Maliit na Problema kapag Buntis

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
  • Naduduwal o nasusuka: Kadalasan, matindi ito sa umaga pagsapit ng ikalawa o ikatlong buwan ng pagbubuntis. Makatutulong ang anumang pagkain, tulad ng biskwit o tuyong tinapay, bago bumangon sa umaga. Huwag kakain nang marami; pakonti-konti lamang pero madalas. Sa malulubhang kaso, uminom ng antihistamine bago matulog at paggising sa umaga. Iwasan ang mga pagkaing mamantika.
  • Panghahapdi o pagkirot sa sikmura o dibdib (pangangasim ng sikmura at heartburn). Kumain lamang nang pakonti-konti. Kung maaari, uminom ng gatas. Iwasan ang paginom ng antacid. Makatutulong ang pagbababad sa bibig ng matigas na kendi. Subuking matulog nang nakataas ang ulo at dibdib sa makapal na unan ot kumot.
  • Pamamanas ng paa: Kailangan ang oras-oras na pahinga nang nakataas ang paa. Bawasan ang pagkain ng asin at iwasan ang maaalat na pagkain. Makatutulong ang tsang mula sa buhok ng mais. Kung masyadong namamanas ang mga binti, at pati ang mga kamay at mukha, magpatingin sa doktor. Ang pamamanas ng binti sa mga huling buwan ng pagbubuntis ay kadalasang sanhi ng bigat ng dinadalang sanggol. Mas delikado ito sa mga babaing kulang sa dugo at sustansiya, o mahilig sa maalat. Kaya dapat kumain ng masustansiyang pagkaing di-maalat o walang asin.
  • Kirot sa may balakang: Karaniwan ito kung buntis, mababawasan ito ng pag-eehersisyo at pag-upo nang tuwid ang likod.
  • Anemya at malnutrisyon: Maraming babae sa kanayunan ang anemiko (kulang sa dugo) kahit na bago pa man sila magbuntis, at lalo pang nagiging anemiko kapag nagbuntis. Para maging malusog ang bata, kailangan ng babae ang mga pagkaing sagana sa protina at iron. Kung siya ay maputlang-maputla, mahina, o may iba pang palatandaan ng anemya at malnutrisyon, kailangan niyang kumain ng maraming protina. Makukuha ito sa beans, mani, manok, gatas, keso, itlog, karne, isda, at mga berdeng gulay. Kailangan din niyang uminom ng tabletas na iron, lalo na kung walang sapat na pagkaing masustansiya. Sa gayon, mapapalakas niya ang kanyang dugo para maiwasan ang malakas na pagdugo sa panganganak. Kung maaari, dapat ding magkaroon ng folic acid at bitamina C ang mga tabletas na iron.
  • Namamagang ugat (varicose): Karaniwan ito kung buntis, dahil sa bigat ng bata na dumadagan sa mga ugat sa binti. Itaas nang madalas ang inyong mga paa, yoang pinakamataas na makakaya. Kapag lumaki nang hust ang mga ugat o sumakit, balutin ang binti (tulad sa larawan) ng malambot na benda. Tanggalin ang benda sa gabi.
  • Almoranas: Ito ay mga namamagang ugat sa butas ng puwet dahil sa bigat ng dinadalang sanggol. Para malunasan ang sakit, lumuhod nang nakataas ang puwit.
  • Hindi matae: Uminom ng maraming tubig. Kumain ng mga prutas at pagkaing maraming likas na hibla ng kamoteng-kahoy. Laging mag-ehersisyo. Huwag iinom ng matapang na laksante.


Sanggunian

  • David Werner. Kung Walang Doktor sa Inyong Lugar. Philippine Charity Sweepstakes Office, 1979. (Hinango noong 1 Mayo 2010).

Kategorya:Kalusugan