Ipil-ipil

From Wikihealth
Jump to: navigation, search

Ang ipil-ipil ay isang uri ng puno na kilala sa bansa bilang isa sa mga punong maraming pinaggagamitan, tulad ng niyog.

Contents

Pagkakakilanlan

Leucaena glauca ang scientific name ng ipil-ipil. Sa mga Bisaya, ito ang aghog, kabahero, loyloi o San Pedro samantalang sa mga Ilokano, ito ang kariskis o komkompitis. Ito naman ang Santa Elena ng mga Kastila at yin he huan ng mga Tsino. Para sa mga Ingles, ito ang lead tree.

Kaanyuan

Ang ipil-ipil ay umaabot ng hanggang 26 na talampakan ang taas. Ang mga dahon nito ay binubuo ng mas maliliit na dahon, kahalintulad ng mga dahon ng akasya. Bawat tangkay ng dahon ay naglalaman ng 20 to 30 na mas maliliit na dahon. Ang mga mapuputing bulaklak ay bilugan na mabuhok. Ang mga bunga naman nito ay tila luntiang gisantes na may habang lima hanggang pitong pulgada ang haba. Kusa itong nagbubukas kapag hinog na, at naglalaman ng 15 hanggang 25 na makikintab, kayumanggi, at tila ba napiping mga buto.

Nilalamang sangkap

Ang mga hilaw na buto ng ipil-ipil ay naglalaman ng 8.68% taba bukod pa sa fiber. Naglalaman din ito ng nakakalasong amino acid na kahalintulad ng mimosine.

Katangian ng mga bahagi

Ginamit ang mga buto, ugat at balakbak ng puno ng ipil-ipil sa panggagamot. Ang matitibay nitong kahoy ang kadalasang pinanggagawa ng mga kubo.

Pakinabang sa halaman

Sa ilang mga probinsya, ang mga buto ng ipil-ipil ay ginagamit na pamalit sa kape at bilang mga abaloyong palamuti. Ang mga dahon naman nito na mayaman sa protina ay ginagamit na pagkain ng mga alagang hayop tulad ng kambing. Ilang mga hayop, tulad ng mga baka, kalabaw, manok, at kabayo, ay nagkakaroon ng masamang epekto sa pagkain ng mga dahon nito dahil sa taglay nitong mimosine. Sa Thailand, ang mga bubot na dahon ay kinakain. Ang mga binurong buto ng ipil-ipil ay isa sa mga sangkap ng tempe lamtoro ng Indonesia. Ang kahoy nito ay mainam na panggatong at pang-ukit. Dahil ang kahoy nito ay hindi masyado mausok, nagagawa itong uling. Nakakagawa din ng papel at sinulid na rayon mula dito. Mayroon din itong tinang kayumanggi na ginagamit na pangkulay sa ibang kahoy.

Dito sa Pilipinas, bihira gamitin ang ipil-ipil bilang halamang gamot. Ilan sa mga gamit nito ay ang pagtusta ng mga buto nito para maging pampalambot ng kutis at isa sa mga natural na gamot para sa [[psoriasis]. Tulad sa Tsina, ang mga buto ng ipil-ipil ay ginagamit na pampapurga laban sa mga impeksyon dala ng mga parasitiko, tulad ng ascariasis at trichinosis. Ang pinakuluan ugat naman nito ay ginagamit din sa Indonesia bilang pamparegla. Sa bansang pinagmulan nito, ang balakbak ng ipil-ipil ay kinakain para sa mga sakit ng laman-loob.

Mga lokal na pag-aaral

Bagaman kakaunti lamang ang tradisyunal na gamit ng ipil-ipil sa panggagamot, hindi nito napigil ang mga mananaliksik sa pagsasagawa ng mga pag-aaral tungkol dito.

  • Mainam na sangkap sa mga gamot. Ang langis ng ipil-ipil ay napag-alamang may kakayahan na sugpuin ang parehong gram positive at gram negative na bacteria kaya mainam itong ihalo sa mga pampahid sa balat. Ang carbohydrate naman mula sa mga buto nito ay nagpakita ng husay sa pagkontrol ng paglabas ng aktibong gamot sa loob ng katawan ng tao. Ang pagiging maalsa ng gum nito sa tubig ay maaring maging isang uri ng disintegrant sa mga tableta o kapsula na naglalaman ng mga gamot na mahirap tunawin sa tubig, tulad ng ibuprofen. Ang gum din nito, na may galactomannan, ay mainam na pampalapot sa mga likidong gamot.
  • Pumipigil sa pagtubo ng buhok. Dahil sa naobserbahan na paglalagas ng buhok dala ng pagkain ng mga buto ipil-ipil, natuklasan na ang amino acid na leuconenol ang salarin. Katulad ng mimosine ng akasya, pinapatay nito ang hair follicle sa huling yugto ng pagtubo nito. Isang posibleng solusyon dito ay ang paghahalo ng 2% ng ferrous sulfate o di kaya naman ay ang pagpapatubo ng ipil-ipil sa mga pasong gawa sa bakal na iron.
  • Posibleng gamot para sa kanser. Ang mismong amino acid mula sa ipil-ipil na nagdudulot ng alopecia ay pumipigil sa cyclin D1 habang tinutulungan lumabas ang cyclin-dependent kinase inhibitor kaya kusang pumuputok ang mga selyulang may diperensya. Mas bumabagsik ang bisa nito kapag isinasabay na antineoplastic na cisplatin.
  • Natural na antidepressant. Ang katas ng mga buto ng ipil-ipil ay nakakitaan ng kakayahan pababagalin ang paghinga at pagkilos ng tao.
  • Potensyal na antidiabetic. May pag-aaral na nagpapatunay na kayang pababain ng mga katas mula sa buto ng ipil-ipil ang dami ng asukal sa dugo.

Pagtutustos

Ang ipil-ipil ay kamag-anak ng iba pang mga halaman na likas sa Pilipinas tulad ng makahiya at akasya. Nabubuhay ng sagana mga puno ng ipil-ipil sa mga mabababang lugar, hanggang 1,500 metro ang taas mula sa karagatan, dito sa Pilipinas. Pinaniniwalaang mula ito sa tropikal na bahagi ng Amerika, tulad ng Mexico, Guatemala at Belize, subalit kalat na ito sa buong mundo. Ang malawak at malalim nitong mga ugat ay nakakatulong dito para makatagal sa tag-tuyot o di kaya naman para mapigilan ang pag-guho ng lupa.

Sanggunian

Pagkilala

Wikihealth cit.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiHealth sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.