Mga dapat gawin upang Pangalagaan ang Kalusugan ng mga Bata

From Wikihealth
Jump to: navigation, search

Ang tatlong importanteng proteksiyon ng katawan upang mapanatiling malusog at ligtas sa anumang sakit ang mga bata.

Contents

Masustansiyang Pagkain:

Mahalagang kainin ng mga bata ang pinakamasustansiyang pagkaing maaari nilang makuha upang lumaki silang malusog at ligtas sa sakit.

Ang pinakamabuting mga pagkain ng mga bata para sa iba't-ibang edad ay:

  • Sa unang 4 na buwan: gatas ng ina at wala nang iba.
  • Mula 4 ba buwan hanggang 1 taon: gatas ng ina at iba pang masustansiyang pagkain—tulad ng dinurog na beans, itlog, karne, lutong gulay at prutas, at butil.
  • Mula 1 taon pataas: bawat pagkain ay dapat na may kasamang pagkaing nagpapalaki ng katawan at nagbibigay ng proteksiyon laban sa sakit—lalo na ang gatas at mga pagkaing mula sa gatas, itlog, manok, isda, karne, beans, sitaw, bataw, nuts (gaya ng mani), prutas, at gulay. Ang mga ito ay dapat balansehin ng mga pagkaing nagbibigay ng lakas tulad ng bigas, mais, trigo, patatas, o kamoteng-kahoy.
  • Higit sa lahat, ang mga bata ay dapat bigyan ng sapat na pagkain.
  • Dapat tingnan ng mga magulang kung may palatandaan ng malnutrisyon sa kanilang mga anak at ibigay sa mga iyon ang pinakamahusay na pagkaing dapat sa kanila.


Kalinisan:

Malamang na maging malusog ang mga bata kung ang kanilang nayon, tahanan, at mismong ang sarili nila ay laging malinis.

  • Laging paliguan ang mga bata at palitan nang madalas ang kanilang damit.
  • Turuan ang mga bata na laging maghugas ng kamay pagkabangon sa umaga, pagkatapos tumae, at bago kumain o humawak ng pagkain.
  • Gumawa ng kubeta o palikuran at turuan ang mga bata na gamitin ito.
  • Huwag pabayaang magyapak ang mga bata; pagsuutin sila ng bakya, sandalyas, o sapatos.
  • Turuan ang mga bata na magsipilyo ng ngipin; at huwag silang bigyang madalas ng kendi, matamis, o inuming de-bote (karbonato).
  • Gupitin nang maiksi ang mga kuko.
  • Huwag pabayaan ang mga bata na magsubo ng maruruming bagay o hayaang dilaan ng mga aso ang mga kanilang mukha.
  • Huwag papasukin sa bahay ang mga baboy, aso, at manok.
  • Gumamit lamang ng malinis o pinakuluang tubig bilang inumin. Mahalaga ito lalo na sa mga sanggol.


Bakuna:

Ang bakuna ay proteksiyon ng mga bata laban sa maraming mapanganib na sakit—matinding ubo, dipterya, tetano, bulutong, polyo, tigdas, at tuberkulosis.

Dapat ibigay sa mga bata ang iba't ibang bakuna sa mga unang buwan mula sa pagsilang. Ang gamot laban sa polyo (polyo drops) ay dapat ibigay sa bata bago siya magdalawang buwan sapagkat ang polyo ay pinakamadalas na dumapo sa mga sanggol na wala pang isang taon.

Importante: Para sa lubos na proteksiyon, ang bakuna laban sa DPT (dipterya, matinding ubo, tetano) at polyo ay dapat ibigay minsan isang buwan sa loob ng 3 buwan at minsan uli pagkaraan ng isang taon.

Maiiwasan ang tetano ng bagong silang na sanggol kung ang mga ina ay magpapabakuna laban sa tetano sa panahon ng kanilang pagbubuntis.


Paalala: Tiyaking kumpleto ang inyong mga anak sa lahat ng bakunang kailangan nila.


Sanggunian

  • David Werner. Kung Walang Doktor sa Inyong Lugar. Philippine Charity Sweepstakes Office, 1979. (Hinango noong 7 Mayo 2010).

Kategorya:Kalusugan