Mata

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Error creating thumbnail: convert: no decode delegate for this image format `/tmp/magick-ZvyMkzmt' @ error/constitute.c/ReadImage/532.
convert: missing an image filename `/tmp/transform_340270212d1f-1.jpg' @ error/convert.c/ConvertImageCommand/3011.

Ang mata ay ang bahagi ng ulo at sistemang pantanaw na ang pangunahing gampanin ay ang magbigay ng kakayahang makakita. Ito rin ang bahagi ng katawan na may mahalagang reaksyon sa ilaw o liwanag, sapagkat, maliban sa kakayahang makakita, ito ay may epekto sa pagkontrol ng Circadian rhythm at ng hormone na melatonin.

Contents

Mga bahagi ng mata

Panlabas na bahagi

Ang mga panlabas na bahagi ng mata ay pawang mga bahaging pangsangga sa mga banyagang bagay na maaring makaapekto sa kabuuang gampanin ng mata. Gayunman, ang mga ito ay wala naman talagang naidudulot sa kakayahang makakita ng mata. Madalas din gamitin ang mga bahaging ito sa larangan ng pagpapaganda.

  • Talukap ng mata – Ang panakip at pangunahing pananggalang ng mata sa mga dumi at iba pang maliliit na bagay. Dahil sa talukap ng mata, mayroong kakayahan ang mata na pumikit, dumilat at kumurap. Ito rin isa sa may pinakamanipis na balat sa buong katawan.
  • Pilikmata – Ang buhok na nakakabit sa dulo ng mga talukap ng mata. Ang mga pilik-mata ay napaka-sensitibo para makaramdam ng mga maliliit na bagay na maaring pumasok sa mata. Dahil dito, mabilis na nakakapikit o nakakakurap ang mata.
  • Kilay – Ang buhok na nasa pagitan ng talukap ng mata at ng noo. Ang pangunahing silbi ng kilay ay ang makasalo ng pawis mula sa ulo at mapigilan itong makarating sa mata.

Panloob na bahagi

Ang panloob na bahagi ng mata ay nahahati pa din sa dalawa, ang mga nasa harapan, na nakikita mula sa panlabas na anyo, at ang mga nasa likuran, na mas malapit sa utak at hindi nakikita mula sa labas.

  • Balintataw (pupil) – Ang itim na bahagi ng mata. Ang balintataw din ang dahilan kung bakit nakakapasok ang ilaw sa loob sa ng mata. Nagbabago ang sukat ng balintataw depende sa liwanag ng ilaw na pumapasok sa mata, mas maliit ang balintataw sa mas maliwanag.
  • Iris – Dito nakikita ang kulay ng mata ng isang tao. Ang kulay ng mata ay depende sa dami at uri ng mga pigment sa iris. Ang kulay ng mata ay depende din sa namanang genes ng tao mula sa kanyang magulang.
  • Lente ng mata (lens) – Ito ang bahagi ng mata na pumupokus sa mga bagay na nakikita ng mata sa pamamagitan ng pagbabago ng hugis, depende sa layo ng bagay.
  • Retina – Ito ang lining sa loob ng mata. Ang ilaw na pumapasok sa mata ay binabago ng retina bilang mga electrical impulses.
  • Nerbyong optiko – Ito ang litid o nerbyo na naghahatid ng mga electrical impulses na galing sa retina papunta sa utak.
  • Cornea – Isang malinaw at walang kulay na bahagi ng mata na nagtatakip sa iris at sa balintataw. Tumutulong ang cornea sa pagpopokus para makapasok ng maayos ang ilaw sa loob ng mata.
  • Sclera – Ang puting bahagi ng mata. Ang sclera ay binubuo ng matibay na bahagi at napahalaga sa pagpoprotekta sa pinaka-bola ng mata.
  • Conjuctiva – Ang malinaw at walang kulay na bahagi ng mata, tulad ng cornea. Ngunit, ang kaibahan ng conjunctiva sa cornea, ang conjunctiva ay bumabalot sa sclera.
  • Fovea – Ang bahagi ng mata na responsible sa malinaw at matalas na paningin. Dahil sa fovea, naging madali para sa mga tao ang pagbabasa, panonood ng telebisyon o pelikula, pagmamaneho at iba pang mga gawain na nangangailangan ng matalas na paningin.
  • Glandulang lacrimal – Ang bahagi ng mata na gumagawa ng luha. Ang luha ay napakahalaga sa mata sapagkat pinapanatili nitong basa ang mata at pinoprotektahan nito ang mga mata laban sa dumi.

Karaniwang karamdaman o pinsala sa mata

  • Pagkabulag – Maraming dahilan ang pagkabulag. Ang pagkabulag ay maaring maganap mula sa sinapupunan pa lamang, maaring dahil sa mga pinsalang dulot ng aksidente at maari ring dahil sa mga malulubhang karamdaman.
  • Malabong paningin – Gaya ng pagkabulag, madami ding dahilan ang pagkalabo ng paningin. Ang mga malulusog na mata ay lumalabo madalas dahil sa katandaan. Ang pinakamadalas na karamdaman sa mata na nagdudulot ng pagkalabo ng paningin ay ang astigmatism, kung saan hindi maayos ang pagpopokus ng ilaw sa retina.
  • Kuliti (Stye) – Ito ay nakukuha dahil sa mikrobyo na nakakaimpeksyon sa balat at nakaapekto sa talukap ng mata. Walang katotohanan na ang kuliti ay nakukuha sa simpleng paninilip lamang.
  • Conjunctivitis (Sore eyes) – Ito ay isang impeksyon sa mata, partikular na sa bahagi ng mata na conjunctiva. Madalas na virus ang dahilan ng sore eyes, ngunit maari rin na ito ay sanhi ng bacteria o ng alerhiya.
  • Myopia – Ang tao na may myopia ay tinatawag na “nearsighted” sapagkat, ang myopia ang dahilan kung bakit hindi makakita ng malayuan ang tao na iyon.
  • Hyperopia – Kabaliktaran ng myopia ang hyperopia, kung saan ang tao na mayroong hyperopia ay hindi naman makakita ng maayos sa mga malapitang tanaw.
  • Pagkabanlag at pagkadulingStrabismus ang tamang terminong medikal para sa ganitong kalagayan. Ang strabismus ay nangyayari kapag ang mga kalamnan ng mata at ang utak ay hindi nagkakasundo at nagreresulta sa pagkabanlag o pagkaduling. Ang karamdamang ito ay maaring sa utak ang problema o di kaya ay sa mga muscle ng mata.
  • Katarata – Maaring magdulot ng panlalabo ng paningin o kaya pagkabulag, depende sa pagkakalala ng karamdaman. Ang katarata ay ang pagkakaroon ng mala-ulap na puti sa lente ng mata.
  • Black eyePamamaga at pasa sa palibot ng mata na resulta ng isang matinding pisikal na pinsala sa mukha. Hindi naman talaga karamdaman ang black eye ngunit nangangailangan pa rin ito ng sapat na atensyong medikal, lalo na kapag pumutok ang pamamaga.

Pangangalaga sa mata

Maraming naidudulot na kabutihan ang mata sa buhay ng tao kaya mahalaga na alagaan natin ang bahaging ito ng ating katawan. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa maraming paraan kung paano natin mapapangalagaan ang ating mga mata.

  • Magsuot ng sapat na proteksyon sa mata gaya ng goggles, lalo na tuwing nasa laboratoryo o kaya sa pagsisisid at iba pang pisikal na isports. Mahalaga din ang mga sunglasses lalo na kapag masyadong maliwanag ang araw. Ang masyadong malakas na ilaw ay maaring magdulot ng katarata.
  • Magbasa lamang sa mga lugar kung saan may sapat na liwanag.
  • Gumamit ng anti-glare filter sa monitor ng computer. Siguraduhin na ang posisyon ng monitor ay kapantay o mas mababang sa inyong mga mata at mas malayo ng kaunti kumpara sa layo tuwing kayo ay nagbabasa ng libro.
  • Ipahinga ang mata. Maglaan ng ilang sandali upang pumikit, lalo na tuwing mahabaang panonood ng telebisyon, paggamit ng computer o pagbabasa.
  • Kumain ng mga pagkaing masustansya at mayaman sa Bitamina A. Nakakatulong din sa kalusugan ng mga mata ang mga pagkaing may anti-oxidants at zinc.

Sanggunian

  • [1] Eye Health Center. WebMD. (Hinango noong 18 Oktubre 2011)
  • [2] Your Eyes. KidsHealth from Nemours. (Hinango noong 18 Oktubre 2011)
  • [3] Patten, D. “How to Care for Your Eyes”. Discovery Fit & Health. (Hinango noong 18 Oktubre 2011)