Ulser sa bituka, Pangangasim ng sikmura at Pagkaimpatso

From Wikihealth
Jump to: navigation, search
Graphics 413.jpg

Ang pagkaimpatso at pangangasim ng sikmura ay kadalasang sanhi ng labis na pagkain ng mga pagkaing mamantika o mabigat sa tiyan, o sanhi ng labis na alak. Nagiging dahilan ito upang magkaroon ng dagdag na asido sa tiyan, kaya't nagbubunga ng masamang pakiramdam o pagiinit ng sikmura. Ipinagkakamali ng ilang tao na sakit sa puso ang pangangasim ng sikmura na sanhi ng di-pagkatunaw ng pagkain.

Ang madalas at tumatagal na pangangasim ng sikmura ay babala ng pagkakaroon ng ulser.

Ang ulser ay matagal nang sugat sa loob ng tiyan o sa maliit na bituka, sanhi ng labis na asido. Maaari itong matukoy sa pamamagitan ng paulit-ulit, baha-bahagyang pagkirot (minsan ay matindi) sa sikmura. Madalas, nababawasan ang kirot kapag ang tao ay may kinakain o uminom ng gatas. Tumitindi ang kirot, 2 o 3 oras matapos kumain, kung nakaligtaan ng tao na kumain sa oras, o matapos siyang uminom ng alak o kumain ng pagkaing mamantika at maanghang. Madalas na mas matindi ang kirot sa gabi. Kung malala ang ulser, maaari itong maging sanhi ng pagsuka, na kung minsa'y may kahalong dugo. Ang taeng may dugo sanhi ng ulser ay karaniwang maitim tulad ng alkitran.


Contents

Pag-iingat at paggamot:

  • Kumain ng mga pagkaing nakapagpapagaling sa ulser sa halip na mga pagkaing nakapagpapalala dito:

Ang mga ito'y nakagagamot sa ulser:

  • pinakuluang gatas
  • keso
  • krema
  • oats
  • saging

Ang mga ito'y hindi nakasasama sa ulser:

  • itlog na nilaga o sinuam
  • saltine crackers
  • simpleng sopas na noodle (miswa)
  • nilagang patatas
  • kalabasa
  • pancake o hot cake
  • hinog na saging

Ang mga ito'y nakapagpapalala sa ulser:

  • alak
  • kape
  • sigarilyo
  • sili at paminta
  • inuming karbonato (soda, kola)
  • mamantikang pagkain


  • Ang gatas ang isa sa piankamabuting gamot sa ulser o pangangasim ng sikmura. Kung malala ang ulser, uminom ng isang basong gatas tuwing isang oras sa unang ilang araw at kumain lamang ng mga pagkaing nakalista sa unang grupo sa itaas (iyong mga nakagagaling). Sa loob ng ilang araw, kung nabawasan ang kirot, simulang kumain ng mga bagay na nasa gitnang grupo (iyong hindi nakasasama). Pagkaraan ng ilang buwan, magandang ideya ang pag-inom ng gatas sa bawat pagkain, gayundin sa tanghali, sa hapon, at bago matulog (6 na beses isang araw)
  • Ang mga gamot na kontra sa asido (antacids), gaya ng gatas ng magnesiya o magnesium at aluminum hydroxide, ay nakatutulong din sa paglaban sa pangangasim ng sikmura at paglunas sa ulsr. Kung matindi ang kirot, makatutulong ang antispasmodic.
  • Kahit malunasan na ang ulser, ang nagkasakit ay hindi pa rin dapat kumain ng ano mang bagay na nasa huling grupo sa itaas (iyong mga nakapipinsala) dahil maaaring maging sanhi ang mga ito ng pag-ulit ng ulser. Kung maaari, dapat niyang ipagpatuloy ang pag-inom ng antacids o gatas bago matulog.


Mahalagang malunasan ang ulser habang maaga. Kung hindi, maaari itong magbunga ng delikadong pagdurugo at peritonitis. Ang ulser ay karaniwang gumagaling kung ang tao'y maingat sa mga bagay na kanyang kinakain at iniinom. Ang pagkagalit, tensiyon, at nerbiyos ay nakapagpapalala sa ulser. Ang pagsisikap na magpigil at maging mahinahon ay makatutulong sa pagpapagaling. Ang patuloy na pangangalaga ay kinakailangan upang maiwasan ang pagbalik ng ulser.

Ang pinakamabuting magagawa upang maiwasan ang pagkakaroon ng ulser ay kumain nang wasto, huwag uminom ng labis na alak, at huwag manigarilyo.


Sanggunian

  • David Werner. Kung Walang Doktor sa Inyong Lugar. Philippine Charity Sweepstakes Office, 1979. (Hinango noong 23 Abril 2010).