Pagtatae

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Multiple rotavirus particles.jpg

Ang pagtatae (diarrhea sa wikang Ingles) ay tumutukoy sa kalagayan kung saan mahigit sa tatlong beses ang madalas at matubig na pagdumi. Ang pagtatae, kapag di naagapan, ay nagiging sanhi ng panunuyo ng katawan at iba pang mga komplikasyon.

Contents

Sanhi

Ang pagtatae ay karaniwang sanhi ng bacteria, parasitiko, o mga virus na madalas mula sa pagkain o tubig. Gayundin, ito ay maaring sintomas ng mga sumusunod na kondisyon:

  • Gastroenteritis – Pangkalahatang katawagan para sa pamamaga at pagkairita ng gastrointestinal tract.
  • Inflammatory bowel disease (IBD) – Pamamaga sa maliit na bituka at colon.
  • Irritable bowel syndrome (IBS) – Pangkaraniwang karamdaman ng bituka na humahantong sa paghihilab, kabag, at pagbabago sa bowel movement.
  • Epekto ng gamot.
  • Artipisyal na asukal tulad ng sorbitol at mannitol.
  • Resulta ng operasyon sa tiyan.

Sintomas

  • Madalas na pagdumi na hindi bababa sa tatlong beses sa isang araw.
  • Paghilab at pananakit ng tiyan.
  • Lagnat (102 antas Fahrenheit o higit pa).
  • Panginginig
  • Kawalan ng pagpipigil sa pagdumi.
  • Kawalan ng sapat na tubig sa katawan.

Pagsusuri

Bukod sa isang kumpletong pisikal na eksaminasyon, pagkuha ng kasaysayang medikal, at mga pagsusuri sa dugo, ihi, at dumi, maaari ring gamitin ang mga sumusunod upang malaman ang sanhi ng pagtatae:

  • Sigmoidoscopy – Ang nagbibigay-daan sa doktor upang suriin ang isang bahagi sa loob ng malaking bituka. Nakakatulong ito sa pagkilala ng mga dahilan ng pagtatae at iba pang mga kondisyon.
  • Colonoscopy – Dito, kumukuha ng maliit na piraso ng tisyu sa aporo ng colon gamit ang colonoscope na gagamitin para sa karagdagang pagsusuri.
  • Fasting test – Kinikilala ng pagsusuring ito ang food intolerance o partikular na mga pagkain na maaaring pinanggagalingan ng iritasyon ng bituka.
  • Imaging tests gaya ng X-ray, magnetic resonance imaging, CT scan, at ultrasound.

Paggamot

Sa maraming mga kaso, ang pagtatae ay kusang nawawala. Gayunpaman, sa mga malubhang kaso nito, ang doktor ay maaaring magreseta ng diphenoxylate at atropine. Gayundin, karaniwang naiinom ang mga gamot na mabibili over-the-counter tulad ng:

  • Loperamide – Nagpapabagal sa ritmo ng pagtunaw ng pagkain nang, sa gayon, ang maliit na bituka ay magkaroon ng maraming oras para sumipsip ng likido at nutrisyon mula sa pagkain.
  • Attapulgite – Tinutulungan nito ang katawan na alisin ang bacteria na nagiging sanhi ng pagtatae.
  • Bismuth subsalicylate

Ang dosis ng gamot ay nakabase sa edad, medikal na kasaysayan, at pangkalahatang kalusugan ng pasyente

Bawal sa taong nagtatae ang mga pagkaing malangis, gawa sa gatas, at iyong matataas sa fiber content. Unti-unting maaring magdagdag ng semi-solid at low-fiber na mga pagkain sa diyeta, gaya ng biskwit, tostadong tinapay, itlog, kanin, at manok. Gayundin, pinapayuhan ang pasyente na uminom araw-araw ng maraming likido, tulad ng tubig, sabaw, at katas ng prutas maliban na lang sa katas ng mansanas at peras.

Paalala

Ang pagtatae ay maaaring maging malubha o nakamamatay para sa mga sanggol at matatanda dahil sa pagkawala ng mga electrolyte sa katawan.

Sanggunian

  • "Diarrhea." NDDIC. (Hinango noong Hulyo 12, 2012)
  • "Diarrhea." Better Medicine. (Hinango noong Hulyo 12, 2012)
  • "Diarrhea." University of Maryland Medical Center. (Hinango noong Hulyo 12, 2012)

Pagkilala

Wikihealth cit.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiHealth sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.