Kulani

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Kulani.png

Ang kulani o lymph node ay grupo ng mga tisyu na matatagpuan sa mga lymph vessels ng katawan. Trabaho ng mga lymph vessels na ito na panatilihin ang balanse ng interstitial fluids ng katawan. Tumutulong din ito sa pagbibigay ng proteksyon laban sa impeksyon at mikrobyo sa pamamagitan ng paggawa ng lymphocyte. Ang lymphocyte ang gumagawa ng mga protinang sumusugpo sa mga mikrobyo at virus na napupunta sa dugo.

Contents

Likas na katangian

Ang kulani ay kadalasang natatawag na glandula. Ito ay hugis buto at kadalasan ay kasinglaki lang ng munggo o mas maliit pa. Hindi ito mapapansin o makakapa sa balat kung ito ay hindi namamaga o sumasakit.

Pamamaga ng kulani

Sanhi

Kadalasang namamaga ang mga kulani kung may impeksyon sa katawan lalo na kung ito ay sanhi ng virus, mikrobyo o mga parasitiko.

May mga gamot din na nagdudulot ng pamamaga ng kulani gaya ng mga gamot panlaban sa seizure at malaria.

Lokasyon

Ang lokasyon ng kulani ay nagsisilbing palatandaan kung nasaan ang impeksyon sa ating katawan. Ang mga namamagang kulani ay kadalasang matatagpuan sa mga sumusunod na bahagi ng katawan:

  • Cervical region - Sa ibaba ng panga, sa harap o likod ng mga tainga, o sa leeg.
  • Axillary region - Sa bandang kili-kili , sa paligid ng dibdib, o sa itaas na bahagi ng tiyan.
  • Inguinal region - Sa ibabang bahagi ng tiyan o sa bandang puson.
  • Pelvic cavity – Sa singit o sa paligid ng ari.
  • Abdominal cavity – Sa paligid ng abdominal aorta o sa baywang.
  • Thoracic cavity - Sa gitna ng iyong dibdib at sa paligid ng windpipe at baga.


Mga palatandaan

Kapag mayroong namamagang kulani, nangangahulugan lang na may mali o may problema sa katawan. Dahil dito, mahalagang alamin ang mga sintomas ng namamagang kulani.

  • Maliit na bukol na kadalasan ay kasinglaki lamang ng munggo (Maari ring mas maliit o mas malaki pa, depende sa uri ng iyong impeksyon at kung malala ba ito).
  • Maaaring masakit ang bukol at ang paligid nito.
  • Pamamaga o panunuyo ng lalamunan
  • Sipon at ubo
  • Pamamaga ng mga biyas.
  • Lagnat
  • Night sweats o labis na pagpapawis sa gabi

Kailangang tandaan na iba’t-iba ang kombinasyon ng mga sintomas at epekto ng namamagang kulani sa bawat tao. Maaaring maranasan ang lahat ng mga sintomas na nabanggit o maaari namang hindi.

Lunas

Karaniwang nawawala na ang pamamaga ng kulani kapag gumaling na ang impeksyon. Kung ang pamamaga ay dahil sa impeksyon galing sa mikrobyo, maaaring makatulong ang mga antibayotiko. Para sa lagnat at pananakit ng katawan, maaaring uminom ng aspirin at ibuprofen. Nakakatulong din ang mga gamot na ito upang mabawasan ang pamamaga ng kulani at ng bahagi ng katawan na may impeksyon. Bago inumin ang mga gamot na ito, kailangang sumangguni sa doktor upang malaman ang tamang dosis.

Kung ang naman pamamaga ng kulani ay dahil sa impeksyong dulot ng virus, hindi mabisang gamot ang antibayotiko. Kailangang masugpo ang virus sa katawan upang mawala ang pamamaga ng kulani. Ganoon din sa namamagang kulani dulot ng lupus, rheumatoid arthritis, at iba’t-ibang kanser. Mawawala lamang ang pamamaga ng kulani kapag nabigyang lunas ang mga sakit na ito.

May mga kulani na namamaga dahil sa mga simpleng impeksyon na madaling malunasan. Ilan sa mga ito ay ang ubo at sipon o ang mga naimpeksyong sugat sa balat. Sa kabilang banda, may mga pamamaga rin na dulot ng mga malalalang sakit gaya ng HIV at kanser. Dahil dito, kailangan mong sumangguni sa doktor kapag:

  • May biglang tumubong namamagang kulani at walangnararamdamang impeksyon sa katawan.
  • Kapag ang namamagang kulani ay sumasakit at lumalaki.
  • Kapag ang namamagang kulani ay hindi pa rin nawawala pagkatapos ng dalawang lingo.
  • Kapag matigas ang bukol at hindi ito nagagalaw kapag itinutulak ang mga daliri.
  • Kapag nilalagnat ng tuluy-tuloy.
  • Kapag biglaang namayat.
  • Kapag nahihirapan lumunok o huminga.

Dapat tandaan na ang maagang pagsangguni sa doktor ay kinakailangan upang madaling maagapan ang anumang malalang karamdaman na maaaring dahilan ng pamamaga ng mga kulani.

Sanggunian