Epiglottitis

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Epiglottitis.jpg
Ang epiglottitis ay ang pamamaga ng epiglottis at/o mga tisyung supraglottic na nakapalibot sa epiglottis, kasama ang aryepiglottic fold, malambot na tisyu ng arytenoid, at minsan, ang uvula. Karaniwang dala ng impeksiyon, tinuturing itong medical emergency dahil sa lapit ng epiglottis sa daanan ng hangin. Anumang pamamaga nito ay makakaapekto sa daloy ng oxygen sa baga. Ito ay sakit na nakakahawa.

Noon, maraming insidente ng epiglottitis sa mga batang mula dalawa hanggang walong taong gulang. Karaniwang sanhi nito ang impeksyon mula sa bakteryang Haemophilus influenzae type B (Hib). Simula 1990, naging bahagi na ng regular na iskedyul ng mga bata ang pagpapabakuna laban sa Hib . Ngunit dahil may iba pang bakteryang sanhi ang epiglottitis at minsan hindi epektibo ang bakuna, nararanasan pa rin ito ng ilang bata at matatanda, lalo na sa kalalakihang nasa pagitan ng edad 40 hanggang 60.

Contents

Uri ng epiglottitis

May mga kaibahan ang epiglottitis para sa bata at matanda ngunit pareho itong nakamamatay kung hindi agad na maagapan.

  1. Pediatric epiglottitis – Habang mas bata ang apektado, mas karaniwang hindi nagpapamalas ng mga sintomas tulad ng sa matatanda.
  2. Adult epiglottitis

Sanhi

  • Alerhiya
  • Mikrobyong Haemophilus influenzae type b (Hib) – Pinaka-karaniwang sanhi ng epiglottitis. Maaaring mahawa mula sa hangin o sa kontaminadong gamit tulad ng pagkakahawa sa trangkaso.
  • Mga mikrobyong may kinalaman sa impeksyon sa upper respiratory tract.
  • Pinsala sa lalamunan tulad ng direktang pagtama o pagkakapaso mula sa maiinit na inumin.
  • Paglunok ng kemikal, bagay o maiinit at sobrang anghang na buong pagkain.
  • Paglanghap ng mga illegal o pinagbabawal na droga tulad ng cannabis o crack cocaine.

Salik ng panganib

  • Edad
    • Mga batang nasa dalawa hanggang walong taong gulang, lalo na sa mga bansang hindi nagbibigay ng bakuna.
    • Mga sanggol na masyadong bata pa para sa bakuna (mas bata sa dalawang buwan).
    • Mga matatandang nasa edad 40 pataas.
  • Kasarian – Mas apektado ang mga lalaki kaysa mga babae.
  • Mahinang sistema ng resistensya ng katawan.
  • Kakulangan ng bakuna.
  • Paninirahan sa siksikang lugar.
  • Pamamalagi sa day care, eskuwelahan, o iba pang mataong lugar.
  • Panahon ng tag-ulan at tag-lamig.
  • Lahi – Mas karaniwang sa mga Aprikanong Amerikano at mga Hispanic.

Sintomas

Sa mga bata, ang paglala ng sintomas ay maaaring mangyari sa loob lamang ng ilang oras. Samantalang sa mga matatanda, maaari itong mabuo sa loob ng ilang araw.

  • Mataas na temperatura o lagnat na nasa 38 degrees C (100.4 degrees F) o mas mataas pa.
  • Panginginig at panlalamig.
  • Malubhang sakit ng lalamunan.
  • Kahirapan at kirot sa paglunok, kadalasan hindi makakain ang mga bata dahil sa sakit.
  • Kahirapan sa paghinga, madalas na kailangan humilig paharap para makahinga, umupo at/o nakataas ang ulo at ilong.
  • Retractions
  • Paghingang kakaiba at may mataas na tunog.
  • Nagkukulay asul ang balat (cyanosis).
  • Paos, tunog barado o naiipit ang boses.
  • Paglalaway
  • Panghihina at pagkahapo.
  • Pagka-iritable at ‘di mapakali.
  • Mabilis na tibok ng puso.
  • Masama ang itsura.

Pagtukoy

Hayaang mediko lamang ang magsuri sa pasyente sa ospital. Ang anumang pagsusuri ay gagawin matapos siguraduhin na nakakahinga ang pasyente at may oxygen na pumapasok sa baga. Gamit ang pulse oxymeter na sumusukat sa oxygen sa dugo, sisiguraduhing sapat ang oxygen na natatanggap.

Pediatric epiglottitis

Agad na ginagawan ng paraan ang kaginhawaan ng paghinga ng sanggol o batang pasyente sa operating room sa ilalim ng anesthesia para mapanatiling kalmado. Karaniwang mas mabilisan ang pagtukoy nito at hindi na maghihintay pa ng iba pang diyagnostikong pagsusuri. Matapos ang paninigurado ng maayos na paghinga, sisimulan ang ibang pagsusuri at paggamot.

Adult epiglottitis

Kinakategorya ng mga doktor ang adult epiglottitis sa tatlo:

  1. Unang kategorya: Malubhang respiratory distress na may nalalapit o aktwal na pagtigil sa paghinga. Karaniwang napapagalaman ang maigsing kasaysayan ng mabilisang pagkakasakit na agad naging malubha. Kadalasang positibo para sa Hib ang blood culture] .
  2. Pangalawang kategorya: Katamtaman hanggang malubhang sintomas na klinikal at may malaking panganib ng posibleng pagkakabara sa daanan ng hangin. Makikita at mararamdaman halos lahat ng sintomas ng epiglottitis.
  3. Pangatlong kategorya: Banayad hanggang katamtaman na sakit na walang potensyal para sa pagkakabara ng daanan ng hangin. May mga kasaysayan ng pagkakasakit ng ilang araw, makirot na lalamunan at pananakit sa paglunok.

Mga pagsusuri

  • Laryngoscope o bronchoscope
  • Fibre-optic laryngoscopy – Isusuot ang manipis at flexible na tubo sa lalamunan. May camera ito na magpapakita sa doktor kung ano ang problema sa lalamunan. Ginagawa lamang ito sa mga matatanda at batang nasa sapat na gulang.
  • Pagsusuri sa dugo – Para makita kung ano ang bilang ng mga puting selyula ng dugo. Ang mababang bilang ay karaniwang indikasyon ng impeksyon. Maghahanap din ng mga bakas ng bakterya o virus sa dugo.
  • Biopsy – Kukuha ng maliit na sample ng tisyu mula sa epiglottis at dadalhin sa laboratoryo upang makita kung may bakterya o mikrobyo sa tisyu.
  • X-ray
  • Computed tomography scan (CT scan)
  • Arterial blood gas – Sinusukat ang antas ng oxygen sa dugo.
  • Iba pang pagsusuri na tumutukoy sa mga tiyak na bakterya o mikrobyo.

Resulta

Kung positibo sa epiglottitis, makikita ng doktor ang epiglottis na makapal, mapulang-mapula at namimintog. Ngunit hindi madaling matukoy ang epiglottitis. Minsan, kahit gamit ang modernong teknolohiya, nagkakaroon pa rin ng maling pagkilala sa sakit dahil may ibang itong kahalintulad na sintomas.

Ilan sa mga sakit na napapagkamalan imbes na epiglottitis:

Lunas

  1. Pagpapaluwag ng daanan ng hangin - Ang unang prayoridad ng mga mediko ay ang paninigurado na nakakahinga ng maayos ang pasyente at may sapat na oxygen na pumapasok sa baga.
    • Lalagyan ang pasyente ng oxygen mask na magdadala ng mataas na konsentrasyon ng oxygen sa mga baga.
    • Kung hindi ito epektibo, magpapasok ng tubo (endotracheal tube) sa bibig, lagpas sa epiglottis at papaloob ng windpipe. Nakakabit ito sa oxygen supply.
    • Kung kritikal ang sitwasyon, maaaring butasin ng karayom ang maliit na bahagi ng lalamunan sa ilalim ng epiglottis at doon isusuot ang tubo para makapasok ang oxygen sa baga (tracheotomy) o hiwain ang bahagi ng leeg sa mas malalang sitwasyon (cricothyrotomy).
    • Kapagag nabigyan na ng pangunahing lunas ang pasyente, maghahanap ang mga mediko ng mas madali at mas komportableng paraan ng pag-alalay sa paghinga. Karaniwang maglalagay ng manipis na tubo sa ilong papuntang windpipe.
  2. Lalagyan ng suwero para sa fluids hangga’t kaya nang makalunok at para may daanan ang mga gamot.
  3. Paggamot ng impeksyon – Matapos siguraduhin ang maayos na paghinga, tututukan naman ang impeksyon.
    • Iineksyunan ng antibiyotiko para sa pangunahing paglaban sa impeksyon habang hinahanap ang eksaktong sanhi ng kalagayan.
    • Karaniwang pito hanggang sampung araw ang kurso ng antibyotiko. Habang nababawasan ang grabe ng sintomas, maaaring ilipat ang pasyente sa oral antibiotics sa halip na mga iniksyon o intravenous antibiotics.
  4. Pagtanggal ng nana sa lalamunan kung mayroon.
  5. Karaniwang kailangang ma-ospital sa intensive care unit (ICU) hanggang bumuti ang kalagayan.
  6. Kasama ng antibyotiko, karaniwang kailangan ng intubation at humidified oxygen.
  7. Bibigyan din ng pampahupa ng pamamaga sa epiglottis tulad ng corticosteroid.

Paggaling

Kung agad naagapan ang epiglottitis at nakakahinga na, karaniwang maganda ang hinaharap ng pasyente. Karaniwang makalipas ang 24-48 oras, bumubuti din ang pakiramdam at maaaring gumaling sa loob ng isang linggo.

Pangangalaga

  • Kumpletuhin ang buong kurso ng antibyotiko.
  • Sundin ang lahat ng naka-iskedyul na pagpapatingin sa doktor.
  • Kung nilagyan ng tubo sa leeg, ipatingin sa doktor para malaman kung kailan ito maaaring matanggal at kung gumagaling ito ng maayos. Alamin kung paano alagaan ang sugat para maiwasan ang impeksyon.
  • Bumalik sa ospital kung sumama uli ang pakiramdam.

Pag-iwas

  • Panatilihin ang kalusugan at kalinisan sa katawan at kapaligiran.
  • Huwag makibahagi sa mga personal na kagamitan, pagkain o inumin.
  • Maghugas ng kamay palagi.
  • Gumamit ng alcohol-based hand sanitizer kung walang tubig at sabon.
  • Magpasuri sa doktor tuwing may mararamdamang hindi mabuti sa katawan.
  • Sumailalim sa taunang pagsusuri para sa kalusugan.
  • Iwasan ang pag-inom ng masyadong mainit na inumin.
  • Huwag manigarilyo.
  • Iwasang magkapinsala sa leeg.
  • Huwag gumamit ng mga pinagbabawal na gamot.

Sa mga bata:

  • Siguraduhing kumpleto ang bakuna ng mga bata. Karaniwang kasama ang bakunang Haemophilus influenzae type b (Hib) sa kombinasyong DTaP/IPV/Hib. Laban din ito sa diphtheria, polio, tetanus at whooping cough.
  • Kinakailangang tatlong dosis ng bakuna ang matanggap ng mga bata, sa mga edad na dalawang buwan, tatlong buwan at apat na buwan. May kasunod itong dagdag na booster shot sa edad na isang taon.

Sa mga matatanda, magpabakuna kung may problema sa resistensya ng katawan laban sa sakit dahil sa:

Sa ibang kasama ng may sakit:

  • Magpasuri sa doktor.
  • Tumanggap ng preventive medication para masiguradong walang bakteryang kumapit na maaaring maikalat sa iba.

Komplikasyon

  • Impeksyon
  • Otitis media
  • Cervical adenitis
  • Vocal granuloma
  • Cartilaginous metaplasia]ng epiglottis
  • Meningitis
  • Pericarditis
  • Pulmonya
  • Pulmonary edema
  • Empyema
  • Pneumothorax
  • Pneumomediastinum
  • Laryngospasm - Maaaring makapagpasarado ng tuluyan sa mga daanan ng hangin at maging sanhi ng kamatayan sa loob ng ilang minuto.
  • Bacteremia
  • Sepsis
  • Cellulitis
  • Kamatayan mula sa pagkakaharang at tuluyang pagkakasarado ng mga daanan ng hangin (asphyxia).

Sanggunian