Puki

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Vagina.jpg
Ang puki ay ang lastiko at maskuladong lagusan ng matris at sipit-sipitan palabas ng katawan. Ito ang tumatanggap sa ari ng lalaki sa pagtatalik at nagsisilbing daanan ng regla. Sa panganganak, nagsisilbi itong birth canal o daanan ng sanggol palabas ng ina.

Contents

Anyo

Ang puki ay isang mala-tubong lagusan na may habang nasa dalawa’t kalahati hanggang apat na pulgada at may diyametrong isang pulgada. Nagtatapos ito sa bukana ng cervix.

Tumatayo ang mga dingding ng puki kapag napupukaw ang pagnanasang makipagtalik ng babae dahil sa dagdag na dugong umaagos sa mga daluyang nakaligid dito. Kapag walang pagnanasa sa pakikipagtalik, ang puki ay karaniwang naka-sarado at ang mga dingding ay nakabagsak.

Bahagi

  • Introitus - Ang bukana ng puki sa pagitan ng urethra at anus.
  • Hymen - Manipis na tisyu na nakaligid at nagpapakitid sa bukana ng puki. Maaari itong mapunit o masira dahil sa sekswal na aktibidad o pag-ehersisyo.
  • Mga sapin:
    • Mucosa – Gawa sa malambot at non-keratinized stratified squamous epithelium, nagbibigay ng pampadulas at pakiramdam.
    • Submucosa – Tulad ng dermis sa ibang bahagi ng katawan.
    • Muscularis – Nakahalo sa tisyu ng submucosa at adventitia.
    • Adventitia – May kakapalan at may mataas na sukat ng elastin para sa pagiging maunat ng puki.
    • Serosa (peritoneal layer) – Hanggang sa cul-de-sac o pouch of Douglas lamang, sa likod ng matris.

Istruktura

Ang suporta ng istruktura ng puki ay nanggagaling sa mga kalamnan at kalitiran ng pelvis. Nagbibigay ng dagdag na suporta ang pagkakaipit din nito sa pagitan ng mga kalamnan ng rectum at pantog.

Maskulado ang puki at pinagyayaman ng maraming daluyan ng dugo. Mayroon man itong mga nerbyo, ang pang-itaas na bahagi ng puki ay halos hindi sensitibo. Ang pang-ibabang bahagi naman ay tumitindi sa pakiramdam hanggang introitus na labis ang pagkasensitibo. Ngunit, ang puki mismo ay walang mekanismo para sa stimulasyon at orgasmo ng babae.

May sariling sistema ng paglilinis at pamamahala ng sarili ang puki. May mala-asido itong katangian (pH=3.5 to 4.5) na pabor sa pagtubo ng mga organismong naninirahan dito lalo na ng lactobacillus acidophilus. Ang bakteryang ito ang namamahala sa kalusugan ng puki sa paglimita ng pagtubo ng mga organismong pathogenic dahil sa hydrogen peroxide at lactic acid na ginagawa nito. Mababa din ang glucose sa likido sa puki para hindi tubuan ng fungi.

Papel sa reproduksyon

Karaniwang makalipas ang sampu hanggang trenta segundo ng sekswal na aktibidad, ang mga daluyan ng dugo sa dingding ng puki ay nagsisimulang maglabas ng likidong pampadulas. Habang tumataas ang sekswal na pagnanasa, humahaba ang vaginal canal ng dalawa pang pulgada para umabot ng mga anim na pulgada.

Ang pang-itaas na 2/3 ng puki na papuntang cervix ay lumalaki ng higit sa doble nitong sukat, kumpara sa panahon na hindi ito nagnanasa. Ang ibabang ikatlong bahagi naman papuntang introitus ay kumikitid at sumisikip para makabuo ng clitoral cuff. Ang paninikip na ito ay nakakadagdag sa pagkikiskis na kumakatas sa glans penis at nagiging sanhi ng pagraos ng lalaki.

Mga kondisyon at karamdaman

  • Vaginitis – Pamamaga ng puki, karaniwang dahil sa impeksyon mula sa yeast o bakterya. Tipikal na sintomas ang pangangati, kakaibang amoy at likidong lumalabas.
  • Vaginismus – Inboluntaryong paninikip ng mga kalamnan ng puki habang nagtatalik. Maaaring dala ng emosyonal na pagkabagabag o mga medikal na kondisyon.
  • Vaginal wart – Mga kulugo o butig na dala ng human papillomavirus (HPV).
  • Trichomoniasis – Impeksyon ng puki dahil sa mga mikroskopikong parasitiko na trichomonas na nakukuha sa pakikipagtalik.
  • Bacterial vaginosis (BV) - Sumasagabal sa balanse ng mabuting bakterya sa puki at sanhi ng baho at kakaibang lumalabas na likido. May kinalaman ang douching o pakikipagtalik sa panibagong kaparareha.
  • Herpes simplex virus (HSV) - Maaaring walang sintomas o maging sanhi ng maliliit na masakit na mga butlig at naknak na bumabalik-balik.
  • Gonorrhea - Isang bakteryal na impeksyon ng cervix na dala ng pakikpagtalik. Karaniwang walang sintomas kundi kakaibang lumalabas na likido at amoy mula sa puki.
  • Chlamydia – Sanhi ng bakteryang Chlamydia trachomatis na kumakalat mula sa pakikipagtalik. Kalahati lamang ng apektado nito ang maaaring makaramdam ng sintomas tulad ng likidong lumalabas sa puki o pananakit sa puki o puson.
  • Kanser – Hindi karaniwang nangyayari, ngunit ang abnormal na pagdurugo o pagtagas mula sa puki ay maaaring sintomas nito.
  • Vaginal prolapse – Dahil sa nanghinang kalamnan ng pelvis (kadalasan dahil sa panganganak), natutulak ng rectum, matris o pantog ang puki palabas.
  • Panunuyo o iritasyon ng puki dahil sa menopause.

Sintomas

Magpasuri at kumonsulta agad sa doktor kapag nakaramdam ng mga sumusunod:

  • Mainit na pakiramdam sa pag-ihi.
  • Pagdurugo matapos ang pakikipagtalik.
  • Masakit na pakikipagtalik.
  • Kakaibang likidong tumatagas mula sa puki o mabahong amoy.
  • Kirot sa puki, kasama ang pangangati o mainit na pakiramdam.

Pagsusuri

  • Pagsusuri ng pelvis – Gamit ang speculum, maaaring makita ng doktor ang vulva, puki at cervix. Maaari ding masuri ang katibayan ng mga kalamnan sa loob ng pelvis.
  • Papanicolaou smear (Pap smear) – Sa isang pelvic exam, magpapahid ng swab sa cervix at puki para masuri ang mga tisyu at selyula kung may namumuong impeksyon o karamdaman tulad ng kanser.
  • Bacterial culture – Maaaring makatukoy ng mga bakteryal na impeksyon mula sa pagkaka-swab ng cervix at puki.
  • Colposcopy – Gumagamit ng isang uri ng microscope para masuri ng mas maigi ang puki at cervix.
  • Vaginal biopsy – Pagkuha ng maliit na piraso ng tisyu para maipadala sa laboratoryo upang masuri para sa kanser.

Lunas

  • Antimicrobials – Mga medikasyon laban sa mga mikrobyo at [fungus]] tulad ng mga impeksyong dahil sa yeast.
    • Antibyotiko - Laban sa impeksyong bakteryal.
    • Antiviral - Laban sa mga sakit dulot ng mikrobyo, tulad ng herpes.
  • Pang-lunas sa kulugo – Madaming pamamaraan sa pagtanggal ng mga kulugo tulad ng pagpapatigas sa labis na lamig, mga kemikal, at pagsunog gamit ang laser o kuryente.
  • Vaginal pessary – Maglalagay ng maliit na aparato sa loob ng puki para maipirmi ang mga lumalabas na mga organo.
  • Kegel exercise – Ang pag-ehersisyo ng mga kalamnan sa pelvis ay makakatulong sa paggamot o pag-iwas sa vaginal prolapse.
  • Estrogen – Dahil tumutugon sa estrogen ang mga organo ng babae, maaaring gamitin ito sa pagpapasigla ng mga organong ito sa mga babaeng tapos na sa menopause.
  • Pagtitistis – Maaaring gawin sa paggamot ng kanser para matanggal ang tumor o sa vaginal prolapse.

Pangangalaga

  1. Panatilihin ang pangkalahatang kalinisan ng katawan at tandaan na ang puki ay may pamamaraan ng paglilinis ng sarili.
    • Siguraduhing laging malinis at tuyo ang labas ng puki o vulva. Kung may iritasyon, maaaring pahanginan.
    • Maghugas at tuyuin ng mabuti ang mga bahaging maselan pagkatapos dumumi o umihi.
    • Gumamit ng malinis na pamunas pagkatapos umihi kung hindi makakapahugas. Magpunas mula harap papuntang likod.
    • Huwag gamitin ang mga gamit na personal ng ibang tao.
    • Iwasan ang paggamit ng douche o anumang produktong ipapasok sa loob ng puki, liban na lamang kung nirekomenda ng doktor.
    • Huwag gumamit ng ordinaryong sabon para linisin ang loob ng puki. Gamitin ang tamang panlinis na mayroong tamang pH at gawa sa lactic acid, ang natural na produkto ng lactobacillus.
    • Huwag magpahid ng lotion o maglagay ng pabango at pulbos sa puki.
    • Kung gagamit ng tampon, iwasang maiwan ito ng matagal sa loob o ng buong gabi.
    • Marapating magpalit ng sanitary napkin kada mga apat na oras.
    • Huwag palagiang gumamit ng panty liner para hindi makulob ang puki.
    • Huwag kakamutin o lalagyan ng kahit ano’ng bagay ang loob ng puki.
    • Iwasan ang pag-ahit o pagtanggal ng bulbol dahil proteksyon ito laban sa impeksyon.
  2. Magsuot ng tamang damit.
    • Gumamit ng puti at 100 porsiyentong cotton na pangilalim, iwasan ang nylon, acetate o artipisyal na mga tela.
    • Iwasan ang palaging paggamit ng thong.
    • Labhan ang bagong biling damit bago isuot. Gamitan ng banayad na sabon ang pangilalim na damit at banlawan ng mabuti.
    • Siguraduhing malinis at tuyo ang isusuot na pangilalim na damit.
    • Magpalit lagi at huwag hayaang mababad sa basang tela ang labas ng puki.
    • Iwasan ang masisikip na damit. Magsuot ng cotton kung kailangan.
    • Matulog ng walang pangilalim na damit hangga’t maaari.
  3. Panatilihin ang malusog at malinis na pamumuhay.
    • Iwasan ang paninigarilyo.
    • Siguraduhing masustansiya ang pagkain at inumin.
    • Kumain ng yogurt dahil mayaman ito sa mabuting bakterya na natatagpuan din sa puki.
    • Damihan ang paginom ng tubig lalo na kung nakakaranas ng panunuyo.
    • Iwasan ang sobrang kape, asukal at paginom ng alak.
    • Mag-ehersisyo, tulad ng Kegel, para mapanatili ang magandang tono ng mga kalamnan sa pelvis.
  4. Maging responsable at ligtas sa pakikipagtalik. Nakakatulong ang madalas na stimulasyong sekswal na mabagal ang simula, upang magkaroon ng maayos na pagdaloy ng dugo at paglabas ng mga likido ng puki.
    • Huwag gagamit ng petroleum jelly, mineral oil, o iba pang langis bilang pampadulas sa pakikipagtalik para maiwasan ang impeksyon at hindi masira ang gagamiting mga latex na condom o diaphragm.
    • Gumamit ng condom.
    • Limitahan ang bilang ng mga katalik o makipagtalik sa isang kapareha lamang.
  5. Palaging sundin ang payo ng doktor.
    • Kumonsulta sa doktor tungkol sa medikasyon na makakapagpatuyo ng puki.
    • Maaaring gumamit ng vaginal moisturizing creams.
    • Uminom ng niresetang gamot at bitamina.
    • Sundin ang rekumendasyon ng doktor sa pangangalaga at paggamot ng puki kung may kondisyon o karamdaman.
    • Sumailalim sa taunang pagpapasuri sa pangkalahatang kalusugan ng kababaihan at iba pang diagnostikong pagsusuri tulad ng HPV DNA test.
    • Magpabakuna laban sa HPV.

Sanggunian