Glandulang adrenal

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Adrenal gland.jpg
Ang mga glandulang adrenal o suprarenal glands ay dalawang glandulang kasama sa sistemang endokrina na nakapatong sa itaas ng mga bato.

Contents

Tungkulin

  • Pamamahala sa mga prosesong may kinalaman sa metabolismo ng katawan at tungkulin ng mga bato.
  • Pagbabalanse ng likido at electrolytes sa katawan.
  • Pangangasiwa ng tamang tugon sa stress ng katawan.
  • Pangangalaga ng pagbubuntis.
  • Pagsimula at pamamahala sa paghinog na sekswal ng katawan mula pagkabata hanggang pagbibinata o pagdadalaga.

Anyo

Adrenal glands1.png
Ang mga glandulang ito ay kulay kahel na hugis trianggulo at may sukat na isa’t kalahating pulgada ang taas at tatlong pulgada ang haba. Mayaman sa daluyan ng dugo ang glandulang ito.

Bahagi

  1. Adrenal cortex – Nakapaligid sa adrenal medulla. Bawat bahagi nito ay pangunahing lugar ng paggawa ng partikular na hormone.
    • Zona glomerulosa – Pinakalabas na bahagi at lugar kung saan ang aldosterone ay ginagawa.
    • Zona fasiculata – Panloob na bahagi at pangunahing lugar ng paggawa ng cortisol kasama ang reticularis.
    • Zona reticularis
  2. Adrenal medulla – Panggitnang bahagi ng glandulang adrenal. Ang mga nerbyo nito ay bahagi ng sympathetic nervous system.

Mga hormone

Sa pakikipagugnayan ng hypothalamus at glandulang pitwitaryo, iba’t iba ang nilalabas na hormone para sa katawan ng mga glandulang adrenal, depende sa bahaging gumagawa nito.

Ang pagkakatanggal ng mga glandulang adrenal ay maaaring ikamatay ng tao sa loob ng ilang araw dahil sa pagkawala ng impluwensiya ng mga hormone na ginagawa nito. Maaari itong maiwasan sa agarang pagbigay ng medikasyon para sa nawawalang hormone at sodium sa katawan.

Adrenal cortex

Ang bahaging ito ay gumagawa ng mga hormone na mahalaga sa buhay at direktang nilalabas sa dugo. Kapag ang hypothalamus ay naglabas ng corticotrophin-releasing hormone (CRH) at antidiuretic hormone, iniistimula nito ang glandulang pitwitaryo na maglabas ng corticotrophin o adrenal corticotrophic hormone (ACTH). Ang mga hormones na ito naman ang nagaalerto sa glandulang adrenal na gumawa ng dalawang pangunahing grupo ng mga corticosteroid hormone:

  1. Glucocorticoids – May kinalaman sa pagbuo ng sanggol tulad ng ganap ng paghinog ng mga baga para sa paghinga sa labas ng sinapupunan. Ang ilang halimbawa nito ay:
    • Hydrocortisone - Karaniwang tinatawag na cortisol, ito ay nagreregula ng metabolismo at kung paano ginagawang enerhiya ng katawan ang taba, protina at carbohydrates. Tumutulong din ito sa katawan na tumugon sa stress, ma-kontrol ang presyon ng dugo at paggana ng mga bahaging cardiovascular.
    • Corticosterone - Kasama ng hydrocortisone para mapangasiwaan ang immune response at pigilan ang mga pamamagang dulot ng natural na reaksyon ng katawan.
  2. Mineralcorticoids – Mula sa mga bato ang hudyat ng paggawa nito at tagapangasiwa ng mga mineral sa dugo tulad ng potassium at sodium.
    • Aldosterone – Pagunahing hormone na tumutulong sa pangangasiwa ng presyon sa dugo, likido at electrolyte sa katawan. May epekto din sa mga glandula ng pawis, laway at ng colon.

Kinokontrol ng katawan ang sukat ng mga corticosteroids ayon sa pangangailangan. Mas mataas ang mga sukat nito sa umaga at kung ang katawan ay sumasailalim sa stress o may karamdaman, kaysa hapon at gabi.

Iba pang hormone na ginagawa sa bahaging ito:

  1. Sekswal na hormone o androgen - Gumagawa din dito ng maliit na sukat ng sex hormones tulad ng estrogen at testosterone.
  2. Dehydroepiandrosterone (DHEA)

Adrenal medulla

Ito ay responsable para sa mga hormone na catecholamines na tumutulong sa katawang tumugon ng maayos sa pisikal o emosyonal na stress. Ang mga hormone na ginagawa ng bahaging ito ay hindi pangunahing kailangan para mabuhay. Ngunit hindi nangangahulugang mababa ang importansiya ng mga ito.

Pinawawalan ng katawan ang mga hormones na gawa sa adrenal medulla kapag ang sympathetic nervous system ay naudyok sa proseso ng fright-fight-or-flight response. Hindi lamang ito sa mga panahon ng pisikal na pinsala o emosyonal na dahilan, kundi maaari ding dahil sa ibang sanhi tulad ng biglang pagtayo, pageehersisyo, karamdaman at labis na pagdurugo.

Ang mga catecholamines na ginagawa dito ay ang:

  1. Epinephrine o adrenaline – Daglian ang pagtugon ng hormone na ito sa stress. Itinataas agad nito ang tibok ng puso para tumakbo ang mas maraming dugo sa utak at mga kalamnan. Pinatataas din nito ang asukal sa dugo sa paggawa ng glucose sa atay mula sa glycogen (ang nakaimbak na uri ng glucose sa atay). Pinangangasiwaan din nito ang pagpapakawala ng mga fatty acid mula sa tisyung adipose (lipolysis), tumutulong sa pagtipid ng bumababang reserba ng glucose sa dugo at pagbuka ng maliliit na daluyan ng dugo.
  2. Norepinephrine o noradrenaline – Kasama ng epinephrine sa pagtugon sa stress, isa itong neurohormone o neurotransmitter para sa karamihan ng sympathetic nervous system. Ngunit maaari din itong maging sanhi ng [[vasoconstriction] at pagtaas ng presyon.

Kabilang asa iba pang tungkulin ng catecholamines ang:

  • Pagbuka ng mga bronchiole para sa mas maayos na paghinga.
  • Mas mabilis na metabolic rate dahil sa mas madaming oxygen na kailangan at mas mataas na produksyon ng init sa katawan.
  • Pinagpapabuti ang puwersa ng kalamnan at pinatatagal ang pagsapit ng pagod. Maaaring makapagpanginig ng mga kalamnan sa paglipas ng sitwasyon.
  • Paggawa ng glucose mula sa glycogen ng kalamnan ng kalansay para sa enerhiya.
  • Pagbuka ng mga pupil ng mga mata para makatanggap ng mas maraming ilaw.
  • Pagpigil ng mga proseso sa katawan na hindi masyadong kailangan sa kasalukuyang sitwasyon, tulad ng mga gastrointestinal secretion at ibang aktibidad ng katawan.
  • Pagsarado ng mga sphincter dahil sa pagbawas ng daloy ng dugo sa ibang bahagi ng katawan tulad ng sa pagdumi.
  • Nagpapalambot ng ibang kalamnan sa katawan.

Karamdaman

Maraming dahilan kung bakit maaaring hindi gumana ng tama ang mga glandulang adrenal. Maaaring ang sanhi ay sa mga glandula mismo o may depekto mula sa ibang glandula. Maaaring maging dahilan ito ng mga autoimmune disease o kanser, alta presyon, mababang asukal sa dugo at pagpalya ng puso.

Ang mga sumusunod ay mga depekto at karamdaman ng glandulang adrenal:

  • Addison’s disease – Di-karaniwan ngunit maaaring maka-apekto ng kahit sino sa anumang edad. Ito ang kakulangan ng paggawa ng cortisol at aldosterone. Bumabagsak ang kakayahan ng katawan na tumugon ng maayos sa physiological stress na maaaring nakamamatay.
  • Kanser sa glandulang adrenal – Isang agresibong uri ng kanser, ngunit di- karaniwang mangyari. Mula sa mga tumor na malignant, bihira itong maging sa glandulang adrenal lamang at karaniwang kumakalat ito sa iba pang organo sa katawan at nagiging sanhi ng mga ‘di kanais-nais na pagbabago dala ng sobrang hormone na ginagawa.
  • Cushing’s syndrome o Cushing’s disease – Hindi rin pangkaraniwang karamdaman na kabaligtaran naman ng Addison’s disease dahil naman sa kalabisan ng cortisol. Maraming sanhi ang karamdamang ito tulad ng tumor sa glandulang adrenal o pituitary o medikasyon.
  • Adrenal hyperplasia - Karamdamang maaaring mamana sa pamilya na sanhi ng mababang sukat ng cortisol. Karaniwang may kasamang iba pang problemang hormonal tulad ng mababang sukat ng aldosterone at paggawa ng labis na mga androgen.
  • Mga tumor, tulad ng:
    • Mula sa adrenal medulla na gumagawa ng sobrang adrenaline.
    • Pheochromocytoma – Mga tumor ng adrenal cortex na gumagawa ng sobrang hormones.
    • Mga tumor na mas malaki sa apat na 4 sentimetro kahit hindi gumagawa ng sobra o kulang na hormones.
  • Ano mang namumuong bukol.
  • Adrenocortical adenoma
  • Benign cortical lesions
  • Iba pang adrenal malignancies tulad ng:
  • Mga anomalyang congenital:

Ilang sintomas

  • Matinding pagod at pagkakahapo.
  • Pananakit ng katawan.
  • Sobrang baba o taas na sukat ng asukal sa dugo.
  • ’Di maipaliwanag na pagtaas o pagbagsak ng timbang.
  • Mabilis na tibok ng puso at mataas na presyon.
  • Mga pasa-pasang hindi maipaliwanag.
  • Matinding pagkauhaw at labis na pangangailangang umihi.

Ibang komplikasyon

Kung sobra naman ang glucocorticoid:

  • Napipigilan ang pagbuo ng buto.
  • Napipigilan ang pag-sipsip ng calcium.
  • Matagal na paghilom ng mga sugat.

Mga maaaring mangyari pag nawala ang mineralocorticoid na mula sa adrenal cortex:

  • Pagtaas ng konsentrasyon ng potassium sa likidong extracellular.
  • Malakas na paglabas ng sodium sa katawan sa pag-ihi at labis na kakulangan ng sodium sa katawan.
  • Pagbagsak ng dami ng likidong extracellular at dugo.
  • Magsisimulang hindi gumana ng maayos ang puso.
  • Dagliang susunod ang medical shock sa paghinga ng puso.
  • Kamatayan.

Maaaring mangyari pag nawala ang glucocorticoid mula adrenal cortex:

  • Metabolismong hindi gumagana ng tama.
  • Kakulangan ng katawan na tumugon ng maayos sa mga stressor.
  • Kamatayan.

Dulot ng sobrang cortisol o pang-matagalang pagkakalantad ng katawan dito dahil sa madalas na stress, tulad ng:

Pangangalaga ng mga glandulang adrenal

  • Maayos na pangasiwaan ang stress sa isip at damdamin sa buhay.
  • Mag-yoga o meditasyon para matulungang kalmahin ang isip at katawan.
  • Matuto ng mabagal at malalim na paghinga para mapabagal ang mabilis na pagtibok ng puso at maibsan ang tensyon sa katawan.
  • Magpatingin sa doktor at humingi ng reseta para sa pampakalma at pagpapahusay ng paggana ng mga glandulang andrenal.
  • Kumain ng balansyado diyetang mayaman sa masusustansiyang pagkain at inumin.
  • Iwasan ang mga pagkaing artipisyal at mataas ang glycemic index.
  • Bawasan ang masyadong madaming kape, asukal at refined na arina o anumang pagkain, gamot o inuming may epektong stimulant.
  • Kumain ng mga pagkaing mataas sa protina at potassium na nagreregula ng sodium sa ihi.
  • Taunang sumailalim sa pagsusuring medikal para sa pangkalahatang kalusugan.

Sanggunian