Menorrhagia

From Wikihealth
Jump to: navigation, search

Ang menorrhagia ay ang medikal na terminolohiya para sa reglang labis ang daloy o abnormal o iregular ang tagal. Nakakapanghina ang bawat siklo sa dami ng dugong nawawala at tindi ng kirot na maaaring maramdaman. Nakakaapekto din ito sa pang-araw-araw na pamumuhay. Bagamat ang malakas na regla ay karaniwang nararanasan ng mga babaeng pre-menopausal, karamihan ay hindi nakakaranas ng malubhang pagdurugong matatawag na clinical menorrhagia.

Ang menorrhagia ay iba sa metrorrhagia, menometrorrhagia, polymenorrhea, intermenstrual bleeding at dysfunctional uterine bleeding ngunit maaaring makipagsanib sa kahit alinman sa mga ito.

Contents

Sanhi

Maaaring hindi matukoy sa ilang kaso ang pinagmumulan ng menorrhagia ngunit ang mga karaniwang kondisyon ay maaaring magdala nito, tulad ng:

Sintomas

Mahirap mang tiyak na matukoy ang menorrhagia at kung ang regla ay malakas o mahina kumpara sa ibang babae, ang mga sumusunod na alituntuning medikal ay maaaring sundan upang maitalaga ang hinihinalang kondisyon:

  • Normal na lakas ng regla: Pagkawala ng 20 – 60 ml (apat hanggang 12 kutsarita) ng dugo. Karaniwang tumatagal ng limang araw ngunit maaaring umabot ng walong araw.
  • Malakas na regla – May pagkawala ng 60-80 ml (kalahating tasa) ng dugo o maaaring higit pa. Maaaring maranasan bilang:
    • Kapag tinatagusan ang damit at hanggang kinahihigan.
    • Kinakailangan ng madalas na pagpalit ng pad o tampon.
    • Pangangailangan ng dagdag na sapin o pasador.
    • May kasamang namuong dugo.
  • Reglang menorrhagia – Malakas na regla tuwing buwan na nakakasagabal sa kalidad ng pamumuhay dahil sa dami ng dugong nawawala, mga sintomas at kirot na nararamdaman.

Iba pang sintomas:

  • Pagdurugo o spotting sa pagitan ng bawat siklo.
  • Pagdurugo pagkatapos ng pakikipagtalik.
  • Mas malubhang pagdurugo kaysa karaniwan, na ipinamamalas ng:
    • Paglabas ng malalaking namuong dugo.
    • Pangangailangan ng pagpapalit ng proteksyon sa gabi.
    • Pagtagos ng dugo sa ginagamit na sanitary pad o tampon at pagpapalit ng proteksyon bawat oras sa loob ng 2 hanggang 3 oras.
    • Pagdurugo ng mas matagal kaysa normal o labis sa pitong araw.
    • Siklo na mas kaunti sa 28 na araw o labis sa 35 na araw.
    • Pagdurugo matapos mapagdaanan na ang menopause.

Magpunta agad sa doktor kung:

  • Ang pagdurugo ay tumagal ng mas mahaba sa isang linggo.
  • Nagpapalit ng pad o tampon kada oras sa loob ng dalawa hanggang tatlong oras.
  • Buntis o maaaring buntis at nagdurugo.
  • May nararamdamang matinding pananakit kahit walang regla.
  • Malakas o matagal ang regla ng tatlo o higit pang siklo kaysa sa normal na nararanasan.
  • Nagdurugo o may spotting kahit nag-menopause na, sa pagitan ng mga siklo o matapos ang pakikipagtalik.
  • Kinakailangang baguhin o ilimita ang mga aktibidad dahil sa lakas ng regla.
  • May mga nararamdamang sintomas ng anemia tulad ng pagkahapo, pagkapagod o kakapusan ng hininga.

Salik ng panganib

Sa kahit anong edad ng kababaihan maaaring maranasan ang menorrhagia ngunit ang mga sumusunod ang may mas mataas na salik ng panganib:

  • Kababahihang nagsisimula pa lamang mag-regla – Karaniwang nakakaranas ng mga siklong anovulatory at karagdagang menorrhagia sa unang taon at kalahati matapos ang unang siklo ng regla.
  • Mga kababaihang malapit na mag-menopause – Mga nasa edad 40 – 50 taon ang nasa mas malaking panganib dahil sa mga pagbabagong hormonal.
  • Mga gumagamit ng pampigil sa pagbubuntis.
  • Mga labis ang timbang.
  • May polycystic ovarian syndrome (PCOS).
  • May mga karamdaman.

Pagtukoy

Unang-unang aalamin ay kung nagbubuntis at kung ang pagdurugo ay dala ng mga kadahilanang non-uterine. Kasama dito ang mga sumusunod na pamamaraan:

  • Kung may pagdurugo mula sa rectum o may dugo sa ihi na maaaring mapagkamalang vaginal bleeding o menorrhagia, magsuot ng tampon sa puwerta at suriin para sa pagdurugo.
  • Sa paunang pakikipagusap sa doktor, sisiyasatin ang personal at pampamilyang kasaysayan ng kalusugan. Mainam din kung nakagawa ng maaaring isumite na talaan ng mga sintomas. Ilakip dito ang mga sumusunod na impormasyon:
    • Edad.
    • Kailan nagsimulang magkaroon ng regla.
    • Kailan nagsisimula at nagtatapos ang siklo ng regla.
    • Petsa ng nakaraang siklo.
    • Gaano kalakas ang daloy ng dugo base sa dami ng pad at tampon na ginagamit at kung puno ang mga ito.
    • Kung may nararamdamang kaselanan o pananakit ng mga suso.
    • Kung may mga lumabas na buo-buong dugo sa puwerta kasama ng pagdurugo.
    • Kung may pagdurugo sa pagitan ng mga siklo at pagkatapos makipagtalik.
    • Gumagamit ba ng birth control.
    • Aktibidad na sekswal.
    • Kung may mga medikasyong iniinom tulad ng suplemento para sa estrogen o mga pampanipis ng dugo tulad ng aspirin at heparin.
    • Nanganak, nagpatistis o napinsala sa anumang paraan.
    • Kung nagkaroon ba ng impeksyon sa vagina o uterus.
    • Kung nagdadalang-tao.
    • Kung may minanang sakit, iba pang kundisyong medikal o karamdaman.
    • May pinagdadaanan sa buhay na ikadaramdam.
    • Kung may anupamang sintomas na nararamdaman.
  • Matapos kapanayamin ng doktor, isasailalim sa pisikal na pagsusuri kasama ang pelvic exam o rectal exam.
  • Maaari ding isailalim sa iba pang pagsusuri tulad ng:

Paggamot

Ang kurso ng paggamot para sa menorrhagia ay depende sa indibidwal na kaso at ilang sumusunod na salik:

  • Pinagmumulan at kalubhaan ng kondisyon.
  • Pangkalahatang kalusugan at kasaysayang medikal.
  • Kakayahan ng katawan o tolerance para sa maaaring irekumenda na medikasyon, pamamaraan ng paggamot o mga therapy.
  • Maaaring pagbalik sa normal ng regla ng walang paggamot.
  • Mga plano sa pagkakaroon ng mga anak sa hinaharap.
  • Epekto ng kondisyon sa pamumuhay.
  • Sariling opinion o personal na kagustuhan.

Ang mga maaaring pamamaraan ng paggamot ay:

  • Medikasyon
    • Mga gamot para sa kirot at pananakit.
    • Suplemento para sa iron.
    • Non-steroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs) tulad ng ibuprofen o naproxen para mapigilan ang labis na pagkawala ng dugo dahil sa regla at mabawasan ang pananakit at kirot ng dysmenorrhea.
    • Mga oral contraceptive.
    • Oral progesterone
    • Norethisterone
    • Hormonal IUD o levonorgestrel intrauterine system (LNG-IUS).
    • Pagtigil o pagbago sa mediksayong maaaring nagdadala ng menorrhagia.
    • Iba pang hormone therapy tulad ng mga gonadotropin-releasing hormone agonist, mga conjugated estrogen, danazol, at tranexamic acid.
    • Mga arginine vasopressin derivative.
  • Pagtitistis tulad ng:
    • Dilation and curettage (D&C) o raspa
    • Operative hysteroscopy
    • Endometrial ablation
    • Endometrial resection
    • Hysterectomy at bilateral oophorectomy.
    • Thermal balloon therapy
    • Radiofrequency electricity
    • Myomectomy

Maaaring ipayo ng doktor ang pagpapatuloy ng talaan bilang menstrual diary upang makita kung may pagbabago sa kondisyon at kung may epekto ang kurso ng paggamot.

Komplikasyon

  • Iron deficiency anemia – Maaaring bumagsak ang sukat ng iron sa dugo upang makaranas ng pamumutla, panghihina at pagkahapo. Maaari ding makaranas ng kakapusan ng hininga, mabilis na pagtibok ng puso, pagkakahilo at pananakit ng ulo.
  • Matinding dysmenorrhea na maaaring kailangan ng medikasyon o pagtitistis.


Pag-iwas

  • Iwasan ang pag-inom ng aspirin lalo na kung may problema sa dugo dahil nakakapagpanipis ito ng dugo.
  • Maaaring uminom na lang ng ibuprofen para sa mga kirot na dala ng regla.
  • Regular na magpatingin sa doktor at sumailalim sa taunang pagpapasuri ng pangkalahatang kalusugang.
  • Regular na sumailalim sa Pap smear at pelvic exam.
  • Panatilihin ang tamang timbang.
  • Kumain ng masustansiyang pagkain.
  • Panatilihin ang pangkalahatang kalusugan.
  • Mag-ehersisyo.
  • Alamin ang kasaysayang pangkalusugan ng pamilya at agapan ang maaaring maging mga kundisyong pangkalusugan.
  • Panatilihin ang balansiyado, malinis at malusog na pamumuhay.

Sanggunian

Pagkilala

Wikihealth cit.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiHealth sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.