Hematoma

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Hematoma.jpg
Ang hematoma ay koleksyon ng dugo sa labas ng daluyan ng dugo. Ito ay nangyayari kapag ang dingding ng daluyan ng dugo, ugat, o capillary ay napinsala at ang dugo ay tumagas sa tisyu. Maaaring maliit ang hematoma na mayroon lamang isang tuldok na dugo o maaaring malaki at magdulot ng matinding pamamaga.

Contents

Uri

Ang mga hematoma ay inilalarawan base sa kanilang lokasyon. Ang pinaka-delikadong hematoma ay nangyayari sa loob ng bungo. Dahil ang bungo ay isang saradong bahagi ng katawan, ang anumang kumukuha ng espasyo ay nagpapataas ng presyon sa loob ng bungo, maari itong makaapekto sa abilidad ng utak na gumana ng maayos.

  1. Epidural hematoma – Ito ay sanhi ng trauma sa mga artery sa pagitan ng bungo at ng dura mater ng utak. Nakakapinsala ito sa utak dahil nadadagdagan ang presyon sa bungo sanhi ng pagdurugo.
  2. Subdural hematoma – Dulot din ng trauma, ang pinsala nito ay karaniwang sa bridging vein na dumadaan sa subdural na bahagi ng utak. Nakamamatay an malubhang kaso nito ngunit maari namang maagapan ang ilang kaso.
  3. Cerebral hematoma o intracerebral hemorrhage – Ang ganitong hematoma ay nangyayari sa loob ng tisyu ng utak. Ito ay maaaring sanhi ng pagdurugo mula sa hindi kontroladong altapresyon o aneurysm sa utak dulot ng stroke.
  4. Hematoma sa anit]]– Nangyayari ito sa labas ng bungo at karaniwang nararamdaman bilang umbok sa ulo. Dahil sa pinsala sa balat at sapin ng kalamnan, ang hematoma ay hindi makatuon sa utak. Senyales lamang ito na nagkaroon ng pinsala sa utak at mahalagang siguraduhin na walang pagdurugong nagaganap sa loob ng bungo.
  5. Hematoma sa tainga – Nagaganap ito kapag may pinsalang nangyari na nagdulot ng pagdudugo sa labas ng helix o struktura ng cartilage ng tainga. Ito ay karaniwang tinatawag na boxer’s, wrestler’s, o cauliflower ear. Ang dugo ay naiipon sa pagitan ng manipis na sapin ng balat at ng kartilago ng tainga. Ang ganitong hematoma ay maaaring maging dahilan ng pagkabawas ng agos ng dugo na maaaring humantong sa pagliit at pagkamatay ng ibang parte ng kartilago. Ang panlabas na anyo ng tainga ay maari ring masira.
  6. Sepal hematoma – Ang sepal hematoma ay may kaugnayan sa nabaling ilong o pagkakaroon ng trauma sa ilong. Kapag hindi nabigyan ng kaukulang lunas, ang kartilago ay maaaring masira at magdulot ng pagkasira ng nasal septum.
  7. Hematoma dulot ng pinsala sa buto – Karaniwang nagdudulot ng hematoma ang mga bali sa buto. Ang hematoma sa nabaling balakang ay karaniwang nakakubli at ang dami ng dugong nawala ay mahirap matantiya.
  8. Hematoma sa kalamnan – Masakit ang ganitong klaseng hematoma dahil sa pamamaga na kasama nito. Kapag umiral ang pagdurugo, ang presyon sa compartments ng kalamnan ay maaaring tumaas at humantong sa compartment syndrome. Kapag nangyari ito, ang suplay ng dugo sa kalamnan ay naaapektuhan kaya ang kalamnan at ibang istrukutra tulad ng mga nerbiyo, ay maaaring permanenteng masira. Ito ay karaniwang nangyayari sa ibabang parte ng binti at mga braso.
  9. Subungual hematoma – Ito ay resulta ng pinsala sa daliri ng kamay at paa. Nagkakaroon ng pagdurugo sa ilalim ng kuko na nagdudulot ng sakit. Maaaring magbarena ng butas sa kuko upang matanggal ang pamumuo ng dugo at maibsan ang pananakit. Ang bagong kuko ay tutubo sa paglipas ng panahon.

Sintomas

Ang mga hematoma ay nagdudulot ng iritasyon at pamamaga. Ang mga sintomas ay depende sa lokasyon, laki, at lala ng pamamaga o kung ito ay nakakaapekto sa mga kalapit na istruktura.

  • Ang pangunahing matigas na pamumuo ng dugo ay unti-unting nagiging mala-espongha at malambot habang ang namuong dugo ay nasisira ng katawan.
  • Ang hugis ay nagbabago habang ang pluido ay natatanggal at ang hematoma ay nagiging patag.
  • Ang kulay ay nagbabago mula sa kulay na parang ube at asul hanggang sa maging parang dilaw at kulay kape habang ang kemikal sa dugo ay unti-unting natatanggal at ang hematoma ay nagreresulba.

Sanhi at panganib

Trauma ang karaniwang sanhi ng hematoma. Madalas isipin na ang trauma ay sanhi ng aksidente sa sasakyan, pagkahulog, pinsala sa ulo, pagkabali ng buto, at sugat dahil sa baril. Ngunit ang trauma sa tisyu ay maaari din dulot ng agresibong pagbahing o hindi inaakalang pagkapulupot ng sanga ng katawan. Kapag ang daluyan ng dugo ay napinsala, tumatagas ang dugo sa nakapaligid na tisyu at ang dugo na ito ay maaaring mamuo. Kapag mas malaki ang dami ng pagdurugo, mas malaki din ang pormasyon ng namuong dugo.

May mga pasyente na tumatanggap ng gamot na pampanipis ng dugo. Ang ganitong medikasyon ay nagpapataas ng potensyal para sa kusang pagdurugo at pagbibigay daan sa hematoma na lumawak dahil hindi kaya ng katawan na ayusin ang mga daluyan. Ang dugo ay patuloy na tumatagas sa mga napinsalang lugar.

Mayroong pagkakataon din na ang mga sakit (tulad ng mga karamdamang autoimmune at impeksyong sanhi ng bacteria) ay nangyayari dahil sa pagbaba ng dami ng platelet sa dugo. Halimbawa ng ng mga karamdamang ito ang mga impeksyon sa daliri, ankylosing spondylitis, at onychomycosis

Pagsusuri

Ang mga karaniwang hematoma ay maaaring suriin at ligtas na bigyan ng lunas nang hindi nangangailangan ng eksamen sa laboratoryo. Ang doktor ay maaaring magsagawa ng pisikal na eksaminasyon at pagtatanong ukol sa pangyayari upang malaman kung kailangan pa ng mas masusing pagsusuri.

Depende sa pinsala, ang doktor ay maaaring humiling ng eksamen sa dugo na may kasamang hemogram upang malaman ang bilang ng pulang selyula ng dugo (karaniwan sinusukat ang hemoglobin at hematocrit) at clotting studies na may kasamang international normalized ration (INR) at partial thromboplastin time (PTT).

Depende sa lugar ng pinsala at iba pang dahilan, maaaring magsagawa ng iba pang eksaminasyon ang doktor. Ang CT scan ay nakakatulong sa paghanap ng dugo sa utak o sa tiyan. Ang ultrasound naman ay karaniwang ginagamit sa mga buntis na pasyente na nakakaranas ng pagdurugo sa puki.

Lunas

Ang pananakit ng hematoma ay karaniwang sanhi ng pamamaga pumapalibot sa dugo. Ito ay maaaring bigyang lunas gamit ang mga gamot na walang reseta na kadalasang lunas sa sakit ng katawan ngunit depende ito sa kalusugan ng pasyente. Ang mga pasyente naman na tumatanggap ng gamot na pampanipis ng dugo ay hindi pinapayuhang uminom ng ibuprofen dahil sa pangnib ng pagdurugo ng bituka. Kapag hindi nakakasiguro, makakabuting magtanong muna sa doktor bago uminom ng gamot.

Ang lunas para sa mga hematomas na may kinalaman sa ibang mga organo ng katawan ay depende sa sistema o organo na apektado.

Posibleng komplikasyon

Ang isang karaniwang komplikasyon ng mga hematoma ay ang panganib ng impeksyon. Hindi sariwang dugo ang bumubuo sa hematoma kaya maaaring magkaroon ng pagdami ng bacteria sa apektadong bahagi.

Pag-iwas

Ang aksidente ay nangyayari at ang karaniwang mga hematomas ay hindi basta mapipigilan kapag nagkaroon na ng trauma.

Para sa mga pasyente na tumatanggap ng pampanipis sa dugo, makakabuting umiwas sa mga aktibidad na may mataas na panganib na magkaroon ng pinsala. Para sa mga pasyente na tumatanggap ng warfarin, importante na siguraduhin na ang dosis ay karapat-dapat at hindi sobra ang pagnipis ng dugo.

Sanggunian

  • Hematoma. Medicine Net. (Hinango noong 15 Agosto 2012.)
  • Hematoma. eMedicine Health. (Hinango noong 15 Agosto 2012.)

Pagkilala

Wikihealth cit.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiHealth sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.