Problema sa Balat

From Wikihealth
Jump to: navigation, search

Ang mga problema sa balat ay karaniwan sa lahat ng tao anumang edad. Pangangati, pamamantal, pagkakaroon ng fungus o impeksyon, o bukol man, may mga gamot na maaaring gamitin upang malunasan ang iba’t ibang uri ng problemang ito. Kadalasang nakadepende ang mga problema sa balat batay sa kung anong uri ng balat mayroon ang isang tao. Kung hindi maiiwasan, maaaring mauwi ang ito sa mga sakit sa balat.


Contents

Mga Uri

Acne

Pagkakaroon ng taghiyawat, blackheads, whiteheads, nana, at ilang butlig ay mga tanda ng acne.

Rosacea

Pabalik-balik na pamumula ng mukha, taghiyawat o maliliit na bukol sa mukha, maliliit at buong nana, mahapding pakiramdam—tulad ng sunburn—na lalong nakikita kapag ngumingiti o sumisimangot, pagkapal ng balat sa ilong.

Psoriasis

Pagkakaroon ng patsi-patsing marka, pamumula o pamamaga sa balat na kadalasang natatakpan ng kaliskis. Makati at masakit na kung minsa’y may lamat at nagdurugo ang mga ito. Makaliskis na bahagi ng anit, sakit sa kuko sa kamay at paa.

Paltos

Isang tila paglobo ng balat na nagtutubig na maaaring malaki o maliit. Depende sa sanhi, maaaring maging masakit, mapula o makati ang paltos.

Dagandang o sunburn

Pamumula ng balat na kadalasang mahapdi at malambot kapag hinawakan. Kapag mas matagal nabilad sa araw, ang balat ay magkakalapnos at di kalaunan ay matutuklap. Ang matinding kaso ng dagandang, lalo na yaong may kasamang heat exhaustion at dehydration, ay may mga sintomas na pagkahilo, lagnat, rashes, malalang pagkalapnos, at pagsusuka.

Linyang Muehrcke sa mga kuko

Lumalabas na dobleng puting linya sa kuko. Kadalasang nakikita sa ikalawa, ikatlo at ikaapat na daliri. Nagmumukhang malusog ang kuko sa pagitan ng mga linya subali’t habang humahaba ang kuko, hindi gumagalaw ang mga linya.

Pasalingsing na buhok o ingrown hair

Buhok na tumubo sa balat na pakulot imbes na unat. Makati sa balat at nagdudulot ng mapulang butlig o pulu-pulong butlig na mukhang taghiyawat. Maaaring mapansing may nana sa loob ng butlig o makita ang buhok na nagdudulot ng problema.

Gangrene

Isang kundisyong dulot ng pagkamatay ng body tissues. Nawawalan ng suplay ng dugo ang apektadong bahagi ng katawan dahil sa sakit, impeksyon o/at pagkapinsala. Kadalasang nangyayari ito sa mga daliri sa mga kamay at paa, braso at binti, at maaari ring mangyari sa mga kalamnan at organs sa loob ng katawan.

Cellulite

Taba sa ilalim ng balat. Nagmumukhang maumbok dahil tinutulak nito ang tissue na nasa balat na nagdudulot dito para kumunot. Karaniwang nakikita ito sa hita at pisngi ng puwet. Bagama’t may tunog na kundisyong medikal, isang normal na taba sa ilalim ng balat.

Kagat ng Surot

Makakating pantal sa anumang bahagi ng balat na nakagat ng surot. Maliliit na insektong nabubuhay sa dugo ng mga hayop o tao ang mga surot. Karaniwang makikitaan ng mantsa ng dugo o mabahong amoy na nagmula sa surot ang palatandaang mayroon nito sa kama o inuupuan.

Perioral Dermatitis

Pagpapantal sa mukha na kadalasang nakikita sa bahagi ng bibig. Paminsa’y nagkakaroon din nito sa paligid ng mata, ilong, o noo. Karaniwang nakikita ito sa mga kababihan (90% kaso)

Pangkaraniwang pagpapantal

Hindi normal na pagbabago sa kulay at tekstura ng balat. Kadalasang sanhi ng pamamaga, ilan sa mga uri nito ay eczema, granuloma annulare, lichen planus, and pityriasis rosea.

Eczema

Kadalasang nagkakaroon nito sa mga kamay, siko at likuran ng tuhod. Makati, mapula, tuyo at makaliskis ang bahagi ng balat na may eczema. Nagkakaroon din ng maliliit na butlig-butlig na maaaring magtubig kapag kinamot.

Cellulitis

Ilan sa mga kaso ng cellulitis ay lumalabas sa mga bahagi ng katawang nagkaroon ng trauma, kung saan nagbukas ang balat gaya ng sugat matapos operahan. May mga pagkakataon ding nangyayari ito kahit walang bukas na sugat. Sa mga ganitong kaso, hindi alam kung saan nanggaling ang bakterya. Mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng cellulitis ang mga may diabetes o sira sa sistemang imuno gaya ng AIDS/HIV.

Fungal Infections

Nagdudulot ito ng pagbabalat, pamumula, pangangati o pagkapaso at kung minsa’y pagbubutlig sa paa. Karaniwan ding nagkakaroon ng makaliskis na tekstura ang apektadong bahagi na kung minsa’y nabibitak-bitak.

Paltos

Karamihahan sa mga paltos ay sanhi ng iritasyon o pagkapinsala sa balat dahil sa ibang bagay gaya ng sapatos, bagama’t may ibang kasong dulot ng sakit sa loob mismo ng katawan. Madalas itong nangyayari sa parating pagkiskis o paso sa mga kamay o paa.

Bukol

Maraming kundisyon sa balat ang nakapagdudulot ng bukol sa ibabaw o ilalim ng balat. Ilan sa mga ito ay cherry angioma, dermatofibromas, epidermoid cysts, folliculitis, keratoacanthoma, keratosis pilaris, lipomas at neurofibromas. Maaaring walang sakit at makinis kapag hinawakan ang mga bukol.

Pangangati

Maraming kundisyon sa balat ang maaaring magdulot ng pangangati gaya ng pagkakaroon ng tuyot at sakit sa balat, pagbubuntis, at kung minsa]y kanser.

Peklat

Normal na nagkakaroon ng peklat sa paghilom ng sugat sa balat. Bunga ito ng prosesong bayolohikal ng pagpapahilom ng sugat. Palubog o di kaya’y parang may ukit ang hitsura ng peklat. Mayroon din namang mapusyaw o pantay sa balat na mga peklat.

Kulugo

Dulot ng human papillomavirus (HPV) ang mga pagtubo sa balat ng kulugo. Kadalasang lumalabas ito sa mga daliri, malapit sa kuko, o sa mga kamay. Ilang uri ng HPV ang maaaring makapagdulot ng kulugo sa bahagi ng ari.

Molluscum Contagiosum

Hitsurang perlas na mga bukol (papules) sa balat ang sintomas ng molluscum contagiosum, isang impeksyong viral sa balat. Maaaring tumagal ito ng ilang buwan hanggang ilang taon. Kadalasan itong nakikita sa mukha, katawan, mga kamay at paa ng mga bata at sa ari, tiyan, at loobang bahagi ng pigi sa mga matatanda. Bagama’t hindi masakit, makati ang mga molluscum contagiosum papules na ito.

Tagulabay

Ang hives ay mapupula at makakating butlig sa balat. Sanhi ito ng allergic reaction ng balat sa ilang uri ng gamot o pagkain. Kadalasang nagbabago ang hugis at sukat nito at lumilipat sa iba't ibang bahagi ng katawan. Pangkaraniwan itong nawawala pagkalipas ng ilang oras o araw. Ang siyentipikong pangalan ng hives ay urticaria.

Alopecia Areata

Pangatlo sa mga pinaka pangkaraniwang anyo ng pagkalagas ng buhok ang alopecia areata. Dalawa sa bawat isang daang katao ang nagkakaroon nito sa isang punto ng kanilang buhay. Walang pamumula o sakit subali’t ilang tao ang nakaranas ng pangangati o masakit kapag hinahawakan ang apektadong bahagi sa mga unang yugto ng alopecia. Kadalasan, makikita lamang ang isang patse ng pagkalagas ng buhok.

Vitiligo

Biglaang pagkawala ng normal na kulay ng ibang bahagi ng balat ang sintomas ng vitiligo. Simulang lumalabas ang ilang puting marka at tumatagal ng ilang panahon. Kilikili, bahaging dating nasugatan, paligid ng nunal, o mga bukas na bahagi ng katawan ang mga karaniwang apektado ng vitiligo.

Pagbabago sa Kulay ng Balat

Pigmentation ang tawag sa kulay ng balat ng tao. Sa mga pagkakataong may sakit o pagkakasugat, maaaring magbago ang kulay ng balat. Kung paitim ang kulay, tinatawag itong hyperpigmentation at hypopigmentation naman kung paliwanag ang kulay. Isang halimbawa ng hyperpigmentation ang melasma (chloasma). Vitiligo at albinism ang ilang halimbawa ng hypopigmentation.

Spider Veins at Varicose Veins

Ang mga spider veins ay maliliit at pilipit na ugat na nakikita sa balat. Maaaring kulay ube, pula o asul ang lumabas sa binti at mukha na hitsurang sapot ng gagamba. Nag varicose veins naman ay mga ugat na bakat sa balat na parang tali. Madalas na nananakit ang mga binti o mabigat sa pakiramdam at makati ang bahaging mayroon nito.

Kulubot

Tumatanda ang balat sa buong katawan lalo kung nabibilad sa araw. Kasama sa mga pagbabagong dala ng pagkasira ng balat dahil sa araw photoaging ang pangungulubot. Madalas itong nakikita sa mga bahagi ng katawan na kadalasang nabibilad sa araw gaya ng mukha, leeg, likod ng mga kamay at ibabaw ng braso.

Kulubot (Kuha ni Greg Gladman mula sa Flickr.com. Reserbado ang ilang karapatan.)


Carbuncles

Mapula, nakaumbok at masakit na kumpol ng singaw na magkaka-ugnay ang nakikita kapag may carbuncles. Dahil sa nagmumula ito sa impeksyon sa sisidlan ng buhok, karaniwang nagkakaroon ng carbuncle sa mabuhok na bahagi ng katawan gaya ng batok. Maaari rin itong tumubo sa pisngi ng puwet, pigi, singit, at kilikili.

Leprosy o Ketong

Ang ketong ay sanhi ng mikrobyong Mycobacterium leprae. Ito ay isang mikrobyong hindi halos nakakahawa at mahirap makuha. Matagal na panahon ang inkubasyon nito na mula 5 hanggang 20 taon. Dahil dito, mahirap malaman kung saan nakukuha ang sakit at matagal din bago lumabas ang mga sintomas. Ang pinakaunang tanda ng ketong ay marka o batik na medyo mapula o mas maitim kaysa sa kulay ng balat. Ang batik na ito ay maaring mawalan ng pakiramdam at buhok. Sa ilang mga tao, ang kaisa-isang tanda ay ang pagkawala ng pakiramdam sa isang daliri sa kamay o sa paa.







Pangangalaga sa Balat

Narito ang ilang paraan para mapangalagaan ang balat:

  • Gumamit ng sunblock

Karamihan sa mga problema sa balat ay sanhi ng sobrang pagkakabilad sa araw. Kailangang magpahid ng sunblock na may SPF 30 araw-araw upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga linya at kulubot at hindi pantay na kulay sa balat.

  • Magdagdag ng antioxidant sa pangangalaga sa balat at pagkain

Maaaring magpahid ng mga creams na may bitamina A, bitamina E at bitamina C sa balat. Ipinapayo rin ang pagkain ng matitingkad na kulay na mga prutas at gulay. Mainam din ang mga pagkaing mayaman sa protina, fiber, at magagandang taba. Ang tamang sinag ng araw sa umaga ay nakatutulong sa pagkakaroon ng bitamina D sa katawan.

  • Ugaliin ang tamang paglinis ng mukha

Bukod sa paghilamos ng tubig sa mukha, maaari ring gumamit ng tamang cleanser o exfoliating cream. Siguruhin lamang na walang sangkap na makasasama sa balat ng mukha ang mga gagamiting sabon.

  • Mag-ehersisyo

Bukod sa nakatutulong ang pag-eehersisyo sa pagkakaroon ng magandang pangangatawan at kalusugan, nakapagdudulot din ito ng magandang balat. Nakababawas din ito sa mga kulubot at ilang pagkasira ng balat dulot ng stress.



Sanggunian


Pagkilala

Wikihealth cit.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiHealth sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.