Irritable bowel syndrome

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Constipated woman.jpg
Ang irritable bowel syndrome (IBS) ay isang karaniwang disorder na nakakaapekto sa malaking bituka o (colon).

Contents

Sintomas

Ang senyales at sintomas ng irritable bowel syndrome ay maaaring magkakaiba sa bawat pasyente. Ang sintomas ay maaaring kagaya ng sintomas ng ibang mga sakit. Ang karaniwang mga sintomas ay ang mga sumusunod:

  • Pananakit ng tiyan o cramping
  • Bloated na pakiramdam
  • Pagkakaroon ng kabag sa tiyan o flatulence
  • Pagtatae o tibi
  • Pagkakaroon ng mucus sa dumi

May mga pasyente na nakakaranas ng kaunti o hindi malalang sintomas ng irritable bowel syndrome, ngunit minsan, ang mga sintomas na ito ay maaaring nakapanghihina sa katawan. Mayroon namang mga pasyente na nakakaranas ng malalang sintomas pero hindi nangangailangan ng medikal na gamutan.

Para sa maraming pasyente, ang irritable bowel syndrome ay isang talamak na kondsiyon. May mga pagkakataon na ang sintomas ay mas malala at may mga panahon na ito ay bumubuti o minsan nawawala nang tuluyan.

Sanhi at panganib

Hindi batid ang eksaktong sanhi ng irritable bowel syndrome. Ang dingding ng bituka ay mayroong suson ng kalamnan na tumitigas at lumalambot. Ito ay sumusunod sa isang regular na rhythm habang dinadala ang pagkain mula sa tiyan patungo sa bituka hangang sa tumbong. Ang pasyente na mayroong 'irritable bowel syndrome ay maaaring makaranas ng mas malalakas at matagal na paninigas ng kalamnan bagat na hindi tulad ng normal. Ang pagkain ay pinupwersa patungo sa bituka ng madalian na nagdudulot ng gas, 'bloating, at pagtatae.

Sa ibang kaso, ang kasalungat ang nangyayari. Ang pagdaan ng pagkain ay mabagal kaya ang dumi ay nagiging matigas at tuyo. Ang abnormalidad sa sistemang nerbiyos o sa colon ay maaari din magdulot ng pagkabalisa na higit sa normal kapag ang dingding ng bituka ay umunat dahil sa kabag.

May ilang mga dahilan na maaaring may koneksyon sa irritable bowel syndrome. Halimbawa, ang pasyente na may irritable bowel syndrome ay maaari rin mayroong abnormal na antas ng serotonin sa katawan. Posible din na ang pasyente ay mayroong hindi tamang balanse ng mabuting bakterya sa bituka.

Ang mga sumusunod ay mga triggers ng irritable bowel syndrome:

  • Pagkain – Ang sintomas ng ibang pasyente ay lumalala kapag kumakain ng ilang piling pagkain. Halimbawa na ang tsokolate, gatas, at alak na maaaring magdulot ng tibi o pagtatae. Ang carbonated na inumin at ilang mga prutas at gulay ay maaari namang magdulot ng bloating at hindi magandang pakiramdam sa ibang mga pasyente. Ang papel ng alerhiya o intolerance sa pagkain ay hindi maliwanag.
  • Pagkabalisa – Ang sintomas ng irritable bowel syndrome ay maaaring tumindi dahil sa mga pangyayaring nagdudulot ng stress sa pasyente. Ang pagkabalisa ay maaaring magpalala sa irritable bowel syndrome bagamat hindi ito ang ugat.
  • Hormone - Pinaniniwalaan ng mga mananaliksik na ang pagbabago sa hormone ay maaaring may kinalaman sa irritable bowel syndrome. Maraming mga babaeng pasyente ang nagpapatunay na ang sintomas ay tumitindi kapag sila ay mayroong regla.

Ang mga sumusunod ay maaaring magpataas ng panganib ng irritable bowel syndrome:

  • Edad – Ang mga sintomas ay maaaring unang lumitaw bago dumating sa edad na 35.
  • Kasarian – Mas madaming mga babae ang nasusuri na mayroong irritable bowel syndrome kumpara sa mga lalaki.
  • Kasaysayan ng kondisyon sa pamilya – May mga pag-aaral na nagpapakita na ang mga pasyente na mayroong direktang kamag-anak (first degree) na mayroong irritable bowel syndrome ay may mas mataas na panganib na

magkaroon ng ganitong kondisyon.

Pagsusuri

Ang pagsusuri sa irritable bowel syndrome ay depende sa kompletong medikal na kasaysayan at pisikal na eksaminasyon.

Dahil karaniwang walang pisikal na senyales upang tiyak na masuri ang irritable bowel syndrome, ang pagsusuri ay dinadaan sa proseso ng eliminasyon. Para makatulong sa prosesong ito, ang mga taga pagsaliksik ay nakagawa ng basehan na tinatawag na Rome criteria para sa irritable bowel syndrome atiba na ring functional gastrointestinal disorders. Ayon sa criteria, may mga sintomas na titignan muna bago malaman ng doktor kung ang pasyente ay mayroong irritable bowel syndrome at ito ay ang mga sumusunod:

  • Pananakit at hindi maayos na pakiramdam sa tiyan na tumatagal ng hindi bababa sa 12 linggo. Ang mga linggong ito ay hindi kailangang sunud-sunod.
  • Ang pasyente ay dapat makitaan ng hindi bababa sa dalawa sa mga sumusunod:
    • Pagbabago sa dalas o consistency ng dumi.
    • Straining, pagmamadali, o pakiramdam na nais dumumi.
    • Pagkakaroon ng mucus sa dumi.
    • Bloating o panghihilab ng tiyan.

Titignan ng masusi ng doktor kung ang pasyente ay papasok sa mga criteria at kung ang mga sintomas ay indikasyon ng mas seryosong kondisyon. Samantala, ang mga sumusunod na sintomas ay maaaring mag-udyok sa doktor upang magsagawa ng mga karagdagang eksaminasyon:

  • Pagtama ng sakit matapos ang edad 50.
  • Pag-gaan ng timbang.
  • Pagdudugo ng tumbong.
  • Lagnat
  • Pagkahilo at pabalik-balik na pagsusuka
  • Pamamalagi ng pagtatae na maaaring gumising sa pasyente.

Ang mga sumusunod na eksaminasyon ay maaaring makatulong upang matanggal ang ibang posibleng sanhi ng sintomas:

  • Flexible sigmoidoscopy – Tinitignan ng eksaminasyon nito ang colon sa pamamagitan ng isang malambot at may ilaw na tubo na tinatawag na sigmoidoscope.
  • Colonoscopy – Maaaring isagawa ito ng doktor gamit ang isang maliit na tubo upang masuri ang kahabaan ng colon.
  • Computed tomography (CT scan) – Ang CT scan ng tiyan at sipit-sipitan ay maaaring makatulong sa doktor upang matanggal ang ibang sanhi ng sintomas.
  • Lactose intolerance tests – Ang lactase ay isang enzyme na kailangan ng katawan upang matunaw ang asukal (lactose) na natatagpuan sa produkto ng gatas at keso. Ang pasyenteng walang ganitong enzyme ay maaaring magkaroon ng problema na tulad sa mga sintomas ng irritable bowel syndrome. Maaaring magsagawa ang doktor ng isang eksaminasyon sa paghinga o pagbawalan ang pasyente sa pagkain at pag-inom ng may gatas ng ilang

linggo.

  • Eksaminasyon sa dugo – Ang eksaminasyon sa dugo ay makakatulong upang tanggalin ang posibilidad ng pagkakaroon ng Celiac disease.

(nontropical sprue) o ang pagiging sensitibo sa protinang mula sa trigo (wheat).

Lunas

Dahil hindi batid ang tiyak na sanhi ng irritable bowel syndrome, nakatutok ang pagbibigay ng lunas sa mga sintomas upang ang pasyente ay magkaroon ng pagkakataon na mamuhay ng normal hanggang sa makakaya. Maaaring irekomenda ng doktor ang mga sumusunod na lunas:

  • Pag-inom ng fiber supplements.
  • Medikasyon para sa pagtatae.
  • Pag-iwas at pag-alis ng mga pagkain na nakakapagpa-kabag.
  • Mga gamot na anticholinergic, antidepressant, at antibiotic. Aprubado para sa mga kaso ng irritable bowel syndrome ang mga gamot na alosetron at lubiprostone.
  • Pagbibigay payo sa mga pasyente.

Posibleng komplikasyon

Ang irritable bowel syndrome ay walang kinalaman sa mga seryosong kondisyon tulad ng kanser sa colon. Gayunman, ang pagtatae at pagtitibi ay maaaring magdulot ng almuranas.

Pag-iwas

Ang pasyenteng mayroong irritable bowel syndrome ay maaaring makaranas ng mas matinding sintomas dahil sa mga problema at sitwasyon na nagdudulot ng stress. Makakatulong sa pasyente na iwasan ang mga bagay na maaaring magpalala sa mga sintomas tulad ng mga sumusunod:

  • Pagpapayo – Maaaring matulungan ng isang psychologist o psychiatrist ang pasyente upang mabawasan ang stress o maturuan kung paano tumugon dito.
  • Biofeedback – Ang hakbang na ito ay nakakapagpababa ng stress sa pamamagitan ng pagbawas sa tensyon ng kalamnan at pagbagal sa bilis ng pagtibok ng puso gamit ang isang makina.
  • Progressive relaxation exercises – Ang paraan na ito ay nakakatulong sa kalamnan upang mag-relax.
  • Paghinga ng malalim – Maaari rin ito makatulong sa pag-relax ng kalamnan ng tiyan na maaaring magbigay daan sa normal na pagdumi.

Sanggunian

Pagkilala

Wikihealth cit.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiHealth sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.