Talampakan

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Error creating thumbnail: convert: unable to write blob `/tmp/magick-a9mcdUXw': @ error/blob.c/ImageToFile/1625.
convert: no decode delegate for this image format `' @ error/constitute.c/ReadImage/532.
convert: missing an image filename `/webroot/health.wikipilipinas.org/images/temp/transform_32685125372c-1.jpg' @ error/convert.c/ConvertImageCommand/3011.

Ang talampakan ay ang likurang bahagi ng paa. Ito ay binubuo ng:

  • Metatarsals o mga butong nagdurugtong sa mga buto ng daliri ng paa at sa mga buto ng midfoot';
  • Midfoot bones kung saan kabilang ang cuboid, navicular, at tatlong cuneiform na buto. Ang mga butong ito ay nakakonekta sa mga buto sa sakong at sa mga metatarsals; at
  • Makapal na tisyu na tinatawag na plantar aponeurosis at mga kalamnan kung saan kabilang ang abductor hallucis, flexor digitorum brevis, at abductor digiti minimi.

Ang talampakan ay karaniwang may napakakapal na balat na tinatawag na callus. Ang balat sa talampakan ay walang vellus hair o ang manipis at halos puting buhok na makikita sa balat ng ibang bahagi ng katawan ng tao tulad ng braso at binti. Bagkus, ang balat ng talampakan ay maraming glandula ng pawis. Ang mga glandulang ito ay walang ring sebaceous glands.

Contents

Problema

Ang mga karaniwang problema ng talampakan ay dahil sa labis na pagpwersa sa mga kalamnan at buto nito. Ang labis na pagpawis ng balat sa talampakan ay kadalasan ding nagiging sanhi ng pagkakaroon ng mga sugat at iba’t iba pang sakit sa balat.

Stress fracture

Ang stress fracture ay tinatawag ring overuse injury. Nagkakaroon ng mga maliliit na biyak sa buto sa talampakan kapag labis ang pwersa na tinatanggap ng mga kalamnan at litid sa likurang bahagi ng paa. Nagkakaroon ng biyak kapag hindi na kaya pa ng mga kalamnan na maging pananggalang sa stress at shock na naidudulot ng pauulit-ulit na paghakbang, mabilis, at matagal na pagtakbo, o madalas at malakas na pagbagsak ng paa dahil sa pagtalon.

Ang mga kadalasang nagkakaroon ng stress fracture ay ang mga taong mahilig sumali sa mga larong pampalakasan tulad ng pagtakbo, football, at basketbol. Nagkakaroon din nito ang mga taong madalas na nagbubuhat o nagtutulak ng mga mabibigat na bagay. Ang mga taong kulang sa nutrisyon o may problema sa kanilang mga buwanang dalaw ay may mataas ring posibilidad na magkaroon ng ganitong problema.

Ang mga taong may stress fracture ay nakakaranas ng pananakit sa talampakan at lalo itong tumitindi kapag hinahawakan ang bahaging apektado o kung may buhat na mabigat. Kadalasan ring namamaga at namumula ang paa. Maaaring pabugso-bugso lamang ang pananakit na mararamdaman ngunit ito ay maaari ring higit na tumindi habang tumatagal.

Flat feet

Ang flat feet ay isang kondisyon kung saan ang bahagi ng talampakan na dapat ay nakaarko ay nailalapat na nang buo sa sahig. Ito ay maaaring dulot ng hindi maayos na pagtubo o paglaki ng paa habang bata pa. Maaari ding magkaroon nito ang mga taong nagkakaedad na. Higit na malaki ang posibilidad ng pagkakaroon ng ganitong kondisyon kung nakaranas na ng pinsala sa kalamnan o buto ng talampakan dahil sa isang karamdaman tulad ng arthritis o diabetes o dahil sa isang aksidente o dahil sa labis na pagpwersa sa mga buto at kalamnan ng paa.

Ang mga taong may flat feet ay kadalasang nagkakaroon ng problema sa sakong at tuhod. Magkakaroon rin ng pananakit o pamamaga sa sakong sapagkat maaaring maging saliwa ang pagkakahanay ng mga buto. Maaari ring magkaroon ng pananakit hanggang sa hita o binti at ito ay pwedeng maging dahilan ng problema sa pagtayo at paglalakad.

Plantar warts

Ang mga plantar warts ay mga mabutil na kulugo na matatagpuan sa talampakan. Ito ay epekto ng human papillomavirus (HPV). Ang virus na ito ay nakakapasok sa mga maliliit na sugat, hiwa, o alerhiya sa balat. Kadalasang tumutubo ang mga plantar warts sa mga bahagi ng talampakan na lumalapat sa sahig at nakakatanggap ng puwersa.

Ang mga taong may plantar warts ay maaaring makaranas ng pananakit ng talampakan kapag nakatayo o naglalakad. Maaari ring magkaroon ng mga wart seeds o maliliit na pamumuo ng dugo sa mga daluyan ng dugo sa balat. Ang plantar warts ay maaari ring senyales na ang isang tao ay may sexually transmitted disease (STD).

Pangagalaga

Upang pangalagaan ang mga buto sa talampakan, kinakailangang siguraduhing makakakuha ang katawan ng sapat na sustansiya at nutrisyong kailangan ng mga buto tulad ng calcium at protina. Ugaliing kumain ng mga pagkaing sagana sa mga ito tulad ng karne, keso, beans, at iba pa.

Iwasan ang paggawa ng mga bagay na nakakapagbigay ng labis na presyon sa mga buto at kalamnan ng talampakan. Para sa mga taong nakakaranas na ng pananakit sa sakong o sa talampakan, iwasan ang matagal na pagtayo o pagtakbo. Iwasan ding ang paulit-ulit na paglundag. Kung kinakailangang sumailalim sa isang matinding ehersisyo o pagsasanay, kailangang magsagawa ng mga magagaang aktibidad para sa warm-up.

Ugaliing magsuot ng tamang sapatos na angkop para sa mga aktibidad o ehersisyong gagawin. Dapat pumili ng mga sapatos na sakto ang hugis, hubog, at laki. Kung nakakaranas na ng madalas na pananakit ng sakong o sa talampakan, iwasan ang mga sapatos na may matataas na takong.

Upang maiwasan ang plantar warts at iba pang sakit sa balat sa talampakan, ugaliing magsuot ng malinis na medyas. Kailangan ding panatilihing tuyo ang talampakan at ang iba pang bahagi ng paa. Iwasang gumamit ng mga moisturizer sa mga bahagi ng paa na labis na nagpapawis. Kailangan ring magsuot ng tsinelas sa mga lugar na pampubliko tulad ng mga pampublikong paliguan o swimming pool.

Kung mayroon nang tumubong kulugo sa paa, huwag itong kakamutin o pipisain. Iwasang hawakan ang mga tumutubong kulugo upang hindi ito kumalat sa ibang bahagi ng katawan.

Kapag namamaga ang paa o talampakan, maaaring gumamit ng mga gamot na pang-lunas sa pamamaga. Maaari ring makatulong ang paglalagay ng yelo sa namamagang bahagi. Kapag labis na ang sakit na nararamdaman o kung nahihirapan nang maglakad, kailangang sumangguni sa doktor at magpasuri. Kadalasang inirerekomenda ng doktor ang physical therapy at ang paggamit ng leg brace.

Kung nagkaroon ng problema sa pagkakahanay ng mga buto sa talampakan dahil sa flat feet, maaaring kailangan sumailalim sa osteotomy o ang pagputol at pag-aayos ng hugis ng mga buto. Isa pang uri ng paggamot ay ang excision o ang pagputol o pagtanggal sa maling pagtubo ng buto.

Sanggunian