Niyog-niyogan

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Quisqualis indica 0002.jpg

Ang niyog-niyogan, o Quisqualis indica L., ay isang halamang gamot na kilala sa bisa nito sa pagpuksa ng bulate sa katawan. Ito ay kilala rin sa tawag na tartaraok (Tagalog), balitadham (Bisaya), Rangoon creeper, Burma, liane vermifuge, Chinese honeysuckle, at Yesterday, Today, and Tomorrow. Karaniwan itong ginagamit bilang halamang palamuti sa mga bakuran dahil sa magaganda nitong bulaklak. Ito ay kabilang sa pamilya ng Combretaceae.

Contents

Anyo

Ang niyog-niyogan ay nagsisimula bilang isang shrub o palumpong at may taas itong tatlong talampakan. Ang mga sanga nito ay puno ng dahon na hugis pahaba at tumutubo sa magkasalungat na gilid ng tangkay na may habang anim hanggang sampung milimetro. Ito ay madalas ilagay sa tulayan na may takip dahil ang laki nito’y hindi bababa sa dalawa’t-kalahating metro at maaaring umabot ng walong metro habang patuloy itong lumalaki. Samantala, ang dahon ng niyog-niyogan na may matulis na dulo ay maaaring lumaki ng hanggang 15 sentimetro at lumawak ng higit limang sentimetro. Matapos ang anim na buwan, ang paglago at pagkalanta ng matandang palumpong ay nagpapahintulot sa baging upang mabilis na umakyat ng pader, puno, at iba pa.

Ang niyog-niyogan ay buong taon kung mamulaklak at kumpol-kumpol kung ang mga ito ay tumubo. Ang mga bulaklak ay nakabuka sa gabi at may limang maliwanag na pulang talulot na nagbibigay ng natatanging pabango. Ang mga batang bulaklak ng niyog-niyogan ay kulay puti sa umpisa at pagkatapos ay nagiging kulay rosas at pula habang tumatanda. Nagbubunga rin ito ng prutas na lumalaki ng hanggang tatlong sentimetro.

Ang niyog-niyogan ay karaniwang tumutubo sa mga lugar na may tropikal na klima, katulad ng Africa, China, Malaysia, Papua New Guinea, Taiwan, Vietnam at Pilipinas.

Katangian at paraan ng paggamit

Ang niyog-niyogan ay kayang magbigay lunas para sa mga sumusunod na kondisyon:

  • Pagkakaroon ng bulate - Ang buto ng niyog-niyogan ay kinakain ng pasyente nang hilaw, dalawang oras bago ang huling pagkain sa araw na iyon.
    • 10 buto – Para sa may mga hustong gulang.
    • 4 buto – Para sa edad apat hanggang pito.
    • 6 buto – Para sa edad walo hanggang siyam.
    • 7 buto – Para sa edad 10 hanggang12.
  • Ubo
  • Pagtatae
  • Sakit ng katawan – Lapatan lamang ng dahon ang apektadong bahagi.
  • Kabag
  • Rayuma – Gamitin ang katas o pinaglagaan ng ugat.
  • Sakit ng ngipin – Ipang-mumog ang pinaglagaan ng bunga nito.
  • Nephritis – Gamitin ang bunga at buto.

Paalala

Mahalagang kumonsulta sa doktor para sa tamang dosis dahil ang labis na paggamit nito ay maaaring maging sanhi ng pagsinok.

Sanggunian