Gumamela

From Wikihealth
Jump to: navigation, search

Ang gumamela ay isang uri ng palumpon na mas kilala sa makukulay at sagana nitong mga bulaklak.

Contents

Pagkakakilanlan

Bukod sa taguring na gumamela, ang halamang may scientific name na Hibiscus rosa-sinensis ay tinatawag ng mga Bisaya na antolanga at ng mga Bikolano naman bilang kayanga. Sa mga taga-Bontoc, ito ang saysaya samantalang sa mga taga-Sulu, ito ang taukangga. Para sa mga Tsino, ito ang zhu jin samantalang sa mga Kastila, ito ang rosa de china. Sa mga Ingles, ang gumamela ay ang hibiscus o shoe rose.

Kaanyuan

Ang gumamela ay isang masangang palumpong na umaabot ng tatlo hanggang 13 talampakan ang taas. Ang mga dahon nitong makikintab ay may mga patulis na mga gilid. Ang mga ito ay salitan na nakasabit sa mga sanga at umaabot ng tatlo hanggang limang pulgada ang haba. Ang mga bulaklak ay paisa-isang namumukadkad sa dulo ng mga tangkay at umaabot ng halos limang pulgada ang lapad at apat na pulgada ang haba. Ang mga bunga ng gumamela ay naka-kapsulang may limang kanto subalit bihira mahinog.

Nilalamang sangkap

Ang mga bulaklak ng gumamela ay may aktibong sangkap na hisbiscetin. Mayaman ang mga bulaklak nito sa samu't saring polyphenols at flavonoids. Ang taglay nitong mga polysaccharides ay nakakatulong sa paggamot ng sugat at nakakatulong sa pagpapabuti ng sistemang imyuno. May ilang pag-aaral na nagpakita na ang halaman ng gumamela ay mayaman din sa quercetin, thiamine, riboflavin, niacin at ascorbic acid.

Katangian ng mga bahagi

Ang gumamela bilang halamang gamot ay tinuturing na emollient, pamparegla, anodyne, at expectorant. May taglay din itong pangontra sa mga mikrobyo at parasitikong mga bulate, bukod pa sa pagpigil nito sa pamamaga at lagnat. Mainam din itong diuretic, pangontra sa alta presyon at maging sa mga kabag.

Ang uri ng gumamela na nagtataglay ng mga ganitong katangian ay kadalasan pula at may limang talulot. Ginagamit ang mga bulaklak, ugat at dahon ng gumamela para sa panggagamot. Maaring anihin ang mga dahon at ugat kahit kailan samantalang mas mabuting anihin ang mga bulaklak na namumulaklak mula Mayo hanggang Agosto. Ang mga ugat at dahon ay kailangang hugasang mabuti, pira-pirasuhin, bago ibilad sa araw. Sapat na ang pagbibilad sa mga bulaklak nito.

Pakinabang sa halaman

Ang mga talulot ng gumamela ay malasang tsa. Sa Ceylon, ang katas ng mga bulaklak ay ginagamit na pampaitim at pampakintab ng mga sapatos. Ang mga Tsino at Hindu naman ay gumagamit ng katas na ito para umitim ang kanilang mga kilay. Ginagamit din itong pangkulay sa pagkain.

Sa Pilipinas, ang mga bagong usbong na bulaklak o di kaya naman mga dahon ng gumamela ay pinipitpit at ipinantatapal sa mga pigsa at sa namamagang lalamunan ng mga maybeke. Ang 15 hanggang 30 gramo ng pinatuyong halaman ng gumamela ay pinapakuluan at pinaiinom sa mga may sakit sa pantog dahil isa itong likas na pampaihi. Ang pinakuluang mga ugat naman nito ay binibigay para mapababa ang lagnat o para mapigilan ang paglala ng mga sexually transmitted disease (STD). Ang pinakuluang ugat ay mainam din sa ubo. Ang balakbak ng gumamela ay isang uri ng pamparegla.

Sa ibang bansa, may iba pang bukod tanging gamit ang gumamela. Para sa mga Malay, ang pinagbabarang tubig ng mga dahon ay gamot para sa sakit ng ulo. Sa Tsina, ang pinagpakuluang ugat ay pampatak sa mata. Ang mga buto naman nito ay binibigay para sa pulikat. Ang uhog mula sa gumamela ay gunagamit na pampadulas sa mga manganganak. Ang katas ng mga dahon, kahalo ng tagulinaw, ay ginagamit ng mga hilot para lumabas agad ang inunan ng mga baging panganak. Sa Indonesia, ginagamit ang mga bulaklak bilang pampapurga. Sa Annam, ang mga bulaklak ay piniprito sa ghee para makontrol ang labis na pagdurugo sa regla. Sa Dominican Republic, ginagamot ang gumamela para sa mga hematoma.

Mga lokal na pag-aaral

May ilang siyentipikong pag-aaral na nagbigay ng lohikal na paliwanag sa tradisyunal na gamit ng gumamela.

  • Pagpigil sa pagbubuntis. Nang ikumpara ang bisa ng gumamela sa iba pang halamang gamot tulad ng dama de noche, lumabas na ito ang pinakamainam na pampigil sa pagbubuntis sa lahat, lalo na kung may kasama itong buto ng papaya.
  • Pampalakas ng puso. Ang mga bulaklak ng gumamela ay nakakitaan din ng potensyal na protektahan ang hibla ng mga kalamnan ng puso mula sa pagkasira dulot ng oxidative stress.
  • Gamot para sa diabetes at mataas na lebel ng masamang kolesterol. Ang bulaklak ng gumamela ay nakaitaan ng kakayahan magpababa ng kolesterol at asukal sa dugo, kapareho ng kemikal na gamot na glibenclamide, bagamat kaiba lamang ang mekanismo.
  • Posibleng pangontra sa kanser. Ang natuklasang gentrisic acid mula sa katas ng gumamela ang itinuturo sa isa sa mga mekanismo na nagbibigay bisa sa gumamela laban sa mga selyulang malignant.
  • Likas na anxiolytic. May isang pag-aaral na nagpakita na ang katas ng gumamela ay mainam na pampakalma sa sistemang nerbiyo.
  • Solusyon sa alopecia. Ang mga katas ng dahon ng gumamela ay nagpakita ng bisa kontra sa pagkakalbo.

Pagtutustos

Para sa maraming Pilipino, ang gumamela ay isang uri ng palamuti sa kanilang mga bakuran. Madalas nakatanim ito bilang bakuran o pimpin sa mga kabahayan.

Sa larangangan ng panggagamot, ang pulang klase ng gumamela ang ginagamit. Mayroon itong iba pang uri na kulay dilaw, kahel, puti, at lila.

Sanggunian

Pagkilala

Wikihealth cit.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiHealth sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.