo – Para masukat ang mga cardiac enzymes sa dugo at makita kung may pinsala sa puso.
- X-ray ng dibdib
- Coronary angiography
- CT Scan
- Electrocardiogram (ECG)
- Echocardiography
- Stress test
Lunas
Agarang gawin
Pinaka-epektibo ang paggamot at mas mabilis ang paggaling kung maagap na mabibigyan ng sapat na atensyong medikal ang inaatake. Kung nakakaramdam ng mga sintomas o may kasamang inaatake sa puso, gawin ang mga sumusunod na hakbang:
- Tumawag agad ng tulong na medikal.
- Maaaring uminom ng aspirin (kung walang allergy sa gamot na ito) para makatulong sa katawan.
- Ipahinga ang isip at katawan habang nagiintay ng ambulansya o doktor.
- Kung inaatake sa puso, huwag magmaneho patungo sa ospital.
- Pinakamainam na huwag palilipasin ang higit sa dalawang oras o ipagpapabukas pa ang pagpunta sa ospital.
- Cardiopulmonary resuscitation (CPR) kung tumigil sa paghinga, hindi gumagalaw o walang tugon ang inaatake.
- Gagamitan ng automated external defibrillator (AED) kung kailangan at nasa lugar na merong makinang ito.
Pagtitistis
Ang maagang pagbubukas ng baradong daluyan ng dugo ay nakakabawas sa kalubhaan ng pinsala sa puso at pinagpapabuti ang kalalabasang pag-galing ng inaatake. Karaniwang sa loob ng 90 minuto matapos unang maramdaman ang mga sintoma pinakamainam gawin ang mga sumusunod:
- Angioplasty
- Heart catheterization
- Paglalagay ng coronary artery stent.
- Coronary artery bypass surgery
- Percutaneous transluminal coronary angioplasty (PTCA)
Medikasyon
- Thrombolytic therapy- Pampatunaw sa namuong dugo.
- Fibrinolytic therapy
- Gamot na antiplatelet
- Gamot na anticoagulant
- Angiotensin converting enzyme (ACE) inhibitors
- Beta blockers
- Tissue plasminogen activator (TPA or TNK)
- Oxygen therapy
Komplikasyon
- Pangkalahatang panghihina ng puso, katawan, at kalusugan.
- Arrhythmia) – Pangunahing sanhi ng kamatayan sa unang ilang oras matapos ang atake sa puso.
- Ventricular fibrillation – Nakamamatay na uri ng arrhythmia.
- Cardiogenic shock
- Hypoxemia
- Pulmonary edema
- Deep vein thrombosis (DVT)
- Myocardial rupture
- Ventricular aneurysm
- Pagpepeklat at pinsala sa puso.
- Aneurysm
- Angina
- Mas malalang atake sa puso.
- Tuluyang pagpalya ng puso (congestive heart failure).
- Erectile dysfunction sa mga lalaki.
- Pericarditis
- Kamatayan
Pagiwas sa pag-ulit ng atake sa puso
Medikasyon
- Regular na bumisita at magpapasuri ng kalusugan sa doktor.
- Sundin ang payo at reseta ng doktor.
- Huwag papalitan o ititigil ang medikasyon ng hindi kinokonsulta muna sa doktor.
- Magpagamot para sa coronary heart disease (CHD).
- Magpasuri at magpagamot sa labis na kalungkutan.
- Uminom ng mga suplemento at bitaminang mataas sa folic acid.
Pamumuhay
- Matulog ng maayos at umiwas sa labis na kapaguran.
- Huwag magpakabalisa at umiwas sa labis na pagdaramdam o kalungkutan.
- Huwag manigarilyo.
- Limitahan o iwasan ang paginom ng alkohol.
- Panatilihing nasa tamang sukat ang presyon, asukal sa dugo, at masamang kolesterol.
- Kumain ng nakakapagpabuti sa puso tulad ng mga pagkaing mataas sa omega-3, high-density lipoprotein (HDL) na kolesterol, mga prutas, gulay at whole grains.
- Iwasan ang pagkaing matataas sa taba ng hayop at iba pang nakakapagpataas ng low-density lipoprotein (LDL) na kolesterol.
- Mag-ehersisyo ng kahit 30 minuto kada araw, limang beses sa isang linggo o ayon sa rekomendasyon ng doktor.
- Panatilihin ang tamang timbang.
Para sa mga kababaihan
Mas mataas ang insidente ng pagkaantala ng pagtukoy at paggamot ng sakit sa puso sa mga kababaihan.
- Mas karaniwan ang silent heart attack sa mga babae.
- Mas mahirap tukuyin ang tunay na atake sa puso sa kababaihan dahil sa mga di-karaniwang atypical na sintomas na maaaring maranasan, tulad ng:
- Pananakit ng leeg at balikat
- Pananakit ng tiyan
- Pagduduwal at pagsusuka
- Pagkahapo at labis na pagkapagod
- Kakapusan ng hininga
- Di-karaniwang magkaroon ng tipikal na resulta mula sa ECG na nagpapahiwatig ng atake sa puso.
- Mas malamang makaranas ng angina ang kababaihan.
- Maaaring magpakita ng mapanligaw, o "maling positibong" resulta mula sa mga pagsusuri para sa coronary artery disease kumpara sa mga lalaki.
Komplikasyon
Mas mataas na dami ng komplikasyong may kaugnayan sa pamamaraan ng paggamot, lalo na sa pagtitistis.
- Pagdurugo o pamumuo ng dugo sa pagpasok ng catheter para sa PTCA o iba pang pagtitistis.
- Kamatayan
Dahil na rin ito sa edad, sa mas maliit na daluyan ng dugo, at mas malubhang angina.
Sa Pilipinas
Simula ng mga 1990, ang sakit sa puso ay isa sa mga pangunahing sanhi ng kamatayan sa mga Pilipino. Bagamat malayo na ang narating ng medisina at pagtitistis sa larangang ito, 60% ng mga inaatake ang biglang namamatay at sa mga mga nakakaligtas, 30% ang namamatay sa ospital at nananatiling mataas ang bilang ng mga atake na umuulit.
Karaniwang dahilan nito ay ang kaugaliang ipagsawalang-bahala ang mga nararamdaman. Dahil sa kakulangan ng kaalaman ukol sa mga sintomas ng atake sa puso, hindi tukoy ang pangangailangan ng mabilisang pagkilos. Lalo na sa mga kababaihan, madalas na atypical ang mga sintomas kaya’t may kalubhaan na ang pinsala sa puso bago pa mabigyan ng sapat na medikal na atensyon.
Ayon sa Philippine Heart Association (PHA), mas marami na ring kabataan ang sinusumpong ng sakit sa puso at nalalapit sa panganib ng atake sa puso. Dahil ito sa hindi malusog na pamumuhay, bisyo, at kaugalian sa pagtatrabaho tulad ng pagpupuyat, sobrang stress at hindi pagkain ng tama.
Tuwing Pasko at Bagong Taon naman ay mas marami ang insidente ng atake sa puso dahil sa dami ng matataba at ‘di masustansyang pagkain, alkohol, pagpupuyat, pagod at stress. Nakakalimutan ang tamang pamumuhay para mapanatili ang mabuting kalusugan dala ng sunod-sunod na nakaugaliang pagdiriwang ng panahon. Mas mahigpit na pagbabantay para sa mga sintomas ang dapat gawin para sa kaligtasan ng kalusugan.
Agad na magpunta o dalhin sa ospital ang kahit pinaghihinalaan pa lamang na nagpapamalas ng mga sintomas ng atake sa puso. Huwag ipagsawalang-bahala o ipagpaliban upang hindi lumala ang permanenteng pinsala sa puso o mauwi sa kamatayan.
Sanggunian
- More heart attacks happen on Christmas Day. ABS-CBNnews.com. (Hinango noong 21 Agosto 2011.)
- More young people getting heart diseases – PHA. PhilStar.com. (Hinango noong 21 Agosto 2011.)
- Philippines’ Top Ten Causes of Mortality. Docstoc.com. (Hinango noong 21 Agosto 2011.)
- Women’s Heart. Health Beat . (Hinango noong 21 Agosto 2011.)
- Introduction. FOUNDATION FOR LAY EDUCATION ON HEART DISEASES. (Hinango noong 21 Agosto 2011.)
- Heart Attack Symptoms. Heart Attack Symptoms. (Hinango noong 21 Agosto 2011.)
- Heart Attacks and Heart Disease. WebMD. (Hinango noong 21 Agosto 2011.)
- Female Heart Attacks. Philippines Today. (Hinango noong 21 Agosto 2011.)
- Heart Attack. Better Medicine. (Hinango noong 21 Agosto 2011.)
- What Is a Heart Attack? National Heart Lung and Blood Institute. (Hinango noong 21 Agosto 2011.)
- Heart Attack (Myocardial Infarction). Medicine.net. (Hinango noong 21 Agosto 2011.)
- Heart Attack. PubMed Health. (Hinango noong 21 Agosto 2011.)
- Heart Attack. EMedicine Health. (Hinango noong 21 Agosto 2011.)
- What Is A Heart Attack? What Causes A Heart Attack? Medical News Today. (Hinango noong 21 Agosto 2011.)
Pagkilala
| Orihinal na nilalaman mula sa WikiHealth sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |


