Simethicone

From Wikihealth
Jump to: navigation, search

Ang simethicone ay gamot na ginagamit para mawala ang sintomas dulot ng labis na gas sa tiyan na maaring magdulot ng kabag at matigas na paglobo ng tiyan. Kilala din ito bilang activated dimethicone at activated methylpolysiloxane.

Contents

Likas na katangian

Ang simethicone ay may IUPAC name na poly(dimethylsiloxane), silicon dioxide na makikita naman sa chemical formula nitong (C2H6OSi)n · (SiO2)m.

Nagagawa ng simethicone mailabas ang labis na gas sa sikmura at bituka sa pamamagitan ng pagsasama ng mga namuong maliliit na bula dito. Kapag ito ay may tama nang laki, mas madali itong nailalabas ng katawan bilang dighay o utot. Hindi nito nagagamot ang pinagmulan ng mga bula. Kadalasan ang simethicone ay bahagi ng programa ng panggagamot kung saan kailangan din sundin ng pasyente ang akmang ehersisyo at tamang pagkain.

Mga pinaggagamitan at dosis

Ang simethicone ay iniinom kadalasan ng apat na beses sa loob ng 24 oras. Ito ay matapos kumain at bago matulog. Kailangan lunukin ng buo ang mga tableta samantalang ang drops naman ay maaring ihalo sa 30 milliliters ng likido. Hindi dapat lumabis ng 500 milligrams ng simethicone ang iinumin sa loob ng 24 oras.

  • Para sa kabag, sa mga diperensya sa tiyan na nagdudulot ng labis na paglobo ng tiyan, kabag matapos maoperahan. Maaring uminom ng mula 40 hanggang 120 milligrams ng simethicone matapos kumain at bago matulog.
  • Para maihanda ang tiyan sa endoscopy o iinuming gamot para sa pagsusuri sa pamamagitan ng radiology. Maaring ipainom ang 67 milligrams ng simethicone na nilusaw sa 2.5 milliliters ng tubig bago gawin ang pagsusuri.
  • Para sa mga batang kinakabag. Kapag dalawang taong gulang pababa, 20 milligrams ng simethicone ipaiinom ng apat na beses kada araw. Kung edad tatlong taon hanggang 12 taong gulang, maaring magpainom ng 40 milligrams apat na beses kada araw. Para sa mga batang edad 13 pataas, mula 40 milligrams hanggang 120 milligrams ng simethicone ang maaring ipainom matapos kumain at bago matulog.

Mga inaasahang di-kanaisnais na epekto

Kung ang simethicone ay gagamitin ayon sa panuto sa kanyang pabalat, wala itong maidudulot na side effect. Ang pinakamatinding maaring maranasan sa pag-inom nito ay ang pagkakaroon ng allergy laban dito. Maaring makaranas ng hives, hirap sa paghinga, pamamaga ng mukha, labi, dila, o lalamunan.

Mga dapat iwasan

Kahit na ang simethicone ay hindi sumasama sa dugo at kakaunting pinsala lamang ang maidudulot, kailangan ipaalam pa din ng pasyente sa kanyang doktor kung siya ay may alerhiya dito at kung mayroon pang ibang mga gamot na iniinom na maaring makasabay dito. Bawal inumin ito ng labis sa rekomendadong dosis. Hangga't maari, umiwas sa mga pagkain at inumin na maaring magdulot ng pagbuo ng bula sa tiyan. Maari din may karagdagang pagsusuri na gawin ang mga doktor sa nakakatandang pasyente. Posible kasi na mayroon silang mga sakit sa bituka na nangangailangan ng atensyong medikal. Hindi naman ito mabisang gamot para sa colic ng mga sanggol.

Pagtutustos

Ang simethicone ay mabibili bilang tableta o pampatak para sa mga bata. Ang tableta ay kadalasan naglalaman ng 40 milligrams ng simethicone samantalang ang pampatak naman para sa bata ay naglalaman ng 40 milligrams ng simethicone kada isang milliliter ng gamot.

Ang Disflatyl® ay isa sa mga brand name na naglalaman ng purong simethicone.Maari naman maglaman ng ibang sangkap ang pormulasyon na may simethicone.

Ang bitaminang cholecalciferol at iba pang antacid tulad ng calcium carbonate, aluminum hydroxide, o magnesium hdroxide ay maaring ihalo sa simethicone para maibsan ang pagkakaroon ng labis na gas sa tiyan.

Ang mga kilalang brand na naglalaman ng simethicone ang Maalox Plus®, Osteo-D® at Kremil-S®.

Mga pangunahing isyu

Ang simethicone ay isa sa mga gamot na maaring ibigay sa mga alagang hayop tulad ng mga parkupino, lalo na kung ang mga bagong silang ay inabandona na ng kanilang ina. Hinahalo ang ilang patak ng simethicone tulad ng Restime® sa gatas ng kambing, tsaa ng mansanilya, acidophilus at tubig. Pinapadede ito sa mga batang hedgehog pagkat nakamamatay para sa mga ito ang kabag. Ginagamit din ito sa mga sanggol na hindi na pinapasuso. Nagkakakabag kasi ang mga infant formula kaya malaking ginhawa ang madudulot ng simethicone sa pagapalabas nito sa pamamagitan ng eructation o flatus ng labis na hangin sa tiyan. Subalit hindi lang sa mga sanggol nagagamit ang simethicone. Nirerekomenda din ito sa mga taong madalas dumighay, lalo na kung madalas itong sumusumpong sa loob ng isang araw.

Sanggunian

Simethicone.] The Merck Manual. (Hinango noong 08 August 2011).

Pwede ko ba salitan milk ng twins, ayaw ta nila sa Isomil?] Smart Parenting. (Hinango noong 10 August 2011).