Pigsa

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Furoncle.jpg

Ang pigsa o furuncles ay isang impeksiyon sa balat na nag-uumpisa sa isang hair follicle o oil gland sa balat. Sa umpisa, ang balat ay nagiging mapula sa lugar ng impeksiyon at isang malambot na bukol ang nabubuo. Pagkatapos ng apat hanggang pitong araw, ang bukol ay nagsisimulang maging kulay puti habang naiipon sa ilalim ng balat ang nana. Ito ay karaniwang tumutubo sa lugar ng mukha, leeg, kilikili, balikat, at puwit.

Contents

Uri

  • Kuliti – Isang matinding impeksiyon sa secretory gland ng talukap ng mata.
  • Carbuncle – Mapula, namamaga, at masakit na kumpol ng pigsa na konektado sa bawat isa sa ilalim ng balat.

Sanhi

Ang pigsa ay karaniwang sanhi ng isang mikrobiyo tulad ng Staphylococcal aureus na siya ring dahilan ng ng pulmonya at endocarditis. Pumapasok ang mikrobyong ito sa katawan sa pamamagitan ng maliit na pingas o hiwa sa balat.

Sintomas

Palatandaan ng isang malubhang impeksiyon:

  • Ang balat sa paligid ng pigsa ay nagiging mapula, masakit, mainit, at namamaga.
  • Maaaring magkaroon ng lagnat.
  • Maaaring tumubo ang isang kulani.

Komplikasyon

  • Methicillin-resistant staphylococcus aureus (MRSA) – Paglitaw ng uri ng Staphylococcus aureus na hindi nagagamot.
  • Sepsis o pagkalason ng dugo

Kondisyon

Mga kondisyon na madaling kapitan ng pigsa o impeksiyon sa balat:

  • May sakit na diabetes.
  • May problema sa sistemang imyuno.
  • Walang sapat na nutrisyon.
  • Hindi tama ang kalinisan.
  • Pagkakalantad sa mga mababagsik na kemikal na nakakairita sa balat.
  • Mga pasyenteng nagpa-transplant, gumamit ng corticosteroid, o may HIV.
  • Kamakailan lamang na naospital.

Pagsusuri

Ang doktor ay maaaring magsagawa ng pisikal na pagsusuri upang tukuyin ang dahilan ng pagkakaroon ng pigsa na maaaring may kinalaman sa isang impeksiyon sa balat. Maaari ding magsagawa ng pagtistis o blood test kung may alalahanin sa kalubhaan ng impeksiyon. Kapag ang impeksiyon ay malubha, ang doktor ay maaari rin na magreseta ng antibyotiko.

Lunas

  • Warm compress – Kumuha ng bimpo at ibabad sa mainit-init na tubig saka ilapat sa pigsa. Maaari nitong bawasan ang sakit at tulungan na tipunin ang nana sa ibabaw ng balat. Kapag naipon na ang nana, muling ilapat ang warm compress hanggang sa ito’y pumutok.
  • Kapag nag-umpisa nang masaid ang pigsa, hugasan ito ng antibacterial na sabon hanggang matanggal ang nana. Pagkatapos, maglagay ng ointment at saka bendahan. Magpatuloy sa paghugas sa nahawaang lugar dalawa hanggang tatlong beses sa isang araw at gumamit ng warm compress hanggang sa ang sugat ay gumaling.

Agad na humingi ng pangangalagang medikal kapag:

  • Namamaga ang kulani.
  • May lumitaw na pulang guhit sa paligid na balat ng pigsa.
  • Tumindi ang sakit.
  • Madalas na pagkakaroon ng pigsa.
  • Ang pigsa ay masyadong malaki, hindi gumaling sa loob ng dalawang linggo, o may kasamang lagnat.

Paano ito maiiwasan

  • Linisin at gamutin ang menor na sugat sa balat.
  • Panatilihin ang tamang pansariling kalinisan.
  • Manatiling malusog.
  • Labhang maigi ang ginamit na mga damit, gamit sa kama, at tuwalya ng isang miyembro ng pamilya na may pigsa.

Paalala

  • Huwag gumamit ng karayom sa pagputok ng pigsa dahil maaari nitong palalain ang impeksiyon.
  • Ang pigsa ay karaniwang hindi nangangailangan ng biglaang atensyon. Ngunit para sa may mahinang kalusugan, agad na pumunta ng ospital kapag nagkaroon ng mataas na lagnat at panginginig kasama ng impeksiyon.

Sanggunian


Pagkilala

Wikihealth cit.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiHealth sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.