Rheumatoid arthritis

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Rheumatoidarthritis.jpg
Ang rheumatoid arthritis (RA) ay isang pangkaraniwang pang-matagalang sakit ng mga apektadong kasukasuan. Inaatake ng sistemang imyuno ang aporo ng mga membrane (synovium) na nakapalibot sa mga kasukasuan at maaaring maging sanhi ng permanenteng pagkasira ng nito at iba pang apektadong tisyu at organo ng katawan. Maaari itong magsimula sa anumang edad at maapektuhan ang anumang lahi o kasarian.

Magkaiba ang RA at osteoarthritis dahil maaari din ito makakaapekto sa iba pang mga organo sa katawan. Kilala din ito bilang rheumatoid disease.

Contents

Sanhi

Hindi batid ang direktang sanhi ng rheumatoid arthritis bagamat maaring ito ay dahil sa impeksyon, genes at mga pagbabago sa hormone ng katawan.

Salik ng panganib

  • Kasarian – Mas madalas maranasan ng mga babae.
  • Edad - Maaaring maranasan sa anumang edad ngunit mas karaniwan sa mga nasa edad 40 hanggang 60 taong gulang. Sa kabataan, ito ay tinatawag na juvenile rheumatoid arthritis.
  • Kasaysayan ng sakit sa pamilya.
  • Mga salik sa kapaligiran tulad ng paninigarilyo, pagkakalantad sa mineral na silica at pangmatagalang periodontal disease.

Sintomas

Rheumatoidarthritis2.jpg
Ang rheumatoid arthritis ay karaniwang nakakaapekto sa mga kasukasuan ng galanggalangan, daliri tuhod, paa, at bukong-bukong. Sa unang pagsapit ng sakit, hindi pa ito masyadong mapapansin. Unang maapektuhan ng RA ang maliliit na kasu-kasuan, lalo na ang mga nag-uugnay ng mga kamay sa mga daliri at mga paa sa daliri ng mga paa. Habang tumatagal ang mga sintomas, kumakalat ito hanggang sa mga siko, balakang at mga balikat.

Madalas mabagal nagsisimula ang pagkirot, may bahagyang kawalan ng pagkilos at pagod na mararamdaman. Paglaon, ang synovium ay lubos na mamumula at mamamaga. Ito ay magiging dahilan ng paggawa ng sobrang likido sa kasu-kasuan o synovial fluid. Nangangapal din ang synovium sa pamamaga (synovitis). Sa paglipas ng panahon, maaaring magpabalik-balik ang RA at ang mga kasu-kasuan ay maaaring mawala sa tamang paggalaw at anyo. May tatlong yugto ang mga sintomas:

  1. Aktibo
    • Pagkahapo
    • Kawalan ng ganang kumain.
    • Mababang lagnat.
    • Pagka-iritable
    • Paglakad ng pa-ika.
    • Kahirapan matulog.
    • Paninigas ng mga kalamnan at kasukasuan sa paggising sa umaga na tumatagal ng higit sa isang oras.
    • Mainit-init, may kaselanan, at katigasan ang apektadong kasukasuan kapag hindi ginagalaw sa loob ng isang oras.
    • Madalas na nadadama sa parehong kasukasuan sa magkabilang panig ng katawan. Kapag sa isang panig lamang ang namamaga, maaaring mapapagkamalang ibang uri ng sakit sa buto, tulad ng gout o impeksyon sa kasukasuan.
    • Pamamanhid, tingling, o pakiramdam na mainit ang kamay at paa.
    • Hirap sa paggalaw.
    • Pananakit ng dibdib kapag humihinga (pleurisy).
    • Panunuyo ng mga mata at bibig (Sjogren's syndrome).
    • Pakiramdam na mainit ang mga mata, pangangati at pagtutubig.
    • Mga rheumatoid nodule o bukol sa ilalim ng balat.
  2. Hindi aktibo o nasa remission – Humuhupa at nawawala ang pamamaga at maayos ang pakiramdam ng pasyente. Maaaring mangyari ng biglaan o dahil sa medikasyon at tumagal ng ilang linggo, buwan o taon.
  3. Muling pag-aktibo o relapse – Tinatawag na flare, karaniwang nangyayari kapag may iba pang karamdaman o nararamdamang stress.

Pagtukoy

Walang iisang pagsusuri na eksaktong nakakatukoy sa rheumatoid arthritis. Madalas na ilang beses kailangan magpasuri sa doktor para sa tiyak na diyagnosis dahil maaaring mapagkamalang ibang sakit ang RA sa unang yugto nito.

Ang pagtukoy ng RA ay base sa kombinasyon ng pagsusuri ng mga kasukasuang apektado, mga sintomas ng paninigas at pamamaga, rheumatoid factor at citrulline antibody sa dugo, pati na din ng mga rheumatoid nodule at mga pagbabagong nakikita sa mga X-ray.

Mga karaniwang ginagawa sa pagtukoy:

Resulta

Ang karamihan sa mga apektado ay magkakaroon lamang ng ilang resultang abnormal ngunit may ilan pa ding mga pasyente na normal naman ang resulta ng lahat ng mga pagsusulit bagamat sila ay mayroong rheumatoid arthritis.

Klasipikasyon ng kalubhaan

  1. Unang yugto - Walang pagkasirang nakikita sa mga X-ray bagamat may senyales ng panipis ng buto.
  2. Pangalawang yugto - May makikitang pagnipis ng buto sa paligid ng kasukasuan at maaaring may kaunting pagkasira ng buto at kartilago. Maaaring limitado na ang paggalaw ngunit wala pang pagkakasira ng kasukauan na maoobserbahan. Gayunman, posibleng may pinsala na ang kaharap na kalamnan at mga nakapaligid na tisyu.
  3. Pangatlong yugto - Makikita ang paninipis ng buto. May pinsala na rin dito at sa kartilago at kaharap na kalamnan. Gayundin ang kasukasuan bagamat hindi pa permanente ang paninigas nito. May mapapansing abnormalidad sa mga nakapaligid na malalambot na tisyu.
  4. Pang-apat na yugto - Bukod sa mas malala at malawakan ang mga sintomas kumpara sa ikatlong yugto, mararanasan na ang osteoporosis at ankylosis).

Klasipikasyon ng mga taong may rheumatoid arthritis

  1. Unang klase - Kayang-kaya gawin ang lahat ng karaniwang ginagawa sa pang-araw-araw.
  2. Pangalawang klase - Kayang alagaan ang sarili at gawin ang mga trabaho ngunit nahihirapan sa ibang gawain tulad ng mga isports at gawain-bahay.
  3. Pangatlong klase – Kayang alagaan ang sarili ngunit limitado sa paggawa sa trabaho at iba pang aktibidad.
  4. Pang-apat klase – Limitado ang abilidad na pangalagaan ang sarili, magtrabaho o gumawa ng iba pang gawain.

Paggamot

Dahil walang kilalang lunas sa rheumatoid arthritis, layunin ng paggamot ang pagpigil sa sakit, mailigtas ang mga natitirang malulusog na kasukasuan, at matulungang mamuhay ng maayos ang apektado. Karaniwang nangangailangan ng panghabang-buhay na paggamot ang rheumatoid arthritis.

Gamot

  1. Para sa kirot at pamamaga:
  2. Para sa mas malubhang uri ng RA:
    • Disease-modifying antirheumatic drug (DMARD) – Maaaring magkaroon ng malubhang epekto ang mga gamot na ito kaya kailangan ng madalas na pagsusuri ng dugo.
    • Gamot na antimalarial - May kasamang hydroxychloroquine at kadalasang ginagamit kasama sa methotrexate. Maaaring linggo o buwan bago makita ang anumang benepisyo mula sa pag-inom nito.

Biological agent

Maaaring ibigay ito kapag ang iba pang mga gamot para sa sakit sa buto ay hindi tumatalab. Sa ibang pagkakataon, sisimulan ang paggamit nito habang maaga pa at kasabay ang iba pang mga gamot. Karamihan ay tinuturok (subcutaneously) o dinadaan sa ugat (intravenously).

  • White blood cell modulators
  • Tumor necrosis factor (TNF) inhibitors
  • Interleukin-6 (IL-6) inhibitors

Pagtitistis

  • Arthroscopy
  • Pagtanggal ng aporo ng kasukasuan (synovectomy).
  • Sa ilang matinding kaso, pinapalitan ang kabuuan ng mga tuhod, balakang, bukung-bukong, balikat at iba pang apektado.

Physical therapy

  1. Pag-eehersisyo para sa:
    • Range-of-motion.
    • Pagpapalakas ng mga kalamnan.
    • Endurance tulad ng cardio o aerobic.
  2. Mga pamamaraan para mapangalagaan ang mga kasukasuan.
  3. Paggamot gamit ang init at lamig.
  4. Mga splint o aparatong orthotic na nagsusuporta at nagdidiretso ng mga kasu-kasuan.
  5. Mga espesyal na makina o aparato na magbibigay ng malalimang init o kuryente upang mabawasan ang sakit at mapabuti ang paggalaw ng mga kasukasuan.

Pagkain

Ang ilang may rheumatoid arthritis ay maaaring maging sensitibo sa ilang mga pagkain. Isang balance at malusog na diyeta ang inirerekumenda lalo na ang mga pagkaing mayaman sa taba ng isda (omega-3 fatty acids).

Komplikasyon

Mga hindi kanais-nais na epekto ng gamot para sa rheumatoid arthritis

  • Impeksyon mula sa bakterya, virus, at fungi.
  • Kanser tulad ng leukemia o lymphoma.
  • Psoriasis
  • Pananakit ng tiyan at pagtatae.
  • Pangangati at galis.
  • Panghihina ng mga kalamnan.
  • Pagbabago sa kalinawan ng mga mata.
  • Ulser at pagdurugo sa bituka.
  • Pagdagdag ng timbang.
  • Pamamaga ng mukha.
  • Pagnipis ng balat at mga buto.
  • Madaling magkapasa.
  • Katarata
  • Pagkakasira ng mga kalamnan at malalaking kasu-kasuan tulad ng balakang.
  • Cirrhosis at iba pang pinsala sa atay.
  • Pinsala sa utak ng buto.
  • Mga singaw sa bibig.
  • Pinsala sa bato na may pagtagas ng protina sa ihi.
  • Paglalagas ng buhok.
  • Depekto sa mga sanggol.
  • Paglala ng congestive heart failure at mga demyelinating disease tulad ng multiple sclerosis.
  • Alerhiya sa baga.
  • Altapresyon

Pag-aalaga

  • Alamin ng lubusan ang tungkol sa sakit at maaaring gawin para maayos na mabuhay kahit mayroon nito.
  • Makipag-ugnayan sa doktor at therapist at regular na kumonsulta at magpa-suri kung kinakailangan.
  • Uminom ng medikasyon para sa kirot at pamamaga gayundin ang mga suplementong bitamina at mineral.
  • Magkaroon ng sapat at regular na ehersisyo tulad ng paglangoy at mga programang irerekomenda ng therapist.
  • Magsuot ng splint at iba pang suporta sa mga apektadong bahagi ng katawan. Gayundin ang mga aparatong makakatulong sa pangaraw-araw na aktibidad.
  • Maglapat ng hot o cold compress sa apektadong lugar bago at pagkatapos mag-ehersisyo.
  • Ayusin ang pangkalahatang pamumuhay, siguraduhing malinis at malusog ang katawan at masustansiya ang pagkain.
  • Huwag manigarilyo.
  • Magkaroon ng sapat na pahinga at magpamasahe kung kinakailangan.
  • Bawasan ang labis na pag-aalala tungkol sa kalagayan at sumali sa mga grupong nagbibigay ng suporta para sa RA.

Sanggunian

Pagkilala

Wikihealth cit.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiHealth sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.