Likod

From Wikihealth
Jump to: navigation, search

Ang likod ay isa sa malalaking parte ng katawan ng tao. Ito ay nagsisimula mula sa itaas na bahagi ng puwit hanggang sa leeg at balikat. Ito ang kabaligtarang bahagi ng dibdib at ang taas nito ay nasusukat sa pamamagitan ng vertebral column o gulugod. Ang lapad ng likod ay sinusuportahan ng tadyang at balikat. Sa loob naman ng gulugod matatagpuan ang spinal column kung saan dumadaan ang mga ugat.

Ang likod ang nagbibigay suporta sa ulo at torso ng katawan. Ito ay nagbibigay lakas at suporta sa paggalaw at kakayahang umikot ng katawan nang hindi mababali. Ang itaas na bahagi ng likod ang siyang may malakas na suporta sa katawan samantalang ang mga tadyang na nakakabit sa gulugod ay may limitadong paggalaw.

Ang ibabang bahagi ng likod (lumbar vertebrae) ay nagbibigay suporta kapag yumuyukong paharap at patalikod. Ang bahaging ito ay hindi maaaring igalaw ng paikot.

Ang balat sa likod ay mas makapal at mas kaunti ang nerve endings kumpara sa ibang bahagi ng katawan mula leeg hanggang tiyan at likod nito. Karaniwang hindi masyado naaabot ang gitna at itaas na bahagi ng likod.

Contents

Mga organo sa likod

  • Mga baga na nasa loob ng tadyang. Ang mga ito ay maaaring mapakingaan sa bandang likod kapag mayroong pisikal na pagsusuri sa pamamagitan ng stethoscope.
  • bato na matatagpuan sa mga masels sa ilalim ng tadyang at konektado sa peritoneum. Ang matinding pinsala sa ibabang bahagi ng likod ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng bato.

Kalamnan sa likod

  • Ang trapezius ang malaki at korteng tatsulok na kalamnan mula sa gitnang bahagi ng likod hanggang umabot sa leeg, pahalang sa shoulder blade. Ito ang nagbibigay ng laman sa likod ng balikat. Ang pag-ehersisyo ng trapezius ay tumutulong upang mawala ang pananakit ng likod at leeg.
  • Rhomboids naman ang tawag sa maliliit na kalamnan sa gitna ng likod at nakikita sa ilalim ng leeg. Ang rhomboids ang nagdadala ng bandang likod na bahagi ng balikat at tumutulong upang magkaroon ng maayos na postura.
  • Ang latissimus dorsi ang pinakamalapad na kalamnan sa likod. Ito ay malaki, patag, at dorso-lateral na kalamnan at bahagyang natatakpan ng trapezius.

Mga buto sa likod

  • Scapula ang tawag sa buto sa likod. Ito ay impis at korteng tatsulok na nasa likod at nasa ibabaw ng itaas na bahagi ng tadyang. Maaari itong makapa sa ilalim ng balat. Sa scapula nakakabit ang mga kalamnan at lamad ng braso, leeg, dibdib at likod. Malaki ang naitutulong ng scapula sa paggalaw ng mga braso at balikat. Ito ay may kalamnan na siyang dahilan upang hindi gaanong nababali ang parting ito ng likod.
  • Ang pelvis o mga buto sa balakang ay isang lupon ng mga buto sa ibabang bahagi ng torso. Dito matatagpuan ang coccyx ( tail bone) at mga buto sa balakang. Ang pelvis ang nagbibigay proteksiyon sa pantog, puwit, at sa mga kababaihan, ang matris. Magkaiba ang korte ng pelvis ng mga lalaki at babae. Mahalaga ang pelvis lalo na sa mga kababaihan dahil ito ay may malaking papel na ginagampanan sa panganganak.
  • Ang sacrum ay isang malaking buto na korteng tatsulok na matatagpuan sa ilalim ng ibabang bahagi ng gulugod. Ito ay isang matibay ng buto at bihirang nababalian. Mayroon limang vertebrae ang sacrum na hiwa-hiwalay kapag bata pa at unti-unting nagdudugtong sa pagitan ng ika-18 at ika-30 taon.

Masakit na likod

  • Chronic back pain - Ito ay pangmatagalang sakit na nararamdaman. Nararamdaman ang sakit mula sa isang bahagi ng likod at/o tila ba bumababa hanggang sa binti. Ang nakararamdam ng chronic back pain ay nangangalay, namamanhid, at tila ba mainit na pakiramdam sa mga binti. Ang pagkakaroon ng chronic back pain ay nagpapahirap sa pagganap sa pang-araw-araw ng gawain. Maaari itong bunga ng pagkakaroon ng pagkakaroon ng ng pilay, arthritis, o pinsala sa ugat.
  • Acute back pain - Ito ay biglaang pagsakit o sakit na bahagyang nararamdaman sa ibabang parte ng likod. Maaaring ito ay mas masakit sa kanan o sa kaliwang bahagi ng likod o kaya naman sa gitnang bahagi ng likod. Nawawala ang nararamdamang sakit ngunit bumabalik din. Ito ay maaaring mula sa trauma o pagkakaroon ng malakas na pisikal na tama katulad ng pagkalamog at pagkapunit ng kalamnan. Nagkakaroon ng pagbabawas sa pagkilos ang pagkakaroon ng acute back pain ngunit sa tulong ng physical therapy, pag-inom ng gamot, at pag-iingat na hindi mahirapan ang bahagi ng katawang may sakit, ang acute back pain ay nawawala.

Kapag ang acute back pain ay matagal bago mawala at paulit-ulit na nararamdaman na siyang nagiging sanhi ng hirap sa paaggawa, ito ay maaaring naging chronic back pain na.

  • Mechanical back pain - Ito ay isang uri ng acute back pain kung saan ang paggalaw at pag-ubo ay nakapagpapalala sa sakit na nararamdaman. Ang sakit ay nababawasan sa pamamagitan ng pagpapahinga. Maaaring sanhi nito ang herniated disc at stress fracture. Ang pagyuko, pag-ubo, pagbahing ay ilan lamang sa nagbibigay ng sakit na ito.

Pagsusuri sa likod

  • X-ray - Isa sa mga bahagi ng katawang madalas kunan ng X-ray ang likod.
  • CAT Scan o computed axial tomography scan - Pinakamainan ang CT scan upang makita ang mga imahe ng buto, dugo, at mga malalambot na tisyu ng katawan.
  • Magnetic resonance imaging (MRI). - May kakayahang maipakita ang mga detalye ng gulugod at itinuturing pinakamainam gamitin upang malaman ang mga sakit sa gulugod.
  • Myelogram - Ginagamit upang makuhanan ng X-ray ang mga puno ng ugat upang malaman kung may naiipit na ugat sa gulugod.
  • Bone scan - Ginagamit upang malaman kung mayroong tumor, impeksiyon,o bali sa buto.

Sanggunian