Heartburn

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Heartburn.jpg

Ang heartburn ay ang tila nakakapasong pakiramdam na nagmumula sa gawing itaas ng tiyan sa likod ng pinakagitnang buto ng tadyang. Ang mainit na pakiramdam ay maaring magdulot ng pananakit ng dibdib at lumipat patungo sa lalamunan. Maaring makaranas ng maasim na panlasa at tila may pagkain na muling pumapasok sa bibig.

Bagamat ganyan ang tawag dito, ang heartburn ay walang kaugnayan sa sakit sa puso. Ito ay may kaugnayan sa panunaw kung saan ang asido mula sa sikmura ay umaakyat sa aporo ng lalamunan at nagdudulot ng iritasyon dito. Kapag ito ay nararanasan ng isang beses sa isang buwan, ito daw ay katamtaman ngunit kung araw-araw na, ito ay malubha na.

Contents

Pisyolohiya

Matapos kumain, ang nginuya at nilunok na pagkain ay bumababa mula sa bibig patungo sa lalamunan. Ito ang nag-uugnay sa bibig at sikmura. Upang makapasok sa sikmura, kailangan dumaan ang sapal sa masikip na lagusan sa pagitan ng lalamunan at sikmura.

Dapat magsara agad ang lagusang ito kapag nakapasok na ang sapal sa sikmura upang tunawin. Minsan, hindi ito tuluyang nagsasara kung kaya’t ang asido na mula sa sikmura ay nakakaakyat sa lalamunan. Ang asidong ito ay nagdudulot ng heartburn.

Sanhi

Ang heartburn ay nararanasan kung ang asido ng sikmura ay umaakyat patungo sa lalamunan. Ito ay maaring dulot ng iba't ibang dahilan:

  • Mga pagkain tulad ng tsokolate, mga pinirito at matatabang pagkain, kape, sili, alkohol, asukal at peppermint
  • Pagkain ng marami, lalo na bago matulog
  • Pigipit (pressure) sa sikmura na dulot ng madalas na pagtuwad, pagsuot ng masikip na kasuotan, pagbuhat ng mabigat, at dahil sa labis na katabaan
  • Mga gamot para sa alta presyon at sakit sa puso
  • Paninigarilyo

Samantala, ang mga kalagayang medikal na ito ay maaring magdulot ng heartburn:

Sintomas at palatandaan

Ang heartburn ay hindi isang sakit. Kadalasan, ito ay sintomas ng sakit sa panunaw. Ang mga taong nakakaranas nito ay makakaramdam ng mga sumusunod:

  • Nagbabagang pakiramdam sa dibdib. Ito ay maaring magsimula sa gitnang bahagi ng tadyang at gumapang pataas patungo sa lalamunan matapos kumain at maaring tumagal ng ilang minuto o oras.
  • Nag-iinit na pakiramdam sa lalamunan. Ito ay mararamdaman sa may leeg at maaring makaranas ng sakit kapag pinilit lumunok.
  • Maasim o mapait na panlasa sa bibig. Kapag ang nilalaman ng sikmura ay umakyat sa lalamunan, makakalasa ng maasim o mapait sa bibig.
  • Nahihirapan lumunok. Ito ay maaring maganap kapag ang pagkain ay di dumaan ng maayos mula sa bibig papunta sa lalamunan at patungo sa sikmura. Maaring makaranas ng tila pagdikit ng kinain sa lalamunan, nahihirinan, paninikip ng dibdib, o yung nag-iinit na pakiramdam matapos kumain.
  • Madalas na pag-ubo. Kapag ang asido mula sa sikmura ay umakyat sa lalamunan at nasamid patungo sa baga, maaring maging dahilan ito ng madalas na pag-ubo.
  • Ibang pang sintomas ng may asma. Ang wheezing at paghihirap sa paghinga ay maaaring maganap sa pagdating ng asido sa baga.

Pagsusuri

Ang heartburn na madalas maganap ay kadalasan sinusuri ng doktor para malaman kung ano ang sanhi nito. Kadalasan, ang mga pagsusuri na ibibigay ng doktor ay para lamang sa mga iilang pasyente na may malulubhang kaso ng heartburn na hindi malunasan ng acid-suppressive therapy. Ang mga pamamaraan na ito ay ginagawa upang matunton ang tunay na dahilan ng heartburn:

  • Upper endoscopy. Sa pagsusuring ito, gagamit ang doktor ng endoscope upang makita ang loob ng lalamunan, sikmura, at ang itaas na bahagi ng maliit na bituka. Kilala rin ito sa tawag na gastrointestinal endoscopy o esophagogastroduodenoscopy. Ito ang pinakamadalas na ginagawa ng mga manggagamot upang makita ang sira na nadulot ng asido sa lalamunan.
  • Barium X-ray. Ang uri ng X-ray na ito ay gumagamit ng barium upang makita ang mga alanganing anyo ng sikmura at bituka na maaring nagdudulot ng heartburn. May pinaiinom na likido na may barium na babalot sa lalamunan at sikmura upang mas madali itong makita sa X-ray.

Kung normal naman ang upper endoscopy ngunit patuloy pa ring nakakaranas ng sakit, maaring magpagawa ang mga sumusunod:

  • Esophageal manometry - Dito masusuri kung gaano kahina ang lower esophageal sphincter upang mas lalong mabigyang linaw ang mga nararanasang sintomas.
  • pH test - Maaring sukatin nito kung gaano kadaming asido mula sa sikmura ang umaakyat sa lalamunan sa mga kasong maaaring maging gastroesophageal reflux disease.

Lunas at gamot

  • Pagbabago sa pamumuhay.
    • Umiwas sa mga pagkain na maaring maging sanhi ng heartburn. Mas mainam din na bawasan ang dami ng kinakain.
    • Iwasang humiga matapos kumain lalo na kung ito'y naparami. Iataas ang ulo upang ito ay mas mataas kaysa sa sikmura.
  • Pag-inom ng mga gamot.
    • Antacids - Ang mga gamot na ito ay nagtatanggal ng pangangasim ng sikmura sa pamamagitan ng pag-neutralize sa asidong matatagpuan dito.
    • Histamine receptor antagonists - Ito ay kadalasan nagbibigay lunas sa mga kundisyon kung saan ang sikmura ay gumagawa ng maraming asido o kung ang asidong ito ay ummakyat sa lalamunan at nagdudulot ng heartburn. Halimbawa nito ang ranitidine, cimetidine, famotidine, at nizatidine.
    • Proton pump inhibitors. Ito ang uri ng mga gamot na pumipigil sa paglabas ng asido sa sikmura. Nirereseta lamang ito ng mga doktor sa mga taong may heartburn, sa mga may sobrang asido sa sikmura, o iyong may mga intestinal at stomach ulcers. Ang esomeprazole, lansoprazole, pantoprazole, at omeprazole ay mga halimbawa ng gamot na maaring ibigay na may ganitong katangian.
    • Pro-motility agents. Ang mga gamot na ito ay nagpapabilis ng gastric emptying sa sikmura. Dahil pinabibilis nito ang pagtunaw ng pagkain, napipigilan din nito ang matagal na pananatili ng asido sa sikmura. Maaring itong ibigay kung ang mga naunang mga gamit gaya ng proton pump inhibitors o iyong mga histamine receptor antagonists ay hindi epektibo. Ang metoclopramide ay isang karaniwang gamot na may ganitong katangian.
  • Operasyon
    • Fundoplication - Ito ay pamantayan ng pagbigay lunas sa gastroesophageal reflux disease. Sa operasyong ito, itinatahi ang ibabang bahagi ng lalamunan sa itaas na bahagi ng sikmura (fundus) upang makaawa ng maliit na lagusan.
    • Radiofrequency treatment - Gumagamit ang doktor ng endoscope upang pasuin ang lower esophageal sphincter at ang gawing itaas ng sikmura. Ito ay magdudulot ng peklat na magdudulot ng pagsisikip at pagkapal ng mga kalamnan. Babawas nito ang pag-akyat ng asido sa lalamunan at malulunasan na ang heartburn na nararanasan.

Pag-iwas

Ang sumusumpong na heartburn ay isang hindi kumportableng pakiramdam. Ito ay maiiwasan kung ang mga sumusunod na alituntunin ay gagawin:

  • Kakaunti ngunit mas madalas na pagkain imbes na tatlong maramihang kainan.
  • Kumain ng mas mabagal sa pamamagitan ng pagnguya ng mabagal.
  • Huwag matulog na puno ang laman ng tiyan.
  • Itaas ang ulunan ng kama ng ilang pulgada para makaiwas sa pangangasim sa gabi.
  • Tumigil sa paninigarilyo.
  • Magsuot ng maluluwag na kasuotan.
  • Magbawas ng timbang.
  • Ngumuya ng tsuwing gam.
  • Uminom ng maligamgam na likido.

Hinaharap

Karamihan ng mga apektado ng 'heartburn' ay kadalasan nakakaranas ng ginhawa sa pagbabago ng pamumuhay, pag-inom ng mga antacids o iba pang mga niresetang gamot. Subalit, maaring mabinat kung ang pag-inom ng gamot ay biglang ititigil.

Ang matitinding kumplikasyon gaya ng pagdurugo o hirap sa paglunok ay bihira mangyari. Iba pang maaring maging problema ay ang pamamaga ng lalamunan, voice box, at daanan ng hangin. Kapag napabayaan ng ilang taon, ang matagal na pagkakaroon ng heartburn ay maaaring matuloy sa kanser ng lalamunan.

Sa Pilipinas

Napakahalaga ng gamot para sa heartburn upang makaramdam ng ginhawa ang mga taong mayroon nito. Noong 2009, ninakaw pa ang siyam na milyong pisong kargamento ng mga gamot para sa heartburn at peptic ulcer. Nabawi din naman ang mga ito ngunit ang mga gamot ay hindi na pinakinabangan dahil sa takot na baka nasira na o napalitan ng hindi tunay na gamot.

Mayaman ang Pilipinas sa mga halamang gamot na maaring magbigay lunas sa pangangasim at sakit na dulot ng heartburn. Ilan sa mga ito ay:

  • Papaya. Ang maputing dagta nito ay maaring ihalo sa pulot at inumin bago kumain. Ang pulot ay may panlaban sa impeksyon samantalang ang dagta ang nagpapataas ng pH ng asido upang hindi ito magdulot ng hapdi at pagsugat sa lalamunan.
  • Luya. Ang salabat nito ay mainam inumin sa tuwing sinusumpong ng heartburn. Likas sa luya ang pagtulong sa pamamaga ng lalamunan kapag nanalasa na ang asido mula sa sikmura.

References