Pawis

From Wikihealth
Revision as of 15:09, 26 May 2011 by Julie (Talk | contribs)

(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to: navigation, search
Pawis.

Ang pawis ay malinaw at maalat na likidong lumalabas sa balat ng tao. Ang pagpapawis ay isang paraan upang ang tao ay malamigan. Karaniwang pinagpapawisan ang ilalim ng braso o kili-kili, ang mga paa at kamay, at ang leeg lalo na kapag mainit ang panahon.

Contents

Likas na katangian

Ang pawis ay binubuo ng tubig at iba pang mga kemikal katulad ng ammonia, urea, asin, at asukal mula sa katawan. Ang normal na temperature ng katawan nasa 37 Celsius. Kapag mas mainit na ang pakiramdam, ang katawan ay pinagpapawisan na.

Ang 'sweat glands ang siyang nagpapapawis sa balat. Lumalabas ang pawis sa balat mula sa maliliit na butas nito. Mainam at nakakatulong na magpalamig ng katawan ang paglabas ng pawis lalo na kapag mainit ang panahon o katatapos lamang ng mabigat na trabaho o ehersisyo. Malamig sa pakiramdam kapag ang pawis ay nahahanginan.

Klase ng pagpapawis

Ang pagpapawis ng labis ay karaniwang nararanasan habang at pagkatapos mag-ehersisyo, kapag nakakaramdam ng kaba o takot, o kung may lagnat. Ang mga babaeng dumaranas ng menopause ay nakakaramdam din ng labis ng pagpapawis.

  • Hyperhidrosis – Ito ang tawag sa labis na pagpapawis. Kadalasan, ito ay sintomas ng pagkakaroon ng karamdaman kagaya ng thyroid o nervous system disorder at ang pagkakaroon ng mababang lebel ng asukal sa dugo. Mahalagang ikonsulta ito sa doktor. Ang doktor ay maaaring magbigay ng suhestiyon upang malunasan ang kundisyon sa pamamagitan ng paggamit ng anti-perspirant, iniksyong botox injections, iontophoreis, o di kaya’y operasyon.
  • Anhidrosis – Ito ang tawag sa kondisyong hindi nakararanas ng pagpapawis. Ang hindi pagpapawis ay maaaring humantong sa pag-overheat ng katawan. Ang anhidrosis ay nagiging sanhi ng dehydration, pagkasunog ng balat, o ibang karamdaman ng balat at mga ugat.

Klase ng sweat glands

  • Eccrine sweat glands – Natatagpuan sa buong katawan.
  • Apocrine sweat glands – Natatagpuan sa anit, sa kili-kili, at sa singit. Ang mga ito ay kadalasan nagkakaroon ng kakaibang amoy kapag pinawisan dahil sa paghalo ng pawis sa bacteria. Upang maiwasan ang kakaibang amoy, mahalagang mapanatiling tuyo ang balat sa mga parte ng katawang nabanggit. Ang pagpapalit ng damit kapag pinagpawisan ay isa ring paraan upang hindi magkaroon ng amoy.

Amoy-pawis

Ang pawis ay humahalo sa mga dumi kagaya ng bacteria sa katawan at ito ay nagdudulot ng amoy. Sa mga nagbibinata at nagdadalaga, ang pagkakaroon ng espesyal na hormones ay nakaka-apekto sa parteng kili-kili kaya nagkakaroon ito ng amoy kapag sila ay pinawisan.

Pamamaraan upang maiwasang magkaroon ng kakaibang amoy

  • Pagiging malinis sa katawan gaya ng pagligo araw-araw lalo na kapag mainit ang panahon at ang pagpapawis ay hindi maiiwasan. Ang paggamit ng sabon na may sangkap ng anti-bacterial ay makatutulong upang maiwasan ang amoy kapag pinagpawisan.
  • Pagpapalit ng damit o pagpunas sa pawis. Ang damit na pinagpawisan na ay hindi dapat isuot muli.
  • Pag-iwas sa mga pagkakaing nagdudulot ng kakaibang amoy kapag pinawisan.
  • Pag-iwas sa pag-inom ng maraming tsaa at inuming may caffeine.
  • Paggamit ng anti-perspirant at deodorant na may aluminium chlorohydrate or zirconium.

Dehydration

Kapag pinagpawisan ang isang tao, kailangang mapalitan ang tubig na nawala sa katawan sa upang hindi magkaroon ng dehydration.

Ang dehydration ay kakulangan ng tubig ang katawan. Bukod sa pakiramdam ng matinding pagka-uhaw, ang taong may dehydration ay:

  • Nahihilo at palaging pagod;
  • Mabilis ang tibok ng puso;
  • Tuyo ang mga labi at bibig; at,
  • Hindi umiihi ng tama at ang ihi ay may madilim na kulay at kakaibang amoy.

Upang maiwasan ang dehydration, nakabubuting uminom ng maraming tubig lalo na kapag mainit at pinagpapawisan ng sobra. Importante din ang pagsusuot ng manipis na damit upang maiwasan ang labis na pagpapawis. Ang pagkain ng mga prutas at gulay na matubig ay isang paraan upang maiwasan ang dehydration.

Kumunsulta sa doktor

Tandaan na ang pawis at ang pagpapawis ay normal lamang. Ang pag-iwas sa hindi magandang amoy ng pawis ang dapat bigyan ng pansin. Kapag labis o kulang ang pagpapawis, dapat kumunsulta sa doktor upang malaman ang tunay na dahilan ng kondisyon.

Sanggunian

  • Perspiration. DoctorGoodSkin.com. (Hinango noong 15 Mayo 2011.)
  • Sweat. Medline Plus. (Hinango noong 15 Mayo 2011.)