Balakubak

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Error creating thumbnail: Unable to save thumbnail to destination

Ang balakubak ay isang pangkaraniwang sakit sa anit na lumilikha ng mga puting maliliit na taliptip o flakes. Ito ay madalas ding mangyari sa ibang parte ng katawan kung saan mayroong mataas na produksyon ng langis gaya ng kilay, tainga, ilong at leeg. Bata man o matanda, babae o lalaki, lahat ay maaaring magkaroon ng balakubak.

Contents

Sanhi

Ang seborrheic dermatitis ay isa sa malimit na dahilan ng balakubak. Ito ay sanhi ng labis na pagdidiskarga ng sebum ng sebaceous gland ([[glandulang malangis). Ang sebum ay binubuo ng taba, keratin, at selyula ng balat. Ang balakubak ay maaari ring sanhi ng mga sumusunod:

  • Malassezia – Isang uri ng halamang-singaw na naninirahan sa anit.
  • Eczema o atopic dermatitis – Pamamaga ng epidermis o panlabas na patong ng balat.
  • Psoriasis – Sakit sa balat na nagiging dahilan ng pagtitipon ng patay na mga selyula ng balat na bumubuo ng makapal at kulay pilak na mga kaliskis.
  • Pagiging sensitibo sa mga produkto na ginagamit o inilalagay sa ulo tulad ng tina o pangkulay sa buhok.
  • Madalang na paghuhugas ng buhok.
  • Panunuyo ng balat.

Sintomas

Mga kilalang palatandaan ng balakubak:

  • Kulay puti o dilaw na mga taliptip sa anit o buhok.
  • Pamumula o pagsusugat ng apektadong bahagi ng balat dulot ng pagka-irita.
  • Makating anit.

Paggamot

  • Ang shampoo na may coal tar, ketoconazole, salicylic acid, selenium sulphide, at zinc pyrithione na mabibili nang walang reseta ay nakakatulong na palambutin at iwaksi ang mga kaliskis, at sa gayon ay tuluyan ng maalis ang balakubak. Ang paggamit ng shampoo ay nakabatay sa kung gaano kalubha ang ipinapakitang sintomas ng balakubak.
  • Mga pamahid:
    • Kremang may Cortisone– Nakakapagbawas ito ng pamamaga ng anit. Maaari itong gamitin kasabay ng inirekomendang shampoo ng doktor.
    • Kremang panlabas sa fungi – Ito ay mas epektibo dahil pinabababa nito ang bilang ng fungi na naninirahan sa balat. Maaaring maglagay nito ng isa o dalawang beses sa isang araw.
    • Pimecrolimus (kremang non-steroidal) – Binabawasan nito ang kakayahan ng mast cells na maglabas ng mga kemikal na nagdudulot ng pamamaga, pamumula, at pangangati ng balat. Gamot din ito para sa eczema.

Mungkahi

  • Hangga't maari, matuto na iangkop ang sarili laban sa stress.
  • Regular o araw-araw na shampoo-hin ang buhok upang maiwasan ang balakubak, lalo na sa mga taong may malangis na anit.
  • Bawasan ang paggamit ng mga produkto na maaaring maka-ambag sa pagiging malangis ng anit at buhok, tulad ng spray, gel, mousse, o wax.
  • Isama sa diyeta ang mga pagkain na nagbibigay ng sapat na bitamina B, zinc at ilang mga uri ng taba dahil maaari itong makatulong na maiwasan ang pagkakaroon ng balakubak.
  • Ang panandaliang pagbibilad sa araw ay makabubuti upang mawala ang balakubak.

Sanggunian

Pagkilala

Wikihealth cit.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiHealth sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.